Si Marta ay nagsabi sa kaniya, Nalalaman ko na siya'y magbabangon uli sa pagkabuhay na maguli sa huling araw. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Ako ang pagkabuhay na maguli, at ang kabuhayan: ang sumasampalataya sa akin, bagama't siya'y mamatay, gayon ma'y mabubuhay siya; At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man. Sinasampalatayanan mo baga ito? Sinabi niya sa kaniya, Oo, Panginoon: sumasampalataya ako na ikaw ang Cristo ang Anak ng Dios, sa makatuwid baga'y ang naparirito sa sanglibutan. At nang masabi na niya ito, ay yumaon siya, at tinawag ng lihim si Maria na kapatid niya, na sinasabi, Ang Guro ay narito, at tinatawag ka. At siya, nang marinig niya ito, ay nagtindig na madali, at pumaroon sa kaniya. (Hindi pa nga dumarating si Jesus sa nayon, kundi naroroon pa sa dakong kinasalubungan sa kaniya ni Marta.) Ang mga Judio nga na kaniyang mga kasama sa bahay, at nangagsisialiw sa kaniya, pagkakita nilang si Maria, na siya'y nagtindig na madali at lumabas, ay nagsisunod sa kaniya, na inaakalang paroroon siya sa libingan upang doo'y tumangis. Si Maria nga, pagdating niya sa kinaroroonan ni Jesus, at pagkakita sa kaniya, ay nagpatirapa sa kaniyang paanan, na sinabi sa kaniya, Panginoon, kung ikaw sana'y narito, disin ay hindi namatay ang aking kapatid. Nang makita nga ni Jesus na siya'y tumatangis, at gayon din ang mga Judiong nagsisitangis na kasama niyang dumating, ay nalagim siya sa espiritu, at nagulumihanan, At sinabi, Saan ninyo siya inilagay? Sinabi nila sa kaniya, Panginoon, halika at tingnan mo. Tumangis si Jesus. Sinabi nga ng mga Judio, Tingnan ninyo kung gaano ang pagibig niya sa kaniya! Datapuwa't ang ilan sa kanila'y nagsipagsabi, Hindi baga magagawa ng taong ito, na nagpadilat ng mga mata ng bulag, na ang taong ito naman ay huwag mamatay? Si Jesus nga sa muling pagkalagim sa kaniyang sarili ay naparoon sa libingan. Yaon nga'y isang yungib, at mayroong isang batong nakatakip sa ibabaw noon. Sinabi ni Jesus, Alisin ninyo ang bato. Si Marta, na kapatid niyaong namatay, ay nagsabi sa kaniya, Panginoon, sa ngayon ay nabubulok na ang bangkay sapagka't may apat na araw nang siya'y namamatay. Sinabi sa kaniya ni Jesus, Di baga sinabi ko sa iyo, na, kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Dios? Kaya't inalis nila ang bato. At itiningin ni Jesus sa itaas ang kaniyang mga mata, at sinabi, Ama, nagpapasalamat ako sa iyo, na ako'y iyong dininig. At nalalaman ko na ako'y lagi mong dinirinig: nguni't ito'y sinabi ko dahil sa karamihang nasa palibot, upang sila'y magsisampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. At nang masabi niya ang gayon, ay sumigaw siya ng malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka. Siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panglibing; at ang kaniyang mukha ay nababalot ng isang panyo. Sinabi sa kanila ni Jesus, Siya'y inyong kalagan, at bayaan ninyo siyang yumaon. Marami nga sa mga Judio ang nagsiparoon kay Maria at nangakakita ng ginawa niya, ay nagsisampalataya sa kaniya.