I MGA HARI 3
3
Nag-asawa si Solomon
(2 Cro. 1:3-12)
1Si Solomon ay nagkaroon ng pakikipagkaibigan kay Faraon na hari sa Ehipto sa pamamagitan ng pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya ito sa lunsod ni David, hanggang sa kanyang natapos itayo ang kanyang sariling bahay, ang bahay ng Panginoon, at ang pader sa palibot ng Jerusalem.
2Ang taong-bayan ay naghahandog sa matataas na dako, sapagkat wala pang bahay na naitayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na iyon.
3Minahal ni Solomon ang Panginoon, at lumakad sa mga tuntunin ni David na kanyang ama. Kaya lang, siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.
4At ang hari ay naparoon sa Gibeon upang mag-alay doon, sapagkat iyon ang pinakamataas na dako. Si Solomon ay naghandog sa dambanang iyon ng libong handog na sinusunog.
5Sa Gibeon ay nagpakita ang Panginoon kay Solomon sa panaginip sa gabi, at sinabi ng Diyos, “Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.”
6At sinabi ni Solomon, “Ikaw ay nagpakita ng dakila at tapat na pag-ibig sa iyong lingkod na si David na aking ama, sapagkat siya'y lumakad sa harap mo sa katapatan, at sa katarungan, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan para sa kanya itong dakila at tapat na pag-ibig at iyong binigyan siya ng isang anak na luluklok sa kanyang trono, sa araw na ito.
7Ngayon, O Panginoon kong Diyos, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; bagaman ako'y isang musmos lamang; hindi ko nalalaman ang paglabas at pagpasok.
8At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.
9Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang mapag-unawang isipan upang pamahalaan ang iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagkat sino ang makakapamahala dito sa iyong malaking bayan?”
10Ikinalugod ng Panginoon na ito ang hiningi ni Solomon.
11At sinabi ng Diyos sa kanya, “Sapagkat iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi para sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man para sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi ang hiningi mo para sa iyo'y karunungan upang kumilala ng matuwid,
12narito, aking ginagawa ngayon ayon sa iyong salita. Narito, binibigyan kita ng isang pantas at matalinong pag-iisip, na anupa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinumang tulad mo pagkamatay mo.
13Ibinibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiningi, ang kayamanan at ang karangalan, anupa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga araw.
14Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos, gaya ng paglakad ng iyong amang si David, ay aking pahahabain ang iyong mga araw.”
15At nagising si Solomon, iyon ay isang panaginip. Pagkatapos siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon. Siya ay nag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kanyang mga lingkod.
Ang Matalinong Paghatol ni Solomon
16Pagkatapos ay naparoon sa hari ang dalawang upahang babae#3:16 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. at tumayo sa harapan niya.
17Sinabi ng isang babae, “O panginoon ko, ako at ang babaing ito ay nakatira sa iisang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalaki nang kasama ko pa siya sa bahay.
18Nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, ang babaing ito'y nanganak din, at kami ay magkasama. Wala kaming ibang kasama sa bahay, liban sa aming dalawa.
19Ang anak ng babaing ito ay namatay kinagabihan sapagkat kanyang nadaganan ito.
20At siya'y bumangon nang hatinggabi, at kinuha niya ang anak kong lalaki sa tabi ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog. Inihiga niya ito sa kanyang dibdib, at inilagay ang kanyang patay na anak sa aking dibdib.
21Kinaumagahan, nang ako'y bumangon upang aking pasusuhin ang aking anak, nakita ko na siya'y patay na. Ngunit kinaumagahan, nang aking kilalaning mabuti, hindi iyon ang batang aking ipinanganak.”
22Ngunit sinabi ng isang babae, “Hindi. Ngunit ang buháy ay aking anak at ang patay ay iyong anak.” At sinabi ng isa, “Hindi. Ngunit ang patay ay ang iyong anak, at ang buháy ay siyang aking anak.” Ganito sila nagsalita sa harap ng hari.
23Nang magkagayo'y sinabi ng hari, “Ang isa'y nagsasabi, ‘Ang aking anak ay ang buháy, at ang iyong anak ay ang patay.’ At ang isa'y nagsasabi rin, ‘Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buháy.’”
24Kaya't sinabi ng hari, “Dalhan ninyo ako ng isang tabak.” At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.
25At sinabi ng hari, “Hatiin sa dalawa ang buháy na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa naman.”
26Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buháy na bata sa hari, sapagkat ang kanyang puso ay nahahabag sa kanyang anak, at sinabi niya, “O panginoon ko, ibigay mo sa kanya ang buháy na bata, at sa anumang paraa'y huwag mong patayin.” Ngunit ang sabi ng isa, “Hindi iyan magiging akin ni sa iyo man; hatiin siya.”
27Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, “Ibigay ang buháy na bata sa unang babae, at sa anumang paraa'y huwag patayin. Siya ang kanyang ina.”
28Nabalitaan ng buong Israel ang hatol na iginawad ng hari; sila'y natakot sa hari sapagkat kanilang nakita na ang karunungan upang maggawad ng katarungan ng Diyos ay nasa kanya.
Kasalukuyang Napili:
I MGA HARI 3: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001