Mga Taga-Roma 1
1
1Mula kay Pablo na isang alipin ni Jesu-Cristo, tinawag upang maging apostol at hinirang upang mangaral ng Magandang Balita ng Diyos.
2Ang Magandang Balitang ito na ipinangako niya noong una pa man sa pamamagitan ng mga propeta, at sinasabi sa mga Banal na Kasulatan, 3-4ay tungkol sa kanyang Anak, ang ating Panginoong Jesu-Cristo. Tungkol sa kanyang pagiging tao, siya'y ipinanganak mula sa lahi ni David. At tungkol naman sa Espiritu ng kabanalan, ipinahayag siya bilang Anak ng Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang gawa, ang kanyang muling pagkabuhay. 5Sa pamamagitan niya, tinanggap namin sa Diyos ang kaloob na maging apostol alang-alang kay Cristo, upang ang mga Hentil ay akayin sa pananampalataya at pagsunod sa kanya. 6Kayo'y kabilang sa mga tinawag na maging mga tagasunod ni Jesu-Cristo.
7Sa inyong lahat na nasa Roma, mga minamahal ng Diyos at tinawag upang maging banal, sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos na ating Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
Ang Pagnanais ni Pablo na Dumalaw sa Roma
8Una sa lahat, nagpapasalamat ako sa aking Diyos sa pamamagitan ni Jesu-Cristo dahil sa inyong lahat, sapagkat ang inyong pananampalataya ay balitang-balita sa buong daigdig. 9Saksi ko ang Diyos, na pinaglilingkuran ko nang buong puso sa pamamagitan ng aking pangangaral ng Magandang Balita tungkol sa kanyang Anak, na lagi ko kayong idinadalangin. 10Lagi kong hinihiling na loobin nawa niyang ako'y makapunta riyan sa inyo. 11Nananabik akong makita kayo upang maibahagi sa inyo ang mga kaloob ng Espiritu sa ikatatatag ninyo. 12Ang ibig kong sabihi'y upang magkatulungan tayo sa ikalalakas ng bawat isa sa atin sa pamamagitan ng ating pananalig sa Diyos.
13Mga#Gw. 19:21. kapatid, nais kong malaman ninyo na ilang ulit ko nang binalak na pumunta riyan, ngunit laging may nagiging hadlang. Nais kong makahikayat din diyan ng mga sasampalataya kay Cristo, tulad ng nagawa ko na sa ibang mga bansang Hentil. 14May pananagutan ako sa lahat: sa mga sibilisado at sa mga barbaro, sa marurunong at sa mga mangmang. 15Kaya nga, nais ko ring ipangaral diyan sa Roma ang Magandang Balita.
Ang Kapangyarihan ng Magandang Balita
16Hindi#Mc. 8:38. ko ikinahihiya ang Magandang Balita, sapagkat ito ang kapangyarihan ng Diyos para sa kaligtasan ng bawat sumasampalataya, una'y sa mga Judio at gayundin sa mga Griego. 17Sapagkat#Hab. 2:4. ipinapakita ng Magandang Balita kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang isang tao; at ito ay sa pamamagitan ng pananampalataya buhat sa simula hanggang sa wakas. Tulad ng sinasabi sa Kasulatan, “Ang itinuring na matuwid ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya ay mabubuhay.”#17 Ang itinuring…mabubuhay: o kaya'y Ang taong itinuring na matuwid ng Diyos ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.
Mga Kasalanan ng Sangkatauhan
18Nahahayag mula sa langit ang poot ng Diyos laban sa lahat ng kalapastanganan at kasamaan ng mga taong dahil mismo sa kanilang kasamaan ay hinahadlangan ang katotohanan. 19Sapagkat ang maaaring malaman tungkol sa Diyos ay maliwanag, dahil iyon ay ipinapahayag sa kanila ng Diyos. 20Mula#Kar. 13:1-9; Ecc. 17:8. pa nang likhain ng Diyos ang sanlibutan, ang kanyang likas na hindi nakikita, ang kanyang kapangyarihang walang hanggan at ang kanyang pagka-Diyos, ay maliwanag na inihahayag ng kanyang mga ginawa. Kaya't wala na silang maidadahilan pa. 21Kahit#Ef. 4:17-18. na alam nilang may Diyos, siya'y hindi nila pinarangalan bilang Diyos, ni pinasalamatan man lang. Sa halip, naghaka-haka sila ng mga bagay na walang kabuluhan kaya't nagdilim ang hangal nilang pag-iisip. 22Sila'y nagmamarunong ngunit lumitaw na sila'y mga hangal. 23Tinalikuran#Deut. 4:16-18; Kar. 11:15; 12:24; 13:10-19. nila ang kaluwalhatian ng Diyos na walang kamatayan, at ang sinamba nila'y mga larawan ng mga taong may kamatayan, ng mga ibon, ng mga hayop na may apat na paa, at ng mga hayop na gumagapang.
24Kaya't hinayaan na sila ng Diyos sa kanilang maruruming pagnanasa hanggang sa hindi na nila mapigil ang paggawa ng kahalayan sa isa't isa. 25Ang katotohanan tungkol sa Diyos ay tinalikuran at pinalitan nila ng kasinungalingan. Sinamba nila at pinaglingkuran ang mga nilikha, sa halip na ang lumikha, na siyang dapat papurihan magpakailanman! Amen.
26Dahil dito'y hinayaan sila ng Diyos sa mahahalay na pagnanasa. Ayaw nang makipagtalik ng babae sa lalaki, at sa halip ay sa kapwa babae sila nakikipag-ugnayan. 27Ganoon din ang mga lalaki; ayaw na nilang makipagtalik sa mga babae, at sa kanilang kapwa lalaki sila nahuhumaling. Ginagawa nila ang mga kasuklam-suklam na bagay, kaya't sila'y paparusahan ng nararapat sa kanilang masasamang gawa.
28Dahil ayaw nilang kilalanin ang Diyos, hinayaan sila ng Diyos sa masasamang pag-iisip at sa mga gawaing kasuklam-suklam. 29Naging alipin sila ng lahat ng uri ng kasamaan, kabuktutan,#29 kabuktutan: Sa ibang manuskrito'y pakikiapid. kasakiman, masasamang isip, pagkainggit, pagpatay, pagtatalo, pandaraya at masasamang hangarin. Sila'y naging mahihilig sa tsismis, 30mapanirang puri, nasusuklam sa Diyos,#30 nasusuklam sa Diyos: o kaya'y kinasusuklaman ng Diyos. walang pakundangan, mapagmataas, mayayabang, mapagkatha ng kasamaan, at suwail sa magulang. 31Sila'y naging mga hangal, mga taksil, mga walang puso, at di-marunong lumingap sa kapwa. 32Nalalaman nila ang utos ng Diyos na dapat mamatay ang mga gumagawa nito, ngunit patuloy sila sa paggawa nito at natutuwa pang makita na ang iba ay gumagawa rin ng ganoon.
Kasalukuyang Napili:
Mga Taga-Roma 1: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society