Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 1:7-20

I SAMUEL 1:7-20 ABTAG01

Gayon ang nangyayari taun-taon. Tuwing pupunta siya sa bahay ng PANGINOON ay ginagalit niya si Ana. Kaya't si Ana ay tumangis at ayaw kumain. Sinabi ni Elkana na kanyang asawa, “Ana, bakit ka umiiyak? Bakit hindi ka kumakain? At bakit nalulungkot ang iyong puso? Hindi ba ako'y higit pa sa iyo kaysa sampung anak?” Tumindig si Ana, pagkatapos na sila'y makakain at makainom sa Shilo. Noon, si Eli na pari ay nakaupo sa upuan niya sa tabi ng haligi ng pintuan ng templo ng PANGINOON. Si Ana ay labis na nabagabag at nanalangin sa PANGINOON. Siya'y gumawa ng ganitong panata: “O PANGINOON ng mga hukbo, kung tunay na iyong titingnan ang pagdurusa ng iyong lingkod, at aalalahanin ako at hindi kalilimutan ang iyong lingkod, kundi iyong pagkakalooban ang iyong lingkod ng anak na lalaki, aking ibibigay siya sa PANGINOON sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, at walang pang-ahit na daraan sa kanyang ulo.” Habang siya'y patuloy sa pananalangin sa harapan ng PANGINOON, pinagmamasdan ni Eli ang kanyang bibig. Si Ana ay tahimik na nananalangin; tanging ang kanyang mga labi ang gumagalaw, ngunit ang kanyang tinig ay hindi naririnig. Kaya't inakala ni Eli na siya'y lasing. Kaya't sinabi ni Eli sa kanya, “Hanggang kailan ka magiging lasing? Alisin mo ang iyong alak.” Ngunit sumagot si Ana, “Hindi, panginoon ko. Ako'y isang babaing lubhang naguguluhan. Hindi ako nakainom ng alak o inuming nakakalasing, kundi aking ibinubuhos ang aking kaluluwa sa harapan ng PANGINOON. Huwag mong ituring na babaing hamak ang iyong lingkod, sapagkat ako'y nagsasalita mula sa aking malaking pagkabalisa at pagkayamot.” Nang magkagayo'y sumagot si Eli at sinabi, “Humayo kang payapa at ipagkaloob nawa sa iyo ng Diyos ng Israel ang kahilingan na idinulog mo sa kanya.” At sinabi niya, “Makatagpo nawa ang iyong lingkod ng biyaya sa iyong paningin.” Sa gayo'y nagpatuloy ng kanyang lakad ang babae at kumain, at ang kanyang mukha'y hindi na malungkot. Kinaumagahan, maaga silang bumangon at sumamba sa PANGINOON, pagkatapos ay umuwi sa kanilang bahay sa Rama. At nakilala ni Elkana si Ana na kanyang asawa, at inalala siya ng PANGINOON. Sa takdang panahon, si Ana ay naglihi at nanganak ng isang lalaki, at tinawag ang kanyang pangalan na Samuel. Sapagkat sinabi niya, “Hiningi ko siya sa PANGINOON.”