Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA CRONICA 23

23
Itinatag ni David ang Katungkulan ng mga Levita
1Nang#1 Ha. 1:1-40 si David ay matanda na at puspos na ng mga araw, ginawa niyang hari sa Israel si Solomon na kanyang anak.
2Tinipon niya ang lahat ng pinuno ng Israel, pati ang mga pari at ang mga Levita.
3Ang mga Levita na mula sa tatlumpung taong gulang pataas ay binilang at ang kanilang kabuuang bilang ay tatlumpu't walong libong lalaki.
4“Dalawampu't apat na libo sa mga ito,” sabi ni David, “ang mamamahala sa gawain sa bahay ng Panginoon, at anim na libo ay mga pinuno at mga hukom,
5at apat na libong bantay ng pinto, apat na libo ang mang-aawit sa Panginoon na may mga panugtog na aking ginawa para sa pagpupuri.”
6Hinati sila ni David sa mga pangkat ayon sa mga anak ni Levi: si Gershon, si Kohat, at si Merari.
7Sa mga Gershonita ay sina Ladan, at Shimei.
8Ang mga anak ni Ladan: si Jehiel na pinuno, si Zetam, at si Joel, tatlo.
9Ang mga anak ni Shimei: sina Shelomot, Haziel, at Haran, tatlo. Ito ang mga puno sa mga sambahayan ng mga magulang ni Ladan.
10Ang mga anak ni Shimei: sina Jahat, Zinat, Jeus, at Beriah. Ang apat na ito ang mga anak ni Shimei.
11Si Jahat ang pinuno at si Ziza ang ikalawa. Ngunit si Jeus at si Beriah ay hindi nagkaroon ng maraming anak, kaya't sila'y itinuring na isang sambahayan ng mga magulang.
12Ang mga anak ni Kohat: sina Amram, Izar, Hebron, at Uziel, apat.
13Ang#Exo. 28:1 mga anak ni Amram: sina Aaron at Moises. Si Aaron ay ibinukod upang kanyang italaga ang mga kabanal-banalang bagay, upang siya at ang kanyang mga anak na lalaki ay magsunog ng insenso sa harap ng Panginoon at maglingkod sa kanya, at magbasbas sa pamamagitan ng kanyang pangalan magpakailanman.
14Ngunit ang mga anak ni Moises na tao ng Diyos ay ibinilang na kasama ng lipi ni Levi.
15Ang mga anak ni Moises: sina Gershom at Eliezer.
16Ang mga anak ni Gershom: si Sebuel na pinuno.
17Ang mga anak ni Eliezer: si Rehabias na pinuno. Si Eliezer ay hindi nagkaroon ng ibang mga anak na lalaki, ngunit ang mga anak ni Rehabias ay napakarami.
18Ang mga anak ni Izar: si Shelomit na pinuno.
19Ang mga anak ni Hebron: si Jerias ang pinuno, si Amarias ang ikalawa, si Jahaziel ang ikatlo, at si Jecaman ang ikaapat.
20Ang mga anak ni Uziel: si Micaias ang pinuno, at si Ishias ang ikalawa.
21Ang mga anak ni Merari: sina Mahli at Musi. Ang mga anak ni Mahli: sina Eleazar at Kish.
22Si Eleazar ay namatay na hindi nagkaanak ng lalaki, kundi mga babae lamang; at naging asawa nila ang kanilang mga kamag-anak na mga anak ni Kish.
23Ang mga anak ni Musi: sina Mahli, Eder, at Jerimot, tatlo.
24Ito ang mga anak ni Levi, ayon sa mga sambahayan ng kanilang mga ninuno, samakatuwid ay mga puno ng mga sambahayan na nakatala ayon sa bilang ng mga pangalan ng mga tao mula sa dalawampung taong gulang pataas na maglilingkod sa bahay ng Panginoon.
25Sapagkat sinabi ni David, “Ang Panginoon, ang Diyos ng Israel ay nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan; at siya'y naninirahan sa Jerusalem magpakailanman.
26Hindi#Deut. 10:8 na kailangan pang pasanin ng mga Levita ang tabernakulo at ang alinman sa mga kasangkapan niyon sa paglilingkod doon.”
27Sapagkat ayon sa mga huling salita ni David, ang mga ito ang nabilang sa mga anak ni Levi, mula sa dalawampung taong gulang pataas.
28“Ang#Bil. 3:5-9 kanilang katungkulan ay tumulong sa mga anak ni Aaron sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon, na silang may pangangasiwa sa mga bulwagan, sa mga silid, at sa paglilinis ng lahat ng banal na bagay, at sa lahat ng gawain ng paglilingkod sa bahay ng Diyos.
29Gayundin sa tinapay na handog, at sa piling harina para sa handog na butil, maging sa mga manipis na tinapay na walang pampaalsa, at sa niluto sa kawali, at sa handog na pinirito; at sa lahat ng sari-saring takalan at sukatan.
30Sila'y tatayo tuwing umaga upang magpasalamat at magpuri sa Panginoon, at gayundin naman sa hapon;
31at sa tuwing maghahandog ng lahat ng handog na sinusunog sa Panginoon sa mga Sabbath, sa mga bagong buwan, at sa mga takdang kapistahan na ang bilang ay alinsunod sa itinatakda sa kanila at patuloy sa harap ng Panginoon.
32Sa gayo'y pangangasiwaan nila ang toldang tipanan, ang santuwaryo, at ang mga anak ni Aaron na kanilang mga kapatid para sa paglilingkod sa bahay ng Panginoon.”

Kasalukuyang Napili:

I MGA CRONICA 23: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in