II MGA CRONICA 19
19
Sinumbatan ng Isang Propeta si Jehoshafat
1Si Jehoshafat na hari ng Juda ay ligtas na umuwi sa kanyang bahay sa Jerusalem.
2Subalit si Jehu na anak ni Hanani na propeta ay lumabas upang salubungin siya, at sinabi kay Haring Jehoshafat, “Dapat mo bang tulungan ang masasama at mahalin ang mga napopoot sa Panginoon? Dahil dito, ang poot ay lumabas laban sa iyo mula sa harapan ng Panginoon.
3Gayunman, may ilang kabutihang natagpuan sa iyo, sapagkat winasak mo ang mga sagradong poste#19:3 Sa Hebreo ay Ashera. sa lupain, at inilagak mo ang iyong puso upang hanapin ang Diyos.”
4Si Jehoshafat ay nanirahan sa Jerusalem; at siya'y muling lumabas sa bayan, mula sa Beer-seba hanggang sa lupaing maburol ng Efraim, at kanyang ibinalik sila sa Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno.
5Siya'y humirang ng mga hukom sa lupain sa lahat ng lunsod na may kuta sa Juda, sa bawat lunsod,
6at sinabi sa mga hukom, “Isaalang-alang ninyo kung ano ang inyong ginagawa, sapagkat kayo'y humahatol hindi para sa tao, kundi para sa Panginoon; siya'y kasama ninyo sa pagbibigay ng hatol.
7Ngayon, sumainyo nawa ang takot sa Panginoon. Mag-ingat kayo sa inyong ginagawa, sapagkat walang pagpilipit ng katarungan sa Panginoon nating Diyos, o pagtatangi o pagtanggap man ng mga suhol.”
8Bukod dito'y naglagay si Jehoshafat sa Jerusalem ng ilang mga Levita, mga pari, at mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno ng Israel upang humatol para sa Panginoon at upang pagpasiyahan ang mga alitan. Ang kanilang mga luklukan ay nasa Jerusalem.
9At kanyang tinagubilinan sila, “Ganito ang inyong gagawin sa takot sa Panginoon, sa katapatan at sa inyong buong puso:
10tuwing may usaping dumating sa inyo mula sa inyong mga kapatid na naninirahan sa kanilang mga lunsod, tungkol sa pagdanak ng dugo, sa kautusan o batas, mga tuntunin o mga kahatulan, ay inyong tuturuan sila, upang sila'y huwag magkasala sa harap ng Panginoon, at ang poot ay huwag dumating sa inyo at sa inyong mga kapatid. Gayon ang inyong gagawin, at kayo'y hindi magkakasala.
11Si Amarias na punong pari ay mamumuno sa inyo sa lahat ng bagay ng Panginoon; at si Zebadias na anak ni Ismael, na tagapamahala sa sambahayan ng Juda, sa lahat ng mga bagay ng hari, at ang mga Levita ay maglilingkod sa inyo bilang mga pinuno. Gumawa kayong may katapangan at ang Panginoon nawa'y makasama ng matuwid!”
Kasalukuyang Napili:
II MGA CRONICA 19: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001