Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II PEDRO 3:8-18

II PEDRO 3:8-18 ABTAG01

Subalit huwag ninyong kaliligtaan ang katotohanang ito, mga minamahal, ang isang araw sa Panginoon ay tulad ng sanlibong taon, at ang sanlibong taon ay tulad ng isang araw. Hindi mabagal ang Panginoon tungkol sa kanyang pangako, na gaya ng kabagalang itinuturing ng iba, kundi matiyaga sa inyo, na hindi niya ibig na sinuman ay mapahamak, kundi ang lahat ay dumating sa pagsisisi. Ngunit darating ang araw ng Panginoon na gaya ng isang magnanakaw, at ang kalangitan ay maglalaho kasabay ng malakas na ingay at ang mga sangkap ay matutupok sa apoy at ang lupa at ang mga gawang naroon ay masusunog. Yamang ang lahat ng mga bagay na ito ay mawawasak nang ganito, ano ngang uri ng pagkatao ang nararapat sa inyo sa banal na pamumuhay at pagiging maka-Diyos, na hinihintay at pinagmamadali ang pagdating ng araw ng Diyos, sapagkat ang kalangitan na nagliliyab ay matutupok, at ang mga sangkap ay matutunaw sa init! Ngunit, ayon sa kanyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, kung saan ang katuwiran ay naninirahan. Kaya nga, mga minamahal, yamang kayo'y naghihintay sa mga bagay na ito, ay pagsikapan ninyong matagpuan kayo sa kapayapaan, na walang dungis at walang kapintasan sa paningin niya. At inyong ituring ang pagtitiyaga ng ating Panginoon bilang kaligtasan. Gaya rin ng ating minamahal na kapatid na si Pablo, ayon sa karunungang ibinigay sa kanya, ay sinulatan kayo; gayundin naman sa lahat ng kanyang mga sulat na sinasabi sa mga iyon ang mga bagay na ito. Doon ay may mga bagay na mahirap unawain, na binabaluktot ng mga hindi nakakaalam at ng mga walang tiyaga, gaya rin naman ng kanilang ginagawa sa ibang mga kasulatan, sa ikapapahamak din nila. Kaya't kayo, mga minamahal, yamang nalalaman na ninyo noon pa ang mga bagay na ito, mag-ingat kayo, baka mailigaw kayo sa pamamagitan ng kamalian ng masasama at mahulog kayo mula sa inyong sariling katatagan. Subalit lumago kayo sa biyaya at sa pagkakilala sa ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu-Cristo. Sumakanya nawa ang kaluwalhatian ngayon at hanggang sa araw ng walang-hanggan. Amen.