Mga Awit 119:129-176
Mga Awit 119:129-176 TLAB
Ang mga patotoo mo'y kagilagilalas; kayat sila'y iniingatan ng aking kaluluwa. Ang bukas ng iyong mga salita ay nagbibigay ng liwanag; nagbibigay ng unawa sa walang muwang. Aking binuka ng maluwang ang bibig ko, at ako'y nagbuntong-hininga; sapagka't aking pinanabikan ang mga utos mo. Manumbalik ka sa akin, at maawa ka sa akin, gaya ng iyong kinauugaliang gawin sa nagsisiibig ng iyong pangalan. Itatag mo ang mga hakbang ko sa iyong salita; at huwag magkaroon ng kapangyarihan sa akin ang anomang kasamaan. Tubusin mo ako sa pagpighati ng tao: sa gayo'y aking tutuparin ang mga tuntunin mo. Pasilangin mo ang mukha mo sa iyong lingkod; at ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo. Ang mga mata ko'y nagsisiagos ng mga ilog ng tubig; sapagka't hindi nila tinutupad ang kautusan mo. Matuwid ka, Oh Panginoon, at matuwid ang mga kahatulan mo. Iniutos mo ang mga patotoo mo sa katuwiran at totoong may pagtatapat. Tinunaw ako ng aking sikap, sapagka't kinalimutan ng aking mga kaaway ang mga salita mo. Ang salita mo'y totoong malinis; kaya't iniibig ito ng iyong lingkod. Ako'y maliit at hinahamak: gayon ma'y hindi ko kinalilimutan ang mga tuntunin mo. Ang katuwiran mo ay walang hanggang katuwiran, at ang kautusan mo'y katotohanan. Kabagabagan at kahirapan ay humawak sa akin: gayon ma'y ang mga utos mo'y aking kaaliwan. Ang mga patotoo mo'y matuwid magpakailan man: bigyan mo ako ng unawa at mabubuhay ako. Ako'y tumawag ng aking buong puso; sagutin mo ako, Oh Panginoon: iingatan ko ang iyong mga palatuntunan. Ako'y tumawag sa iyo; iligtas mo ako, at aking tutuparin ang mga patotoo mo. Ako'y nagpauna sa bukang-liwayway ng umaga, at dumaing ako: ako'y umasa sa iyong mga salita. Ang mga mata ko'y nanguna sa mga pagpupuyat sa gabi, upang aking magunita ang salita mo. Dinggin mo ang tinig ko ayon sa iyong kagandahang-loob: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong mga kahatulan. Silang nagsisisunod sa kasamaan ay nagsisilapit; sila'y malayo sa iyong kautusan. Ikaw ay malapit, Oh Panginoon; at lahat mong utos ay katotohanan. Nang una'y nakaunawa ako sa iyong mga patotoo, na iyong pinamalagi magpakailan man. Pakundanganan mo ang aking kadalamhatian at iligtas mo ako; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong kautusan. Ipaglaban mo ang aking usap, at iligtas mo ako: buhayin mo ako ayon sa iyong salita. Kaligtasan ay malayo sa masama; sapagka't hindi nila hinahanap ang mga palatuntunan mo. Dakila ang mga malumanay mong kaawaan, Oh Panginoon: buhayin mo ako ayon sa iyong mga kahatulan. Marami ang mga manguusig sa akin at mga kaaway ko; gayon ma'y hindi ako humiwalay sa iyong mga patotoo. Aking namasdan ang mga magdarayang manggagawa at ako'y namanglaw; sapagka't hindi nila sinusunod ang salita mo. Dilidilihin mo kung gaano iniibig ko ang mga utos mo: buhayin mo ako, Oh Panginoon, ayon sa iyong kagandahang-loob. Ang kabuoan ng iyong salita ay katotohanan; at bawa't isa ng iyong matutuwid na kahatulan ay magpakailan man. Inusig ako ng mga pangulo ng walang kadahilanan; nguni't ang puso ko'y nanginginig sa iyong mga salita. Ako'y nagagalak sa iyong salita, na parang nakakasumpong ng malaking samsam. Aking pinagtataniman at kinasusuklaman ang pagsisinungaling; nguni't ang kautusan mo'y aking iniibig. Makapito sa isang araw na pumupuri ako sa iyo, dahil sa iyong matutuwid na kahatulan. Dakilang kapayapaan ang tinatamo nila na nagsisiibig ng iyong kautusan. At sila'y walang kadahilanang ikatitisod. Ako'y umasa sa iyong pagliligtas, Oh Panginoon. At ginawa ko ang mga utos mo. Sinunod ng aking kaluluwa ang mga patotoo mo; at iniibig kong mainam, Aking tinupad ang iyong mga tuntunin at ang iyong mga patotoo; sapagka't lahat ng aking lakad ay nasa harap mo. Dumating nawa sa harap mo ang aking daing, Oh Panginoon: bigyan mo ako ng unawa ayon sa iyong salita. Dumating nawa sa harap mo ang aking pamanhik: iligtas mo ako ayon sa iyong salita. Tulutang magbadya ng pagpuri ang aking mga labi; sapagka't itinuturo mo sa akin ang iyong mga palatuntunan. Awitin ng aking dila ang iyong salita; sapagka't lahat ng mga utos mo ay katuwiran. Magsihanda nawa ang iyong kamay na tulungan ako; sapagka't aking pinili ang iyong mga tuntunin. Aking pinanabikan ang iyong pagliligtas, Oh Panginoon: at ang iyong kautusan ay aking kaaliwan. Mabuhay nawa ang aking kaluluwa, at pupuri sa iyo; at tulungan nawa ako ng iyong mga kahatulan. Ako'y naligaw na parang tupang nawala; hanapin mo ang iyong lingkod; sapagka't hindi ko kinalilimutan ang iyong mga utos.


