II MGA CRONICA 21
21
Si Haring Jehoram ng Juda
(2 Ha. 8:17-24)
1Si Jehoshafat ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Jehoram na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
2Siya'y mayroong mga kapatid na lalaki, mga anak ni Jehoshafat: sina Azarias, Jeiel, Zacarias, Azarias, Micael, at Shefatias; lahat ng mga ito ay mga anak ni Jehoshafat na hari ng Israel.#21:2 o Juda.
3Binigyan sila ng kanilang ama ng maraming kaloob na pilak, ginto, at mahahalagang ari-arian, pati ng mga lunsod na may kuta sa Juda; ngunit ang kaharian ay ibinigay niya kay Jehoram, sapagkat siya ang panganay.
4Nang si Jehoram ay makaakyat sa kaharian ng kanyang ama at naging matatag, kanyang pinatay sa pamamagitan ng tabak ang lahat niyang mga kapatid, gayundin ang ilan sa mga pinuno ng Israel.
5Si Jehoram ay tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng walong taon sa Jerusalem.
6At siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat asawa niya ang anak na babae ni Ahab. At siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
7Gayunma'y#1 Ha. 11:36 ayaw lipulin ng Panginoon ang sambahayan ni David, dahil sa tipan na kanyang ginawa kay David, at palibhasa'y kanyang ipinangako na bibigyan siya ng ilawan at ang kanyang mga anak magpakailanman.
8Sa#Gen. 27:40 kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda, at naglagay sila ng sarili nilang hari.
9Nang magkagayo'y dumaan si Jehoram na kasama ang kanyang mga punong-kawal at lahat niyang mga karwahe at siya'y bumangon nang kinagabihan at pinatay ang mga Edomita na pumalibot sa kanya at sa mga punong-kawal ng mga karwahe.
10Kaya't naghimagsik ang Edom mula sa kapangyarihan ng Juda hanggang sa araw na ito. Nang panahon ding iyon ay naghimagsik ang Libna mula sa kanyang pamumuno, sapagkat kanyang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno.
Ang Nakakatakot na Sulat ni Elias
11Bukod dito'y gumawa siya ng matataas na dako sa maburol na lupain ng Juda, at inakay ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan at iniligaw ang Juda.
12May isang liham na dumating sa kanya mula kay Elias na propeta, na sinasabi, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ama, ‘Sapagkat hindi ka lumakad sa mga landas ni Jehoshafat na iyong ama, o sa mga landas ni Asa na hari ng Juda;
13kundi lumakad sa mga landas ng mga hari ng Israel, at iyong inakay ang Juda at ang mga mamamayan ng Jerusalem sa kataksilan, kung paanong inakay ng sambahayan ni Ahab ang Israel sa kataksilan, at pinatay mo rin ang iyong mga kapatid sa sambahayan ng iyong ama, na higit na mabuti kaysa iyo;
14ang Panginoon ay magdadala ng napakalaking salot sa iyong bayan, sa iyong mga anak, mga asawa, at sa lahat ng iyong pag-aari.
15Ikaw mismo ay magkakaroon ng malubhang sakit sa bituka, hanggang sa lumuwa ang iyong bituka araw-araw dahil sa sakit.’”
16Pinag-alab ng Panginoon laban kay Jehoram ang galit ng mga Filisteo at ng mga taga-Arabia na malapit sa mga taga-Etiopia.
17Sila'y dumating laban sa Juda at sinalakay ito, at dinala ang lahat ng pag-aari na natagpuan sa bahay ng hari, pati ang mga anak niya at kanyang mga asawa. Kaya't walang naiwang anak sa kanya, maliban kay Jehoahaz na bunso niyang anak.
Ang Pagkatalo at Kamatayan ni Jehoram
18Pagkatapos ng lahat ng ito, sinaktan siya ng Panginoon sa kanyang bituka ng sakit na walang lunas.
19Sa paglakad ng panahon, sa katapusan ng dalawang taon, ang kanyang bituka ay lumabas dahil sa kanyang sakit, at siya'y namatay sa matinding paghihirap. Ang kanyang mamamayan ay hindi gumawa ng apoy para sa kanyang karangalan, gaya ng apoy na ginawa para sa kanyang mga ninuno.
20Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng walong taon. Siya'y namatay na walang nalungkot. Kanilang inilibing siya sa lunsod ni David, ngunit hindi sa mga libingan ng mga hari.
Kasalukuyang Napili:
II MGA CRONICA 21: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001