Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II MGA CRONICA 12

12
Ang Pagsalakay ng Ehipto sa Juda
(1 Ha. 14:25-28)
1Nang ang paghahari ni Rehoboam ay naging matatag at malakas, kanyang tinalikuran ang kautusan ng Panginoon, at ang buong Israel ay kasama niya.
2Nang ikalimang taon ni Haring Rehoboam, sapagkat sila'y naging taksil sa Panginoon, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem,
3kasama ang isanlibo at dalawang daang karwahe, at animnapung libong mangangabayo. At ang mga taong dumating na kasama niya mula sa Ehipto ay di mabilang—mga taga-Libya, mga Sukiim, at mga taga-Etiopia.
4Kinuha niya ang mga lunsod ng Juda na may kuta at nakarating hanggang sa Jerusalem.
5At si Shemaya na propeta ay dumating kay Rehoboam at sa mga pinuno ng Juda na nagtipun-tipon sa Jerusalem dahil kay Shishac, at sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Pinabayaan ninyo ako, kaya't pinabayaan ko naman kayo sa kamay ni Shishac.’”
6Nang magkagayon, ang mga pinuno ng Israel at ang hari ay nagpakumbaba at kanilang sinabi, “Ang Panginoon ay matuwid.”
7Nang makita ng Panginoon na sila'y nagpakumbaba, ang salita ng Panginoon ay dumating kay Shemaya: “Sila'y nagpakumbaba; hindi ko sila pupuksain, kundi bibigyan ko sila ng ilang pagliligtas, at ang aking poot ay hindi mabubuhos sa Jerusalem sa pamamagitan ng kamay ni Shishac.
8Gayunman, sila'y magiging kanyang lingkod upang kanilang makilala ang aking paglilingkod at ang paglilingkod ng mga kaharian ng mga lupain.”
Ang Templo ay Giniba
9Kaya't#1 Ha. 10:16, 17; 2 Cro. 9:15, 16 umahon si Shishac na hari ng Ehipto laban sa Jerusalem, tinangay niya ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; kinuha niyang lahat ang mga iyon. Kinuha rin niya ang mga kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.
10Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso bilang kapalit ng mga iyon, at ipinagkatiwala ang mga iyon sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay, na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.
11Sa tuwing papasok ang hari sa bahay ng Panginoon, ang bantay ay dumarating at dinadala ang mga iyon, at ibinabalik sa silid ng bantay.
12Nang siya'y magpakumbaba, ang Panginoon ay hindi nagalit sa kanya, kaya't hindi na nagkaroon ng lubos na pagkawasak. Bukod dito, ang kalagayan sa Juda ay naging mabuti.
13Sa gayo'y pinatatag ni Haring Rehoboam ang sarili sa Jerusalem at siya'y naghari. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y nagpasimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing pitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng Panginoon sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang pangalan ng kanyang ina ay Naama na Ammonita.
14Siya'y gumawa ng kasamaan, sapagkat hindi niya inilagak ang kanyang puso upang hanapin ang Panginoon.
15Ang mga gawa ni Rehoboam, mula una hanggang sa katapusan, di ba nakasulat ang mga iyon sa kasaysayan ni Shemaya na propeta at ni Iddo na propeta? At mayroong patuloy na mga digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam.
16Si Rehoboam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa lunsod ni David; at si Abias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Kasalukuyang Napili:

II MGA CRONICA 12: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in