Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA HARI 1

1
Si David sa Kanyang Katandaan
1Si Haring David ay matanda na at mahaba na rin ang buhay at kahit kanilang lagyan siya ng mga kumot, siya'y hindi naiinitan.
2Kaya't sinabi ng mga lingkod niya sa kanya, “Ihanap ang aking panginoong hari ng isang dalaga at maglingkod siya sa harap ng hari, at kanyang alagaan siya; at mahiga siya sa iyong kandungan, upang ang aking panginoong hari ay mainitan.”
3Kaya't kanilang inihanap siya ng isang magandang dalaga sa buong nasasakupan ng Israel, at natagpuan si Abisag na Sunamita, at dinala siya sa hari.
4Ang dalaga ay napakaganda at siya ang naging tagapag-alaga ng hari at naglingkod sa kanya; ngunit hindi siya nakilala ng hari.
Si Adonias ay Nagtangkang Maging Hari
5Samantala,#2 Sam. 3:4 nagmataas si Adonias na anak ni Hagit, na nagsabi, “Ako'y magiging hari.” At siya'y naghanda ng mga karwahe at mga mangangabayo, at limampung lalaking tatakbo sa unahan niya.
6Hindi siya kailanman pinagdamdam ng kanyang ama sa pagsasabing, “Bakit ka gumawa ng ganyan?” Siya rin ay napakagandang lalaki at ipinanganak kasunod ni Absalom.
7Siya'y nakipag-usap kay Joab na anak ni Zeruia, at kay Abiatar na pari, at kanilang tinulungan si Adonias.
8Ngunit si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, si Natan na propeta, si Shimei, si Rei, at ang magigiting na mandirigma ni David ay hindi pumanig kay Adonias.
9Naghandog si Adonias ng mga tupa, mga baka at ng mga pinatabang hayop sa bato ng Zohelet,#1:9 o Ahas. na nasa tabi ng En-rogel, at kanyang inanyayahan ang lahat ng kanyang kapatid na mga anak na lalaki ng hari, at ang lahat ng lalaki sa Juda na mga lingkod ng hari.
10Ngunit si Natan na propeta, si Benaya, at ang magigiting na mandirigma at si Solomon na kanyang kapatid ay hindi niya inanyayahan.
11Nang#2 Sam. 12:24 magkagayo'y sinabi ni Natan kay Batseba na ina ni Solomon, “Hindi mo ba nabalitaan na si Adonias na anak ni Hagit ay siya ngayong hari at ito ay hindi nalalaman ni David na ating panginoon?
12Pumarito ka ngayon at papayuhan kita upang mailigtas mo ang iyong sariling buhay, at ang buhay ng iyong anak na si Solomon.
13Pumunta ka agad kay Haring David, at sabihin mo sa kanya, ‘Di ba, panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod, na iyong sinasabi, Si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono? Kung gayo'y bakit si Adonias ang hari?’
14Samantalang nagsasalita ka pa sa hari ay papasok ako na kasunod mo, at aking patototohanan ang iyong mga salita.”
Tumutol si Batseba
15Kaya't pinasok ni Batseba ang hari sa silid; (noon ang hari ay lubhang matanda na; at si Abisag na Sunamita ay siyang nag-aalaga sa hari.)
16Si Batseba ay yumukod at nagbigay-galang sa hari. At sinabi ng hari, “Anong ibig mo?”
17Sinabi niya sa kanya, “Panginoon ko, isinumpa mo sa iyong lingkod sa pamamagitan ng Panginoon mong Diyos na sinasabi, ‘Tunay na si Solomon na iyong anak ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono.’
18At ngayo'y si Adonias ay naging hari bagaman hindi mo ito nalalaman, panginoon kong hari.
19Siya'y nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at si Abiatar na pari, at si Joab na puno ng hukbo; ngunit si Solomon na iyong lingkod ay hindi niya inanyayahan.
20Panginoon kong hari, ang paningin#1:20 Sa Hebreo ay mga mata. ng buong Israel ay nakatuon sa iyo, upang iyong sabihin sa kanila kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkamatay niya.
21Kung hindi, mangyayari na kapag ang aking panginoong hari ay natutulog na kasama ng kanyang mga ninuno, ako at ang aking anak na si Solomon ay mabibilang sa mga may sala.”
Sinang-ayunan ni Natan si Batseba sa Pagtutol
22Samantalang siya'y nakikipag-usap pa sa hari, pumasok si Natan na propeta.
23Kanilang isinaysay sa hari, na sinasabi, “Narito si Natan na propeta.” Nang siya'y dumating sa harap ng hari, siya'y yumukod na ang kanyang mukha ay nasa lupa.
24At sinabi ni Natan, “Panginoon kong hari, iyo bang sinabi, ‘Si Adonias ay maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono’?
25Sapagkat siya'y lumusong nang araw na ito, at nag-alay ng mga baka, mga pinatabang hayop, at ng napakaraming tupa, at inanyayahan ang lahat ng anak na lalaki ng hari, at ang mga pinuno ng hukbo, at si Abiatar na pari; at narito, sila'y nagkakainan at nag-iinuman sa harap niya at nagsasabi, ‘Mabuhay si Haring Adonias!’
26Ngunit akong iyong lingkod, si Zadok na pari, si Benaya na anak ni Jehoiada, at ang iyong lingkod na si Solomon ay hindi niya inanyayahan.
27Ang bagay bang ito ay ginawa ng aking panginoong hari, at hindi mo ipinaalam sa iyong mga lingkod kung sino ang uupo sa trono ng aking panginoong hari pagkatapos niya?”
28Nang magkagayo'y sumagot si Haring David, “Papuntahin ninyo sa akin si Batseba.” At siya'y pumasok at tumayo sa harap ng hari.
29Sumumpa ang hari na nagsasabi, “Habang nabubuhay ang Panginoon na tumubos ng aking kaluluwa mula sa lahat ng kagipitan,
30kung paanong sumumpa ako sa iyo sa pangalan ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, na sinasabi, ‘Si Solomon na iyong anak ang maghahari pagkamatay ko, at siya'y uupo sa aking trono na kahalili ko;’ katotohanang gayon ang aking gagawin sa araw na ito.”
31Nang magkagayo'y iniyukod ni Batseba ang kanyang mukha sa lupa, at nagbigay-galang sa hari, at nagsabi, “Mabuhay magpakailanman ang aking panginoon na haring si David!”
Si Solomon ay Binuhusan ng Langis Upang Maging Hari
32Sinabi ni Haring David, “Tawagin ninyo sa akin si Zadok na pari, at si Natan na propeta, at si Benaya na anak ni Jehoiada.” At sila'y pumasok sa harap ng hari.
33At sinabi ng hari sa kanila, “Isama ninyo ang mga lingkod ng inyong panginoon, at pasakayin ninyo ang aking anak na si Solomon sa aking sariling mola, at ilusong ninyo siya sa Gihon.
34Doon ay buhusan siya ng langis ni Zadok na pari at ni Natan na propeta upang siya'y maging hari sa Israel; at kayo'y humihip ng trumpeta at inyong sabihin, ‘Mabuhay si Haring Solomon!’
35Pagkatapos ay aahon kayong kasunod niya; siya'y paparito at uupo sa aking trono, sapagkat siya'y magiging hari na kapalit ko. Itinalaga ko siyang maging pinuno sa Israel at sa Juda.”
36At si Benaya na anak ni Jehoiada ay sumagot sa hari, “Amen! Nawa ang Panginoon, ang Diyos ng aking panginoong hari ay magsabi ng gayon.
37Kung paanong ang Panginoon ay sumama sa aking panginoong hari ay gayundin nawa niya samahan si Solomon, at gawin nawa ang kanyang trono na lalong dakila kaysa trono ng aking panginoong haring si David.”
38Sa gayo'y si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo, at ang mga Peleteo ay lumusong at pinasakay si Solomon sa mola ni Haring David, at dinala siya sa Gihon.
39Kinuha ni Zadok na pari ang sungay na sisidlan ng langis mula sa Tolda, at binuhusan ng langis si Solomon. Pagkatapos sila'y humihip ng trumpeta, at ang buong bayan ay nagsabi, “Mabuhay si Haring Solomon!”
40At ang buong bayan ay umahong kasunod niya na humihihip ng mga plauta at nagagalak ng malaking kagalakan kaya't ang lupa ay nayanig dahil sa kanilang ingay.
41Narinig ito ni Adonias at ng lahat ng panauhing kasama niya pagkatapos nilang makakain. Nang marinig ni Joab ang tunog ng trumpeta ay kanyang sinabi, “Anong kahulugan ng pagkakaingay na ito sa lunsod?”
42Samantalang siya'y nagsasalita pa, si Jonathan na anak ni Abiatar na pari ay dumating. Sinabi ni Adonias, “Pumasok ka, sapagkat ikaw ay taong karapat-dapat, at nagdadala ka ng mabuting balita.”
43Si Jonathan ay sumagot kay Adonias, “Hindi! Sa katunayan, ginawang hari si Solomon ng ating panginoong haring si David.
44Sinugo ng hari na kasama niya si Zadok na pari, si Natan na propeta, si Benaya na anak ni Jehoiada, ang mga Kereteo at ang mga Peleteo at kanilang pinasakay siya sa mola ng hari.
45Siya'y binuhusan ng langis bilang hari ni Zadok na pari at ni Natan na propeta sa Gihon. Sila'y umahong galak na galak mula roon, kaya't ang lunsod ay nagkakagulo. Ito ang ingay na iyong narinig.
46Si Solomon ngayon ay nakaupo sa trono ng hari.
47Bukod dito, ang mga lingkod ng hari ay pumaroon upang purihin ang ating panginoong haring si David, na nagsasabi, ‘Gawin nawa ng iyong Diyos ang pangalan ni Solomon na higit na tanyag kaysa iyong pangalan, at gawin ang kanyang trono na lalong dakila kaysa iyong trono.’ At ang hari ay yumukod sa kanyang higaan.
48Ganito pa ang sinabi ng hari, ‘Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na siyang nagpahintulot sa akin na ang isa sa aking mga supling ay makaupo sa aking trono na nakikita ng aking mga mata.’”
Si Adonias ay Natakot
49At ang lahat ng panauhin ni Adonias ay natakot at tumindig, at humayo ang bawat isa sa kanyang sariling lakad.
50Natakot si Adonias kay Solomon at siya'y tumindig at humayo, at humawak sa mga sungay ng dambana.
51Ipinaalam kay Solomon, “Si Adonias ay natatakot sa Haring Solomon, sapagkat siya'y humawak sa mga sungay ng dambana, na nagsasabi, ‘Isumpa ng Haring Solomon sa akin sa araw na ito na hindi niya papatayin ng tabak ang kanyang lingkod.’”
52Sinabi ni Solomon, “Kung siya'y magpapakilala bilang taong karapat-dapat ay walang malalaglag sa lupa na isa mang buhok niya, ngunit kung kasamaan ang matagpuan sa kanya, siya'y mamamatay.”
53Sa gayo'y nagsugo si Haring Solomon, at kanilang ibinaba siya mula sa dambana. At siya'y naparoon at nagbigay-galang kay Haring Solomon; at sinabi ni Solomon sa kanya, “Umuwi ka sa iyong bahay.”

Kasalukuyang Napili:

I MGA HARI 1: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in