I MGA CRONICA 10
10
Ang Pagkamatay ni Saul at ng Kanyang mga Anak
(1 Sam. 31:1-13)
1Ang mga Filisteo ay nakipaglaban sa Israel, at ang mga kalalakihan ng Israel ay tumakas sa mga Filisteo, at patay na nabuwal sa Bundok ng Gilboa.
2Inabutan ng mga Filisteo si Saul at ang kanyang mga anak. Pinatay ng mga Filisteo sina Jonathan, Abinadab, at Malkishua, na mga anak ni Saul.
3Ang paglalaban ay tumindi laban kay Saul. Inabutan siya ng mga mamamana at siya'y sinugatan ng mga ito.
4Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang tagadala ng sandata, “Bunutin mo ang iyong tabak, at itusok mo sa akin, baka ang mga hindi tuling ito ay dumating at paglaruan ako.” Ngunit ayaw ng kanyang tagadala ng sandata, sapagkat siya'y lubhang natakot. Kaya't kinuha ni Saul ang kanyang tabak at ibinuwal ang sarili doon.
5Nang makita ng kanyang tagadala ng sandata na si Saul ay patay na, kinuha rin niya ang kanyang tabak at ibinuwal din ang sarili at namatay.
6Gayon namatay si Saul at ang kanyang tatlong anak; at ang kanyang buong sambahayan ay namatay na magkakasama.
7Nang makita ng lahat ng kalalakihan ng Israel na nasa libis na tumakas ang hukbo,#10:7 Sa Hebreo ay sila. at si Saul at ang kanyang mga anak ay patay na, kanilang iniwan ang kanilang mga bayan at tumakas. Ang mga Filisteo ay dumating at nanirahan sa mga iyon.
8Kinaumagahan, nang dumating ang mga Filisteo upang hubaran ang mga napatay, kanilang natagpuan si Saul at ang kanyang mga anak na patay na sa Bundok ng Gilboa.
9Kanilang hinubaran siya at kinuha ang kanyang ulo at ang kanyang sandata, at nagpadala ng mga sugo sa buong lupain ng mga Filisteo upang dalhin ang mabuting balita sa kanilang mga diyus-diyosan at sa mga tao.
10Inilagay nila ang kanyang sandata sa bahay ng kanilang mga diyos, at ikinabit ang kanyang ulo sa bahay ni Dagon.
11Ngunit nang nabalitaan ng buong Jabes-gilead ang lahat ng ginawa ng mga Filisteo kay Saul,
12ang lahat ng matatapang na lalaki ay tumindig, at kinuha ang bangkay ni Saul at ang mga bangkay ng kanyang mga anak, at dinala sa Jabes. Inilibing nila ang kanilang mga buto sa ilalim ng ensina sa Jabes, at nag-ayuno ng pitong araw.
13Sa#1 Sam. 13:8-14; 15:1-24; Lev. 19:31; 20:6; 1 Sam. 28:7, 8 gayo'y namatay si Saul dahil sa kanyang kataksilan. Naging taksil siya sa Panginoon, sapagkat hindi niya sinunod ang utos ng Panginoon. Bukod dito'y sumangguni siya sa tumatawag ng espiritu ng patay, at humihingi ng patnubay,
14at hindi humingi ng patnubay sa Panginoon. Kaya't siya'y kanyang pinatay at inilipat ang kaharian kay David na anak ni Jesse.
Kasalukuyang Napili:
I MGA CRONICA 10: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001