Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 25

25
Ang Kamatayan ni Samuel
1Namatay si Samuel, at nagtipun-tipon ang buong Israel at tinangisan siya. Kanilang inilibing siya sa kanyang bahay sa Rama. At tumindig si David at lumusong sa ilang ng Paran.
2May isang lalaki sa Maon na ang mga ari-arian ay nasa Carmel. Ang lalaki ay napakayaman; siya'y mayroong tatlong libong tupa at isang libong kambing. Ginugupitan niya ng balahibo ang kanyang mga tupa sa Carmel.
3Ang pangalan ng lalaki ay Nabal, at ang pangalan ng kanyang asawa ay Abigail. Ang babae ay matalino at maganda, ngunit ang lalaki ay masungit at masama ang ugali. Siya'y mula sa sambahayan ni Caleb.
4Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kanyang mga tupa.
5Kaya't nagsugo si David ng sampung kabataang lalaki at sinabi ni David sa mga kabataan, “Umahon kayo sa Carmel at pumunta kayo kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan.
6Ganito ang sasabihin ninyo sa kanya: ‘Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sambahayan, at kapayapaan nawa ang dumating sa lahat ng iyong pag-aari.
7Nabalitaan kong ikaw ay may mga manggugupit ng balahibo ng tupa. Ang iyong mga pastol ay naging kasama namin, at hindi namin sila sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay sa buong panahong sila ay nasa Carmel.
8Tanungin mo ang iyong mga kabataang lalaki at kanilang sasabihin sa iyo. Kaya't makatagpo nawa ng biyaya sa iyong paningin ang aking mga kabataan; sapagkat kami ay naparito sa araw ng kapistahan. Hinihiling ko sa iyo na magbigay ka ng anumang mayroon ka sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na si David.’”
Tumangging Magbigay si Nabal
9Nang dumating ang mga kabataang tauhan ni David, kanilang sinabi kay Nabal ang lahat ng mga salitang iyon sa pangalan ni David, at sila ay naghintay.
10At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, “Sino ba si David? Sino ba ang anak ni Jesse? Maraming mga alila sa mga araw na ito ang lumalayas sa kanilang mga panginoon.
11Akin bang kukunin ang aking tinapay at tubig, at ang karne na aking kinatay para sa aking mga manggugupit, at ibibigay ko sa mga taong hindi ko nalalaman kung saan nanggaling?”
12Kaya't ang mga kabataang tauhan ni David ay umalis, bumalik, at sinabi sa kanya ang lahat ng mga salitang ito.
13At sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ng bawat isa sa inyo ang kanyang tabak.” At nagsukbit ang bawat isa ng kanyang tabak; at si David ay nagsukbit din ng kanyang tabak. Ang umahong kasunod ni David ay may apatnaraang lalaki, samantalang ang dalawandaan ay nanatili kasama ng mga dala-dalahan.
14Ngunit sinabi ng isa sa mga kabataang lalaki kay Abigail, na asawa ni Nabal, “Si David ay nagpadala ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon ngunit sila'y nilait niya.
15Gayong ang mga lalaki ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay nang kami ay nasa mga parang, habang kami ay nakikisama sa kanila.
16Sila'y naging aming pader sa gabi at sa araw sa buong panahong kami ay kasama nila sa pag-aalaga ng mga tupa.
17Ngayon ay iyong alamin at pag-aralan mo kung ano ang iyong gagawin, sapagkat ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon at sa kanyang buong sambahayan. Siya'y may masamang ugali kaya't walang makipag-usap sa kanya.”
Namagitan si Abigail
18Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, kumuha ng dalawandaang tinapay, dalawang sisidlang balat ng alak, limang tupang nalinisan na, limang takal ng sinangag na trigo, isandaang kumpol na pasas, dalawandaang tinapay na igos, at ipinapasan ang mga ito sa mga asno.
19At sinabi niya sa kanyang mga kabataang tauhan, “Mauna kayo sa akin; ako'y susunod sa inyo.” Ngunit hindi niya ito sinabi sa kanyang asawang si Nabal.
20Samantalang siya'y nakasakay sa kanyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok, si David at ang kanyang mga tauhan ay lumusong patungo sa kanya, at nagkasalubong sila.
21Sinabi ni David, “Tunay na walang kabuluhan na aking iningatan ang lahat ng pag-aari ng taong ito sa ilang, anupa't walang nawalang anuman sa lahat ng pag-aari niya; at ang mabuti ay ginantihan niya ng masama.
22Gawin nawa ng Diyos sa mga kaaway ni David, at higit pa, kung sa umaga ay mag-iwan ako ng higit sa isang lalaki sa lahat ng pag-aari niya.”
23Nang makita ni Abigail si David, siya ay nagmadali at bumaba sa asno, at nagpatirapa sa harapan ni David at yumukod sa lupa.
24Siya'y nagpatirapa sa kanyang mga paa at nagsabi, “Sa akin mo na lamang ipataw ang pagkakasala, panginoon ko. Hinihiling ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong pandinig, at iyong pakinggan ang mga salita ng iyong lingkod.
25Ipinapakiusap ko sa iyo, na huwag pansinin ng aking panginoon itong lalaking si Nabal na may masamang ugali, sapagkat kung ano ang kanyang pangalan ay gayon siya. Nabal ang kanyang pangalan, at ang kahangalan ay nasa kanya; ngunit akong iyong lingkod ay hindi nakakita sa mga kabataang tauhan ng aking panginoon, na iyong sinugo.
26Ngayon, panginoon ko, habang buháy ang Panginoon, at buháy ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng iyong sariling kamay, ang iyo nawang mga kaaway at ang mga nagnanais gumawa ng masama sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.
27At ngayon, itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay ibigay mo sa mga kabataang sumusunod sa aking panginoon.
28Ipinapakiusap ko sa iyo na patawarin mo ang pagkakasala ng iyong babaing lingkod, sapagkat tiyak na igagawa ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sambahayang tiwasay. Ipinaglalaban ng aking panginoon ang mga laban ng Panginoon at ang kasamaan ay hindi matatagpuan sa iyo habang ikaw ay nabubuhay.
29Kung sinuman ay mag-alsa upang habulin ka at tugisin ang iyong buhay, ang buhay ng aking panginoon ay mabibigkis sa bigkis ng mga nabubuhay sa pag-aaruga ng Panginoon mong Diyos; at ang mga buhay ng iyong mga kaaway ay ihahagis niya na parang mula sa guwang ng isang tirador.
30At kapag nagawa na ng Panginoon sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kanyang sinabi tungkol sa iyo, at kanyang itinalaga ka bilang pinuno ng Israel;
31ang aking panginoon ay hindi magkakaroon ng dahilan upang malungkot, o pag-uusig ng budhi, dahil sa pagpapadanak ng dugo nang walang dahilan o para sa aking panginoon na siya mismo ang maghiganti. At kapag gumawa ang Panginoon ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong babaing lingkod.”
32Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin nawa ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako!
33Purihin nawa ang iyong karunungan, at pagpalain ka nawa na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng aking sariling kamay!
34Sapagkat kung gaano katiyak na buháy ang Panginoon, ang Diyos ng Israel na siyang pumigil sa akin na saktan ka, malibang ikaw ay nagmadali at pumarito upang sumalubong sa akin, tiyak na walang maiiwan kay Nabal sa pagbubukang-liwayway kahit isang batang lalaki.”
35Pagkatapos ay tinanggap ni David mula sa kamay ni Abigail ang dinala niya para sa kanya; at sinabi ni David sa kanya, “Umahon kang payapa sa iyong bahay; tingnan mo, aking pinakinggan ang iyong tinig at aking ipinagkaloob ang iyong kahilingan.”
Namatay si Nabal
36Pumunta si Abigail kay Nabal; siya'y nagdaraos ng isang kapistahan sa kanyang bahay na gaya ng pagpipista ng isang hari. Si Nabal ay masayang-masaya sapagkat siya'y lasing na lasing. Kaya't walang sinabing anuman si Abigail#25:36 Sa Hebreo ay siya. sa kanya hanggang sa pagbubukang-liwayway.
37Kinaumagahan, nang hindi na lasing si Nabal, sinabi ng asawa niya sa kanya ang mga bagay na ito at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato.
38Pagkaraan ng may sampung araw, sinaktan ng Panginoon si Nabal, at siya'y namatay.
Naging Asawa ni David si Abigail
39Nang mabalitaan ni David na si Nabal ay patay na, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na siyang naghiganti sa pag-alipustang tinanggap ko sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kanyang lingkod sa kasamaan. Ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng Panginoon sa kanyang sariling ulo.” Pagkatapos ay nagsugo si David at hinimok si Abigail na maging asawa niya.
40Nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmel, kanilang sinabi sa kanya, “Sinugo kami ni David sa iyo upang kunin ka na maging asawa niya.”
41At siya'y tumindig at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, “Ang iyong lingkod ay isang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.”
42Nagmadali si Abigail, tumindig, at sumakay sa isang asno. Pinaglingkuran siya ng kanyang limang katulong na dalaga. Siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at siya'y naging kanyang asawa.
43Kinuha rin ni David si Ahinoam na taga-Jezreel; at sila'y kapwa naging asawa niya.
44Ibinigay#2 Sam. 3:14-16 ni Saul si Mical na kanyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga-Galim.

Kasalukuyang Napili:

I SAMUEL 25: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in