II MGA TAGA CORINTO 5
5
1Sapagkat nalalaman namin na kung mawasak ang aming tolda sa lupa, mayroon kaming isang gusaling mula sa Diyos, bahay na hindi gawa ng mga kamay, walang hanggan sa sangkalangitan.
2Sapagkat dito kami ay dumaraing, na nasasabik mabihisan ng aming makalangit na tahanan,
3upang kung mabihisan#5:3 Sa ibang mga kasulatan ay mahubaran. na niyon ay hindi kami matagpuang hubad.
4Sapagkat habang kami ay nasa toldang ito, kami ay dumaraing na nabibigatan, hindi sa nais naming maging hubad, kundi nais naming kami'y mabihisan pa upang ang may kamatayan ay lunukin ng buhay.
5Ngayon, ang naghanda sa amin para sa bagay na ito ay Diyos, na nagbigay sa amin ng Espiritu bilang paunang bayad.
6Kaya't kami'y laging nagtitiwala, bagaman nalalaman namin na samantalang kami ay nasa tahanan sa katawan, kami ay malayo sa Panginoon.
7Sapagkat kami ay lumalakad sa pamamagitan ng pananampalataya, hindi sa pamamagitan ng paningin.
8Kaya't kami ay nagtitiwala at nasisiyahan na mapalayo sa katawan at mapasa tahanan na kasama ng Panginoon.
9Kaya't maging nasa tahanan o malayo sa tahanan, ang aming mithiin ay ang bigyan siya ng kasiyahan.
10Sapagkat#Ro. 14:10 tayong lahat ay kailangang humarap sa hukuman ni Cristo upang bawat isa ay tumanggap ng kabayaran sa mga bagay na ginawa niya sa pamamagitan ng katawan, maging mabuti o masama.
Ang Ministeryo ng Pakikipagkasundo
11Yamang nalalaman ang takot sa Panginoon, hinihikayat namin ang mga tao, ngunit kami ay hayag sa Diyos; at ako'y umaasa na kami ay hayag din sa inyong mga budhi.
12Hindi namin ipinagmamapuring muli ang aming sarili sa inyo, kundi binibigyan namin kayo ng pagkakataon na ipagmalaki kami, upang masagot ninyo ang mga nagmamalaki batay sa panlabas na kaanyuan at hindi sa puso.
13Kung kami ay wala sa aming sarili, ito ay para sa Diyos; kung kami ay nasa matinong pag-iisip, ito ay para sa inyo.
14Ang pag-ibig ni Cristo ang humihimok sa amin, sapagkat kami ay lubos na naniniwala na ang isa ay namatay para sa lahat; kaya't ang lahat ay namatay.
15Siya'y namatay para sa lahat, upang ang mga nabubuhay ay huwag nang mabuhay pa para sa kanilang sarili, kundi para sa kanya na alang-alang sa kanila ay namatay at muling nabuhay.
16Kaya't mula ngayon ay hindi namin kinikilala ang sinuman ayon sa pananaw ng laman, bagaman kinikilala namin si Cristo ayon sa pananaw ng laman, ngunit ngayon ay hindi na gayon ang aming pagkakilala.
17Kaya't kung ang sinuman ay na kay Cristo, siya'y bagong nilalang; ang mga lumang bagay ay lumipas na, tingnan ninyo, ang lahat ay naging bago.
18Lahat ng ito ay mula sa Diyos, na tayo'y pinagkasundo niya sa kanyang sarili sa pamamagitan ni Cristo, at ibinigay niya sa amin ang ministeryo#5:18 o pangangasiwa. ng pakikipagkasundo.
19Samakatuwid, kay Cristo ay pinagkasundo ng Diyos ang sanlibutan at ang kanyang sarili,#5:19 o ang Diyos ay na kay Cristo na pinagkasundo ang sanlibutan at ang kanyang sarili. na hindi ibinibilang sa kanila ang kanilang mga kasalanan, at ipinagkatiwala sa amin ang salita ng pakikipagkasundo.
20Kaya't kami ay mga sugo para kay Cristo, yamang ang Diyos ay nananawagan sa pamamagitan namin. Kami'y nananawagan sa pangalan ni Cristo, na kayo'y makipagkasundo sa Diyos.
21Para sa ating kapakanan, ginawa niyang may kasalanan siya na hindi nakakilala ng kasalanan, upang sa kanya tayo'y maging katuwiran ng Diyos.
Kasalukuyang Napili:
II MGA TAGA CORINTO 5: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001