II MGA CRONICA 26
26
Si Haring Uzias ng Juda
(2 Ha. 14:21, 22; 15:1-7)
1At kinuha ng buong bayan ng Juda si Uzias, na labing-anim na taong gulang at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang amang si Amasias.
2Kanyang itinayo ang Eloth at isinauli sa Juda, pagkatapos na ang hari ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno.
3Si Uzias ay labing-anim na taong gulang nang siya'y nagsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.
4At kanyang ginawa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.
5Itinalaga niya ang sarili upang hanapin ang Diyos sa mga araw ni Zacarias, na siyang nagturo sa kanya sa pagkatakot sa Diyos; at habang kanyang hinahanap ang Panginoon, pinagtatagumpay siya ng Diyos.
6Siya'y lumabas at nakipagdigma laban sa mga Filisteo, at ibinagsak ang pader ng Gat, ang pader ng Jabnia, at ang pader ng Asdod. Siya'y nagtayo ng mga lunsod sa nasasakupan ng Asdod at sa iba pang lugar sa gitna ng mga Filisteo.
7Tinulungan siya ng Diyos laban sa mga Filisteo at mga taga-Arabia na naninirahan sa Gurbaal, at laban sa mga Meunita.
8Ang mga Ammonita ay nagbayad ng buwis kay Uzias, at ang kanyang katanyagan ay lumaganap hanggang sa hangganan ng Ehipto, sapagkat siya'y naging napakalakas.
9Bukod dito'y nagtayo si Uzias ng mga muog sa Jerusalem sa Pintuan sa Panulukan at sa Pintuan sa Libis, at sa Pagliko, at pinatibay ang mga iyon.
10Siya'y nagtayo ng mga muog sa ilang at humukay ng maraming balon, sapagkat siya'y mayroong maraming kawan maging sa Shefela at sa kapatagan. Mayroon siyang mga magbubukid at manggagawa sa ubasan sa mga burol at sa matatabang lupain, sapagkat mahal niya ang lupa.
11Bukod dito, si Uzias ay may hukbo ng mga kawal, nababagay sa digmaan, na pulu-pulutong ayon sa pagbilang na ginawa ni Jeiel na kalihim, at ni Maasias na pinuno, sa ilalim ng pangangasiwa ni Hananias, isa sa mga punong-kawal ng hari.
12Ang buong bilang ng mga puno ng mga sambahayan ng mga ninuno na matatapang na mandirigma ay dalawang libo at animnaraan.
13Sa ilalim ng kanilang pamumuno ay isang hukbo na tatlong daan pitong libo at limang daan, na may kakayahang lumaban na may kapangyarihan, upang tulungan ang hari laban sa kaaway.
14At ang buong hukbo ay ipinaghanda ni Uzias ng mga kalasag, mga sibat, mga helmet, mga metal na saplot, mga pana, at mga batong pantirador.
15Siya'y gumawa sa Jerusalem ng mga makina, nilikha ng mga bihasang tao, upang ilagay sa mga tore at sa panulukan, upang magpahilagpos ng mga pana at malalaking bato. At ang kanyang kabantugan ay kumalat sa malayo, sapagkat siya'y kagila-gilalas na tinulungan hanggang sa siya'y lumakas.
Si Uzias ay Pinarusahan Dahil sa Kanyang Kapalaluan
16Ngunit nang siya'y lumakas, siya'y naging palalo na siya niyang ikinapahamak. Sapagkat kanyang nilapastangan ang Panginoon niyang Diyos, at pumasok sa templo ng Panginoon upang magsunog ng insenso sa ibabaw ng dambana ng insenso.
17Ngunit si Azarias na pari ay pumasok kasunod niya, na may kasamang walumpung pari ng Panginoon na matatapang na lalaki.
18Kanilang#Exo. 30:7, 8; Bil. 3:10 hinadlangan si Haring Uzias, at sinabi sa kanya, “Hindi para sa iyo, Uzias, ang magsunog ng insenso sa Panginoon, kundi para sa mga pari na mga anak ni Aaron, na mga itinalaga upang magsunog ng insenso. Lumabas ka sa santuwaryo sapagkat mali ang iyong ginawa, at hindi ito magbibigay sa iyo ng karangalan mula sa Panginoong Diyos.”
19Nang magkagayo'y nagalit si Uzias. Noon ay mayroon siyang suuban sa kanyang kamay upang magsunog ng insenso. Nang siya'y magalit sa mga pari, may lumabas na ketong sa kanyang noo, sa harapan ng mga pari sa bahay ng Panginoon, sa tabi ng dambana ng insenso.
20Si Azarias na punong pari at ang lahat ng mga pari ay tumingin sa kanya, siya'y may ketong sa kanyang noo! At siya'y mabilis nilang itinaboy papalabas at siya nama'y nagmamadaling lumabas, sapagkat sinaktan siya ng Panginoon.
21Si Haring Uzias ay ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at palibhasa'y ketongin ay tumira siya sa isang bahay na nakabukod, sapagkat siya'y itiniwalag sa bahay ng Panginoon. Si Jotam na kanyang anak ang namahala sa sambahayan ng hari, na nangangasiwa sa mga mamamayan ng lupain.
22Ang iba pa sa mga gawa ni Uzias, mula una hanggang katapusan, ay isinulat ni Isaias na propeta, na anak ni Amos.
23At#Isa. 6:1 si Uzias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa parang na libingan na ukol sa mga hari; sapagkat kanilang sinabi, “Siya'y ketongin.” At si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Kasalukuyang Napili:
II MGA CRONICA 26: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001