Mga Awit 139
139
Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos
Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
1Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
2Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
3Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
4Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
5Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
6Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.
7Saan ako magpupunta, upang ako'y makatakas?
Sa iyo bang Espiritu,#7 ESPIRITU: o kaya'y kapangyarihan. ako ba'y makakaiwas?
8Kung langit ang puntahan ko, tiyak na naroroon ka,
sa daigdig ng mga patay, humimlay man ako'y ikaw din ang kasama;
9kung ako ay makalipad, umiwas na pasilangan,
o kaya ang tirahan ko'y ang duluhan ng kanluran;
10tiyak ikaw ay naroon, upang ako'y pangunahan,
matatagpo kita roon upang ako ay tulungan.
11Kung ang aking pagtaguan ay ang dilim na pusikit,
padiliming parang gabi ang liwanag sa paligid;
12maging itong kadiliman sa iyo ay hindi dilim,
at sa iyo yaong gabi'y parang araw na maningning,
madilim ma't maliwanag, sa iyo ay pareho rin.
13Ang anumang aking sangkap, ikaw O Diyos ang lumikha,
sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17Tunay,#Ecc. 18:5-7. Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.
19Ang hangad ko, aking Diyos, patayin mo ang masama,
at ang mga mararahas ay iwanan akong kusa.
20Mayroon silang sinasabing masasama laban sa iyo,
at kanilang dinudusta, pati na ang pangalan mo.
21Lubos akong nasusuklam sa sinumang muhi sa iyo,
ang lahat ng nag-aalsa laban sa iyo'y di ko gusto.
22Lubos akong nagagalit, lubos din ang pagkasuklam,
sa ganoong mga tao ang turing ko ay kaaway.
23O Diyos, ako'y siyasatin, alamin ang aking isip,
subukin mo ako ngayon, kung ano ang aking nais;
24kung ako ay hindi tapat, ito'y iyong nababatid,
sa buhay na walang hanggan, samahan mo at ihatid.
Kasalukuyang Napili:
Mga Awit 139: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society