Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

I MGA TAGA TESALONICA 2

2
Ang Pangangaral ni Pablo sa Tesalonica
1Kayo mismo ang nakakaalam, mga kapatid, na ang aming pagdating sa inyo ay hindi nawalan ng kabuluhan.
2Bagaman#Gw. 16:19-24; Gw. 17:1-9 nagdusa na kami at inalipusta sa Filipos, tulad ng inyong nalalaman, ay naglakas loob kami sa ating Diyos upang ipahayag sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos sa gitna ng napakalaking pagsalungat.
3Sapagkat ang aming pangaral ay hindi mula sa pandaraya, ni sa karumihan, ni sa panlilinlang,
4kundi kung paanong kami'y minarapat ng Diyos na pagkatiwalaan ng ebanghelyo ay gayon kami nagsasalita, hindi upang bigyang-lugod ang mga tao, kundi ang Diyos na sumusuri sa aming mga puso.
5Sapagkat hindi kami natagpuang gumamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, gaya ng nalalaman ninyo, ni ng balabal ng kasakiman, saksi namin ang Diyos;
6ni nagsihanap man sa mga tao ng kapurihan, ni sa inyo o sa iba man, bagaman may karapatan kaming humingi bilang mga apostol ni Cristo.
7Kundi kami ay naging malumanay sa gitna ninyo, gaya ng isang ina na nag-aaruga sa kanyang mga anak.
8Palibhasa'y nagmamalasakit kami sa inyo, ipinasiya naming kayo'y bahaginan, hindi lamang ng ebanghelyo ng Diyos, kundi pati ng aming mga sariling kaluluwa, sapagkat kayo'y napamahal na sa amin.
9Natatandaan ninyo, mga kapatid, ang aming pagpapagal at paghihirap. Gumagawa kami araw at gabi upang huwag kaming maging pasanin sa kaninuman sa inyo. Ipinahayag namin sa inyo ang ebanghelyo ng Diyos.
10Kayo'y mga saksi, at pati ang Diyos, kung gaano kadalisay, matuwid at walang kapintasan ang inasal namin sa inyo na mga mananampalataya.
11Gaya ng inyong nalalaman, pinakitunguhan namin kayong tulad ng isang ama sa kanyang mga anak,
12na kayo'y pinangaralan at pinalakas ang loob ninyo, at nagpatotoo, upang kayo'y lumakad nang nararapat sa Diyos, na siyang tumawag sa inyo sa kanyang sariling kaharian at kaluwalhatian.
13At kami ay patuloy na nagpapasalamat sa Diyos, na nang inyong tanggapin ang salita ng Diyos na inyong narinig sa amin ay inyong tinanggap iyon hindi bilang salita ng mga tao, kundi, ayon sa katotohanan, ay bilang salita ng Diyos, na gumagawa naman sa inyo na sumasampalataya.
14Sapagkat#Gw. 17:5 kayo, mga kapatid, ay naging taga-tulad sa mga iglesya ng Diyos kay Cristo Jesus na nasa Judea, sapagkat nagdusa din naman kayo ng mga gayong bagay mula sa inyong sariling mga kababayan, gaya naman nila sa mga Judio.
15Sila#Gw. 9:23, 29; 13:45, 50; 14:2, 5, 19; 17:5, 13; 18:12 ang pumatay sa Panginoong Jesus at sa mga propeta, at kami ay kanilang pinalayas. Sila'y hindi nagbigay-lugod sa Diyos at sinalungat ang lahat ng mga tao,
16at pinagbawalan kaming magsalita sa mga Hentil upang maligtas ang mga ito. Kaya't kanilang pinupunong lagi ang kanilang mga kasalanan; ngunit dumating sa kanila ang poot ng Diyos hanggang sa katapusan.
Nais ni Pablo na Muli Silang Dalawin
17Ngunit kami, mga kapatid, na nahiwalay sa inyo ng maikling panahon, sa katawan hindi sa puso, ay lalong higit na nananabik na makita kayo nang mukhaan.
18Sapagkat nais naming pumunta sa inyo—lalo na akong si Pablo na paulit-ulit na nais makabalik—ngunit hinadlangan kami ni Satanas.
19Sapagkat ano ang aming pag-asa, o kagalakan, o putong ng kapurihan sa harapan ng ating Panginoong Jesus sa kanyang pagdating? Hindi ba kayo?
20Sapagkat kayo ang aming kaluwalhatian at kagalakan.

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in