Nang ikapitong taon ni Jehu, nagsimulang maghari si Jehoas at siya'y naghari sa loob ng apatnapung taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Sibia na taga-Beer-seba.
Gumawa si Jehoas ng matuwid sa mga mata ng PANGINOON sa lahat ng kanyang araw, sapagkat tinuruan siya ni Jehoiada na pari.
Gayunma'y ang mga mataas na dako ay hindi inalis; ang mga tao ay patuloy na naghandog at nagsunog ng insenso sa mga mataas na dako.
Sinabi ni Jehoas sa mga pari, “Ang lahat ng salaping inihandog bilang mga banal na bagay na ipinasok sa bahay ng PANGINOON, ang salaping umiiral, na salaping inihalaga sa mga pagkatao na hiniling sa bawat isa, at ang salapi na iniudyok ng puso ng tao na kanyang dalhin sa bahay ng PANGINOON,
ay kukunin ng mga pari para sa kanila, bawat isa sa kanyang kakilala; at kanilang aayusin ang mga sira ng bahay saanman matuklasang may anumang sira.”
Ngunit nang ikadalawampu't tatlong taon ni Haring Jehoas, ang mga pari ay hindi nag-ayos ng mga sira sa bahay.
Kaya't tinawag ni Haring Jehoas si Jehoiada na pari at ang iba pang mga pari at sinabi sa kanila, “Bakit hindi ninyo inaayos ang mga sira ng bahay? Ngayon ay huwag na kayong tumanggap ng salapi sa inyong mga kakilala, kundi ibigay ninyo para sa mga sira ng bahay.”
Kaya't pinagkasunduan ng mga pari na hindi na sila kukuha pa ng salapi mula sa taong-bayan, at hindi na nila aayusin ang mga sira ng bahay.
At si Jehoiada na pari ay kumuha ng isang kaban, at binutasan ang takip niyon, at inilagay sa tabi ng dambana sa gawing kanan ng pagpasok sa bahay ng PANGINOON. Isinilid doon ng mga pari na nagtatanod sa pintuan ang lahat ng salapi na dinala sa bahay ng PANGINOON.
Tuwing makikita nila na marami ng salapi sa kaban, ang kalihim ng hari at ang pinakapunong pari ay umaakyat, at kanilang binibilang at isinisilid sa mga supot ang mga salapi na natagpuan sa bahay ng PANGINOON.
Pagkatapos ay ibinibigay nila ang salaping tinimbang sa mga kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng PANGINOON; at ito ay kanilang ibinayad sa mga karpintero at sa mga manggagawa na gumawa sa bahay ng PANGINOON,
at sa mga mason at nagtatabas ng bato, gayundin upang ibili ng mga kahoy at mga batong tinibag para sa pag-aayos ng mga sira sa bahay ng PANGINOON, at para sa lahat ng magugugol sa bahay sa pag-aayos nito.
Ngunit walang ginawa para sa bahay ng PANGINOON na mga palangganang pilak, mga pamutol ng mitsa, mga mangkok, mga trumpeta, o anumang kasangkapang ginto, o kasangkapang pilak, mula sa salapi na ipinasok sa bahay ng PANGINOON,
sapagkat iyon ay kanilang ibinigay sa mga gumawa ng gawain at sa pamamagitan niyon ay inayos nila ang bahay ng PANGINOON.
Hindi sila humingi ng pagsusulit mula sa mga lalaki na sa kanilang mga kamay ay ibinigay ang salapi upang ibayad sa mga manggagawa, sapagkat sila'y nagsigawang may katapatan.
Ang salapi mula sa handog para sa budhing nagkasala, at ang salapi mula sa handog pangkasalanan ay hindi ipinasok sa bahay ng PANGINOON; ang mga iyon ay nauukol sa mga pari.
Nang panahong iyon, si Hazael na hari ng Siria ay umahon at nilabanan ang Gat, at nasakop iyon at iniharap ni Hazael ang kanyang mukha upang umahon sa Jerusalem upang ito ay labanan,
at kinuha ni Jehoas na hari ng Juda ang lahat ng bagay na itinalaga ni Jehoshafat, at ni Jehoram, at ni Ahazias, na kanyang mga ninuno, na mga hari sa Juda, at ang kanyang mga itinalagang bagay, at ang lahat ng ginto na natagpuan sa mga kabang-yaman ng bahay ng PANGINOON at sa bahay ng hari, at ipinadala kay Hazael na hari ng Siria. Pagkatapos si Hazael ay umalis sa Jerusalem.
Ang iba sa mga gawa ni Joas, at ang lahat niyang ginawa, di ba ang mga iyon ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan ng mga Hari ng Juda?
At ang kanyang mga lingkod ay nagsitindig at nagsabwatan, at pinatay nila si Joas sa bahay ng Milo, sa daang palusong sa Silah.
Si Josakar na anak ni Shimeat at si Jozabad na anak ni Somer, na kanyang mga lingkod, ang sumunggab sa kanya, kaya't siya'y namatay. At kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga magulang sa lunsod ni David; at si Amasias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.