II MGA TAGA CORINTO 11
11
Si Pablo at ang mga Huwad na Apostol
1Sana'y mapagtiisan ninyo ako sa kaunting kahangalan. Subalit tunay na nagtitiis kayo sa akin!
2Ako'y nakakaramdam sa inyo ng maka-Diyos na panibugho, sapagkat kayo'y itinakda kong mapangasawa ng isang lalaki, na kayo'y maiharap ko kay Cristo bilang isang malinis na birhen.
3Ngunit#Gen. 3:1-5, 13 ako'y natatakot na kung paanong si Eva ay dinaya ng ahas sa pamamagitan ng kanyang katusuhan, ang inyong mga pag-iisip ay mailigaw mula sa katapatan at kadalisayan#11:3 Wala sa ibang mga kasulatan ang salitang kadalisayan. kay Cristo.
4Sapagkat kung may dumating na nangangaral ng ibang Jesus na hindi namin ipinangaral, o kung kayo'y tumanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap noon o ibang ebanghelyo na hindi ninyo tinanggap, kayo ay kaagad na napapasakop doon.
5Sa palagay ko ay hindi ako pahuhuli sa mga dakilang apostol na ito.
6Bagaman ako'y hindi bihasa sa pagsasalita, gayunma'y hindi sa kaalaman, kundi sa bawat paraan ay ginawa namin itong hayag sa inyo sa lahat ng mga bagay.
7Ako ba'y nagkasala sa pagpapakababa ko sa aking sarili upang kayo'y maitaas, dahil sa ipinangaral ko sa inyo nang walang bayad ang ebanghelyo ng Diyos?
8Aking ninakawan ang ibang mga iglesya sa pamamagitan ng pagtanggap ng sahod mula sa kanila upang makapaglingkod sa inyo.
9At#Fil. 4:15-18 nang ako'y kasama ninyo at nasa pangangailangan, ako'y hindi naging pasanin sa kanino man, sapagkat ang aking mga pangangailangan ay tinustusan ng mga kapatid na galing sa Macedonia. Kaya't aking iniwasan at iiwasan na maging pasanin ninyo sa anumang paraan.
10Kung paanong ang katotohanan ni Cristo ay nasa akin, walang makakapigil sa akin sa pagmamalaking ito sa mga lupain ng Acaia.
11At bakit? Sapagkat hindi ko kayo minamahal? Alam ito ng Diyos!
12At kung ano ang aking ginagawa ay patuloy kong gagawin, upang alisin ang pagkakataon doon sa mga nagnanais ng pagkakataon na kilalanin bilang mga kapantay namin tungkol sa ipinagmamalaki nila.
13Sapagkat ang gayong mga tao ay mga huwad na apostol, mga mandarayang manggagawa, na nagpapanggap na mga apostol ni Cristo.
14At hindi nakapagtataka! Sapagkat maging si Satanas man ay nagpapanggap na anghel ng liwanag.
15Kaya't hindi nakapagtataka na ang kanyang mga ministro naman ay magpanggap na mga ministro ng katuwiran. Ang kanilang wakas ay magiging ayon sa kanilang mga gawa.
Mga Paghihirap ni Pablo Bilang Apostol
16Inuulit ko, huwag isipin ng sinuman na ako'y hangal, ngunit kung gayon ang inyong iniisip, tanggapin ninyo ako bilang isang hangal upang ako rin ay makapagmalaki ng kaunti.
17Ang sinasabi ko ay hindi ko sinasabi ayon sa Panginoon, kundi bilang isang hangal sa ganitong mapagmalaking pagtitiwala.
18Yamang marami ang nagmamalaki sang-ayon sa pamantayan ng tao, ako ma'y magmamalaki.
19Sapagkat may kagalakan ninyong pinagtitiisan ang mga hangal, palibhasa'y marurunong kayo!
20Sapagkat pinagtitiisan ninyo ito kapag inaalipin kayo, o kapag nilalapa kayo, o kapag kayo'y pinagsasamantalahan, o kapag pinagyayabangan, o kapag kayo'y sinasampal sa mukha.
21Sa aking kahihiyan ay dapat kong sabihin, napakahina namin sa ganito! Ngunit kung ang sinuman ay malakas ang loob na nagmamalaki—ako ay nagsasalita bilang hangal—malakas din ang loob ko na ipagmalaki iyon.
22Sila ba'y mga Hebreo? Ako man. Sila ba'y mga Israelita? Ako man. Sila ba'y mga binhi ni Abraham? Ako man.
23Sila#Gw. 16:23 ba'y mga ministro ni Cristo? (Ako'y nagsasalita na parang isang baliw.) Lalo pa ako na mas maraming pagpapagal, mas maraming pagkabilanggo, ng di mabilang na bugbog, at malimit na mabingit sa kamatayan.
24Sa#Deut. 25:3 mga Judio ay limang ulit akong tumanggap ng apatnapung hagupit, kulang ng isa.
25Tatlong#Gw. 16:22; Gw. 14:19 ulit na ako'y hinampas ng mga pamalo, minsan ako'y pinagbabato. Tatlong ulit na akong nawasakan ng barko, isang araw at isang gabing ako'y nasa laot;
26nasa#Gw. 9:23; Gw. 14:5 madalas na paglalakbay, nasa panganib sa mga ilog, panganib sa mga magnanakaw, panganib sa aking mga kababayan, panganib sa mga Hentil, panganib sa lunsod, panganib sa mga ilang, panganib sa dagat, panganib kasama ng mga huwad na kapatid;
27sa pagpapagal at hirap, sa mga pagpupuyat, sa gutom at uhaw, madalas na walang pagkain, giniginaw at hubad.
28Bukod sa mga bagay na nasa labas, ako'y araw-araw na nabibigatan sa alalahanin para sa mga iglesya.
29Sino ang mahina, at ako ba'y hindi mahina? Sino ang natitisod, at ako'y di nag-iinit?
30Kung kailangang ako'y magmalaki, ako'y magmamalaki sa mga bagay na nauukol sa aking kahinaan.
31Ang Diyos at Ama ng Panginoong Jesus (siyang pinupuri magpakailanpaman) ang nakakaalam na ako'y hindi nagsisinungaling.
32Sa#Gw. 9:23-25 Damasco, binantayan ng gobernador na sakop ng haring Aretas ang lunsod ng Damasco upang ako'y dakpin,
33subalit ako'y ibinaba sa isang tiklis palabas sa isang bintana sa pader at nakatakas sa kanyang mga kamay.
Kasalukuyang Napili:
II MGA TAGA CORINTO 11: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001