At kanyang sinabi, “Ako'y tunay na nanibugho para sa PANGINOON, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang ang naiwan, at kanilang tinutugis ang buhay ko, upang patayin ito.” Sinabi ng PANGINOON sa kanya, “Humayo ka, bumalik ka sa iyong dinaanan sa ilang ng Damasco. Pagdating mo, buhusan mo ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria. Si Jehu na anak ni Nimsi ay iyong buhusan ng langis upang maging hari sa Israel; at si Eliseo na anak ni Shafat sa Abel-mehola ay iyong buhusan ng langis upang maging propeta na kapalit mo. Ang makakatakas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu, at ang makatakas sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo. Gayunma'y mag-iiwan ako ng pitong libo sa Israel, lahat ng tuhod na hindi pa lumuhod kay Baal, at bawat bibig na hindi pa humalik sa kanya.” Kaya't umalis siya roon at natagpuan niya si Eliseo na anak ni Shafat na nag-aararo, na may labindalawang pares ng baka sa unahan niya, at siya'y kasabay ng ikalabindalawa. Dinaanan siya ni Elias at inihagis sa kanya ang kanyang balabal. Kanyang iniwan ang mga baka, patakbong sumunod kay Elias, at sinabi, “Hayaan mong hagkan ko ang aking ama at aking ina, pagkatapos ay susunod ako sa iyo.” At sinabi niya sa kanya, “Bumalik ka uli, sapagkat ano bang ginawa ko sa iyo?” At siya'y bumalik mula sa pagsunod sa kanya, at kinuha ang mga pares ng baka. Kanyang kinatay ang mga iyon at inilaga ang laman sa pamamagitan ng mga pamatok ng mga baka. Ibinigay niya iyon sa taong-bayan at kanilang kinain. Pagkatapos, tumindig siya at sumunod kay Elias, at naglingkod sa kanya.
Basahin I MGA HARI 19
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: I MGA HARI 19:14-21
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas