Tobit 2
2
1Noong#Exo. 23:16. panahon ng paghahari ni Esarhadon, bumalik ako sa aking tahanan sa piling ng aking asawang si Ana at anak na si Tobias. At nang ipagdiwang ang Pentecostes, ang Pista ng Pitong Linggo, hinandugan nila ako ng isang masarap na salu-salo. 2Matapos ihain ang masasarap na pagkain sa hapag, tinawag ko ang aking anak na si Tobias. “Anak,” ang sabi ko, “Humanap ka rito sa Nineve ng kahit sinong dukhang kababayan nating tapat sa Panginoon. Dalhin mo siya rito at nang makasalo ko. Dalian mo. Hihintayin kita.”
May Pinatay sa Nineve
3Lumabas nga si Tobias upang humanap ng makakasalo ko. Ngunit bumalik ito agad na sumisigaw, “Tatay! Tatay!”
“Bakit? Anong nangyari, anak?” ang tanong ko.
“May kababayan tayong binigti at itinapon sa palengke,” sagot niya.
4Dahil sa narinig ko'y hindi na ako nakakain; halos patakbong iniwan ko ang hapag, pinuntahan ang bangkay, at dinala ko sa isang kubling pook upang ilibing paglubog ng araw. 5Matapos#Bil. 19:11-13. kong gawin ito, nagbalik ako sa amin, naglinis ng katawan, at kumaing nalulumbay. 6Noon#Amos 8:10. ko nagunita ang pahayag ni Propeta Amos laban sa mga taga-Bethel,#6 TAGA-BETHEL: Sa ibang manuskrito'y taga-Bethlehem.
“Ang inyong pagdiriwang ay magiging pagdadalamhati,
at ang inyong kasayahan ay magiging panaghuyan.”
Nanangis ako. 7Paglubog ng araw, lumabas ako at humukay ng paglilibingan, at ibinaon doon ang bangkay. 8Sa ginawa kong ito, pinagtawanan ako ng aking mga kapitbahay. Ang sabi nila, “Hindi na ba natakot ang taong ito? Ipinadakip na siya para patayin sa ganito ring kasalanan; ngayo'y naglibing na naman!”
Nabulag si Tobit
9Pag-uwi ko nang gabing iyon, naligo ako at pagkatapos ay doon na ako natulog sa aming bulwagan. Hindi na ako nagtakip ng mukha dahil sa init. 10Hindi ko napunang may mga ibong maya pala sa tapat ng higaan ko. Ang mainit-init pang ipot ng mga ito'y pumatak sa aking mga mata at lumikha ng katarata. Sumangguni ako sa mga manggagamot ngunit wala silang nagawa. Ang kanilang mga gamot na inilalagay ay lalong nakapagpalubha hanggang sa ako'y tuluyang nabulag. Apat na taon akong hindi makakita, at gayon na lamang ang pagkabahala ng aking mga kamag-anak. Dalawang taon akong tinulungan ni Ahikar hanggang sa siya'y magpunta sa Elimais.
11Ang asawa kong si Ana ay nagtrabaho bilang manghahabi na karaniwang gawain ng mga babae nang panahong iyon, upang kumita ng ikabubuhay namin. 12Pagkahatid niya ng kanyang mga ginawa ay binabayaran agad siya ng may-ari. Minsan, noong ikapitong araw ng buwan ng taglamig, naghatid siya ng mga natapos niya. Nakuha niya agad ang buong kabayaran at binigyan pa siya ng isang batang kambing.
13Umuwi siyang akay ang kambing. Pagpasok niya, humalinghing ang kambing, kaya't nang marinig ko'y tinawag ko siya at tinanong, “Saan galing ang kambing na iyan? Marahil ay nakaw, ano? Sige, ibalik mo iyan! Hindi tayo dapat kumain ng nakaw!”
14Ngunit ito ang tugon niya sa akin, “Iyan ay dagdag na bigay sa akin, bukod sa bayad sa aking ginawa.”
Hindi ko siya pinaniwalaan; pilit kong ipinababalik ang kambing sa may-ari. Galit na galit ako sa aking asawa dahil dito. Kaya't sinumbatan niya ako. Sinabi niya, “Ngayon, nasaan na ang iyong pagkakawanggawa? Nasaan ang mga ginawa mong kapuri-puri? Lumabas na rin ang tunay mong pagkatao!”
Kasalukuyang Napili:
Tobit 2: MBB05
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
© 2005 Philippine Bible Society