Mga Awit 102
102
1Dinggin mo ang dalangin ko, Oh Panginoon, at dumating nawa ang daing ko sa iyo. 2Huwag mong ikubli ang mukha mo sa akin sa kaarawan ng aking kahirapan: ikiling mo ang iyong pakinig sa akin; sa araw na ako'y tumawag, ay sagutin mo akong madali. 3Sapagka't ang mga kaarawan ko'y nangapapawi na parang usok, at ang mga buto ko'y nangasusunog na parang panggatong. 4Ang puso ko'y nasaktan na parang damo, at natuyo; sapagka't nalimutan kong kanin ang aking tinapay. 5Dahil sa tinig ng aking daing ang mga buto ko'y nagsisidikit sa aking laman. 6Ako'y parang pelikano sa ilang; ako'y naging parang kuwago sa kaparangan. 7Ako'y umaabang, at ako'y naging parang maya na nagiisa sa bubungan. 8Dinudusta ako ng aking mga kaaway buong araw; silang nangauulol laban sa akin ay nagsisisumpa sa akin. 9Sapagka't kinain ko ang mga abo na parang tinapay, at hinaluan ko ang aking inumin ng iyak. 10Dahil sa iyong galit at iyong poot: sapagka't ako'y iyong itinaas, at inihagis. 11Ang aking mga kaarawan ay parang lilim na kumikiling; at ako'y natuyo na parang damo. 12Nguni't ikaw, Oh Panginoon, ay mamamalagi magpakailan man; at ang alaala sa iyo ay sa lahat ng sali't saling lahi. 13Ikaw ay babangon at maaawa sa Sion: sapagka't kapanahunan ng pagkaawa sa kaniya, Oo, ang takdang panahon ay dumating. 14Sapagka't nililigaya ang iyong mga lingkod sa kaniyang mga bato, at nanghihinayang sa kaniyang alabok. 15Sa gayo'y katatakutan ng mga bansa ang pangalan ng Panginoon. At ng lahat ng hari sa lupa ang iyong kaluwalhatian; 16Sapagka't itinayo ng Panginoon ang Sion, siya'y napakita sa kaniyang kaluwalhatian; 17Kaniyang dininig ang dalangin ng tapon, at hindi hinamak ang kanilang dalangin. 18Ito'y isusulat na ukol sa lahing susunod: at ang bayang lalalangin ay pupuri sa Panginoon. 19Sapagka't siya'y tumungo mula sa kaitaasan ng kaniyang santuario; tumingin ang Panginoon sa lupa mula sa langit; 20Upang dinggin ang buntong hininga ng bilanggo: upang kalagan yaong nangaitakdang patayin; 21Upang maipahayag ng mga tao ang pangalan ng Panginoon sa Sion, at ang kaniyang kapurihan sa Jerusalem; 22Nang ang mga bayan ay mapisan, at ang mga kaharian, upang maglingkod sa Panginoon. 23Kaniyang pinahina ang aking kalakasan sa daan; kaniyang pinaikli ang mga kaarawan ko. 24Aking sinabi, Oh Dios ko, huwag mo akong kunin sa kalagitnaan ng aking mga kaarawan; ang mga taon mo'y lampas sa mga sali't saling lahi. 25Nang una ay inilagay mo ang patibayan ng lupa; at ang mga langit ay gawa ng iyong mga kamay. 26Sila'y uuwi sa wala, nguni't ikaw ay mananatili: Oo, silang lahat ay maluluma na parang bihisan; parang isang kasuutan na iyong mga papalitan, at sila'y mga mapapalitan: 27Nguni't ikaw rin, at ang mga taon mo'y hindi magkakawakas. 28Ang mga anak ng iyong mga lingkod ay mangamamalagi, at ang kanilang binhi ay matatatag sa harap mo.
Kasalukuyang Napili:
Mga Awit 102: TLAB
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in