Jeremias 17
17
1Ang kasalanan ng Juda ay nasulat ng panulat na bakal, at ng dulo ng diamante: nakintal sa kanilang puso, at sa mga sungay ng inyong mga dambana; 2Habang naaalaala ng kanilang mga anak ang kanilang mga dambana at ang kanilang mga Asera sa tabi ng mga sariwang puno ng kahoy sa mga mataas na burol. 3Oh aking bundok sa parang, aking ibibigay sa pagkasamsam ang iyong mga tinatangkilik sa lahat ng iyong lupa at ang lahat ng iyong mga kayamanan, at ang iyong mga mataas na dako, dahil sa kasalanan, sa lahat ng iyong hangganan. 4At ikaw, sa makatuwid baga'y ang iyong sarili, mawawalaan ka ng iyong mana na ibinigay ko sa iyo; at paglilingkurin kita sa iyong mga kaaway sa lupain na hindi mo nakikilala: sapagka't pinapagningas ninyo ang aking galit na magniningas magpakailan man. 5Ganito ang sabi ng Panginoon: Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman ang kaniyang bisig, at ang puso ay humihiwalay sa Panginoon. 6Sapagka't siya'y magiging gaya ng kugon sa ilang, at hindi makakakita pagka ang mabuti ay dumarating, kundi tatahan sa mga tuyong dako sa ilang, lupaing maalat at hindi tinatahanan. 7Mapalad ang tao na tumitiwala sa Panginoon, at ang pagasa ay ang Panginoon. 8Sapagka't siya'y magiging parang punong kahoy na itinanim sa tabi ng tubig, at naguugat sa tabi ng ilog, at hindi matatakot pagka ang init ay dumarating, kundi ang kaniyang dahon ay magiging sariwa; at hindi mababalisa sa taon ng pagkatuyu, o maglilikat man ng pagbubunga. 9Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam? 10Akong Panginoon, ay sumisiyasat ng pagiisip, aking tinatarok ang mga puso, upang magbigay sa bawa't tao ng ayon sa kanikaniyang lakad, ayon sa bunga ng kanikaniyang mga gawain. 11Kung paanong lumilimlim ang pugo sa mga itlog na hindi kaniya, gayon siya nagtatangkilik ng mga kayamanan, at hindi sa pamamagitan ng matuwid; sa kaniyang mga kaarawan ay iiwan niya yaon, at sa kaniyang wakas ay nagiging mangmang siya. 12Ang maluwalhating luklukan, na naitaas mula nang pasimula, ay siyang dako ng aming santuario. 13Oh Panginoon, na pagasa ng Israel, lahat na nagpapabaya sa iyo ay mapapahiya. Silang nagsisihiwalay sa akin ay masusulat sa lupa, sapagka't kanilang pinabayaan ang Panginoon, na bukal ng buhay na tubig. 14Iyong pagalingin ako, Oh Panginoon, at gagaling ako; iyong iligtas ako, at maliligtas ako: sapagka't ikaw ang aking kapurihan. 15Narito, kanilang sinasabi sa akin, Saan nandoon ang salita ng Panginoon? paratingin ngayon. 16Sa ganang akin, ay hindi ako nagmadali sa pagpapakapastor sa pagsunod sa iyo; o ninasa ko man ang kaabaabang kaarawan: iyong nalalaman: ang lumabas sa aking mga labi ay nasa harap ng iyong mukha. 17Huwag maging kakilabutan sa akin: ikaw ang aking kanlungan sa araw ng kasakunaan. 18Mangapahiya sila sa nagsisiusig sa akin, nguni't huwag akong mapahiya; manganglupaypay sila, nguni't huwag akong manglupaypay; datnan sila ng araw ng kasakunaan, at ipahamak sila ng ibayong pagkapahamak. 19Ganito ang sabi ng Panginoon sa akin, Ikaw ay yumaon, at tumayo ka sa pintuang-bayan ng mga anak ng bayan, na pinapasukan, at nilalabasan ng mga hari sa Juda, at sa lahat ng pintuang-bayan ng Jerusalem; 20At iyong sabihin sa kanila, Inyong dinggin ang salita ng Panginoon, ninyong mga hari sa Juda, at ng buong Juda, at ng lahat na nananahan sa Jerusalem, na nagsisipasok sa pintuang-bayang ito: 21Ganito ang sabi ng Panginoon, Mangagingat kayo sa inyong sarili, at huwag kayong mangagdala ng pasan sa araw ng sabbath, o mangagpasok man sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem; 22Huwag din kayong maglabas ng pasan sa inyong mga bahay sa araw ng sabbath, o magsigawa man kayo ng anomang gawain: kundi inyong ipangilin ang araw ng sabbath, gaya ng iniutos ko sa inyong mga magulang. 23Nguni't hindi nila dininig, o ikiniling man ang kanilang pakinig, kundi pinapagmatigas ang kanilang leeg, upang huwag nilang marinig, at huwag makatanggap ng turo. 24At mangyayari, kung kayo'y mangakinig na maingat sa akin, sabi ng Panginoon, na huwag magpasok ng pasan sa mga pintuan ng bayang ito sa araw ng sabbath, kundi ipangilin ang araw ng sabbath, upang huwag gawan ng anomang gawain; 25Kung magkagayo'y magsisipasok sa mga pintuan ng bayang ito ang mga hari at mga prinsipe na nangauupo sa luklukan ni David, na nangakakaro at nangakakabayo, sila at ang kanilang mga pangulo, ang mga lalake ng Juda, at ang mga taga Jerusalem; at ang bayang ito ay mananatili magpakailan man. 26At sila'y manganggagaling sa mga bayan ng Juda, at sa mga palibot ng Jerusalem, at sa lupain ng Benjamin, at sa mababang lupain, at sa mga bundok, at sa Timugan, na magdadala ng mga handog na susunugin, at ng mga hain, at ng mga alay, at ng kamangyan, at mangagdadala ng mga hain na pasalamat sa bahay ng Panginoon. 27Nguni't kung hindi ninyo didinggin ako upang ipangilin ang araw ng sabbath, at huwag mangagdala ng pasan at pumasok sa mga pintuang-bayan ng Jerusalem sa araw ng sabbath; kung magkagayo'y magsusulsol ako ng apoy sa mga pintuang-bayan niyaon, at pupugnawin niyaon ang mga palacio sa Jerusalem, at hindi mapapatay.
Kasalukuyang Napili:
Jeremias 17: TLAB
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in