Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I SAMUEL 28

28
Si Saul at ang Babaing may Masamang Espiritu sa Endor
1Nang mga araw na iyon, tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbong pandigma upang labanan ang Israel. At sinabi ni Achis kay David, “Tandaan mo na ikaw at ang iyong mga tauhan ay lalabas na kasama ko sa hukbo.”
2Sinabi ni David kay Achis, “Napakabuti, malalaman mo kung anong magagawa ng iyong lingkod.” At sinabi ni Achis kay David, “Napakabuti, gagawin kitang bantay ko habang buhay.”
3Si#1 Sam. 25:1; Lev. 20:27; Deut. 18:10, 11 Samuel noon ay patay na, at tumangis ang buong Israel at inilibing siya sa Rama, na kanyang sariling lunsod. At pinalayas ni Saul mula sa lupain ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam.
4Nagtipun-tipon ang mga Filisteo, at dumating at humimpil sa Sunem. Tinipon ni Saul ang buong Israel at sila'y humimpil sa Gilboa.
5Nang makita ni Saul ang hukbo ng mga Filisteo, siya'y natakot at ang kanyang puso ay lubhang nanginig.
6Nang#Bil. 27:21 sumangguni si Saul sa Panginoon, hindi siya sinagot ng Panginoon, maging sa pamamagitan ng panaginip ni sa Urim, ni sa pamamagitan man ng mga propeta.
7Nang magkagayo'y sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ihanap ninyo ako ng isang babae na sumasangguni sa mga espiritu, upang ako'y makapunta at makasangguni sa kanya.” At sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “May isang babae sa Endor na sumasangguni sa mga espiritu.”
8Kaya't nagbalatkayo si Saul, nagsuot ng ibang kasuotan at pumaroon, siya at ang dalawang lalaking kasama niya. Sila'y dumating sa babae nang kinagabihan. At kanyang sinabi, “Humula ka para sa akin sa pamamagitan ng espiritu, at iahon mo sa akin ang sinumang babanggitin ko sa iyo.”
9Sinabi ng babae sa kanya, “Tiyak na nalalaman mo ang ginawa ni Saul, kung paanong kanyang nilipol ang mga sumasangguni sa mga espiritu at ang mga mangkukulam sa lupain. Bakit ka naglalagay ng bitag sa aking buhay upang ipapatay ako?”
10Ngunit sumumpa si Saul sa kanya sa pamamagitan ng Panginoon, na sinasabi, “Habang buháy ang Panginoon, walang parusang darating sa iyo dahil sa bagay na ito.”
11Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Sinong iaahon ko para sa iyo?” At kanyang sinabi, “Iahon mo si Samuel para sa akin.”
12Nang makita ng babae si Samuel, siya ay sumigaw nang malakas at sinabi ng babae kay Saul, “Bakit mo ako dinaya? Ikaw si Saul.”
13Sinabi ng hari sa kanya, “Huwag kang matakot. Ano ang iyong nakikita?” At sinabi ng babae kay Saul, “Nakikita ko ang isang diyos na umaahon mula sa lupa.”
14Sinabi niya sa kanya, “Ano ang kanyang anyo?” At sinabi niya, “Isang matandang lalaki ang lumilitaw, at siya'y nababalot ng isang balabal.” At nakilala ni Saul na iyon ay si Samuel, at siya'y yumukod sa lupa at nagbigay galang.
Sinabi ni Samuel ang Kasawian ni Saul
15Sinabi ni Samuel kay Saul, “Bakit mo ako ginambala sa pagpapaahon sa akin?” At sumagot si Saul, “Ako'y labis na naguguluhan, sapagkat ang mga Filisteo ay nandirigma laban sa akin. Ang Diyos ay humiwalay na sa akin, at hindi na ako sinasagot, maging sa pamamagitan ng mga propeta, ni ng panaginip man; kaya tinawag kita upang sabihin mo sa akin kung ano ang aking gagawin.”
16At sinabi ni Samuel, “Bakit ka pa nagtatanong sa akin, gayong ang Panginoon ay humiwalay na sa iyo at naging kaaway mo na?
17Ginawa#1 Sam. 15:28 ng Panginoon ang gaya ng sinabi niya sa pamamagitan ko; sapagkat inalis ng Panginoon ang kaharian sa iyong kamay at ibinigay sa iyong kapwa Israelita na si David.
18Sapagkat#1 Sam. 15:3-9 hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, at hindi mo iginawad ang kanyang mabagsik na galit laban sa Amalek, kaya't ginawa ng Panginoon ang bagay na ito sa iyo sa araw na ito.
19Bukod dito'y ibibigay ng Panginoon ang Israel sa kamay ng mga Filisteo. Bukas, ikaw at ang iyong mga anak ay makakasama ko; ibibigay ng Panginoon ang hukbo ng Israel sa kamay ng mga Filisteo.”
20Pagkatapos ay biglang bumulagta si Saul sa lupa, at siya'y napuno ng takot, dahil sa mga salita ni Samuel. Nawalan siya ng lakas, sapagkat hindi siya kumain nang anuman buong araw at buong gabi.
21At lumapit ang babae kay Saul at nang makitang siya'y natatakot, ay sinabi sa kanya, “Narinig ng iyong lingkod ang iyong tinig, at aking inilagay ang aking buhay sa aking kamay, at aking pinakinggan ang iyong mga salita na sinabi mo sa akin.
22Kaya't ngayon ay makinig ka rin sa tinig ng iyong lingkod. Hayaan mong ipaghanda kita ng kaunting tinapay. Kumain ka, upang ikaw ay lumakas, kapag nagpatuloy ka sa iyong lakad.”
23Ngunit siya'y tumanggi at nagsabi, “Hindi ako kakain.” Ngunit hinimok siya ng kanyang mga lingkod pati ng babae, at pinakinggan niya ang kanilang tinig. Kaya't siya'y bumangon sa lupa at umupo sa higaan.
24Ang babae ay mayroong isang matabang guyang baka sa bahay. Dali-dali niyang pinatay ito, siya'y kumuha ng harina at kanyang minasa, at siya'y nagluto ng tinapay na walang pampaalsa.
25Ito ay kanyang dinala sa harap ni Saul at ng kanyang mga lingkod at sila'y kumain. Pagkatapos, sila'y tumindig at umalis nang gabing iyon.

Kasalukuyang Napili:

I SAMUEL 28: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in