Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

II SAMUEL 5

5
Si David ay Ginawang Hari ng Israel at Juda
(1 Cro. 11:1-9; 14:1-7)
1Pagkatapos ay pumaroon ang lahat ng mga lipi ng Israel kay David sa Hebron, na nagsasabi, “Kami ay iyong buto at laman.
2Sa nakaraang panahon, nang si Saul ay hari sa amin, ikaw ang nangunguna at nagdadala sa Israel. Sinabi ng Panginoon sa iyo, ‘Ikaw ay magiging pastol ng aking bayang Israel at ikaw ay magiging pinuno sa Israel.’”
3Kaya't pumunta ang lahat ng matatanda sa Israel sa hari na nasa Hebron; at si Haring David ay nakipagtipan sa kanila sa Hebron sa harap ng Panginoon at kanilang binuhusan ng langis si David bilang hari sa Israel.
4Si#1 Ha. 2:11; 1 Cro. 3:4; 29:27 David ay tatlumpung taong gulang nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y nagharing apatnapung taon.
5Sa Hebron ay naghari siya sa Juda ng pitong taon at anim na buwan; at sa Jerusalem ay naghari siya ng tatlumpu't tatlong taon sa buong Israel at Juda.
Ang Zion ay Sinakop
6Ang#Jos. 15:63; Huk. 1:21 hari at ang kanyang mga tauhan ay pumunta sa Jerusalem laban sa mga Jebuseo na naninirahan sa lupain, na nagsabi kay David, “Hindi ka makakapasok dito, kundi ang mga bulag at pilay ang hahadlang sa iyo,” na iniisip, “Si David ay hindi makakapasok dito.”
7Gayunma'y sinakop ni David ang kuta ng Zion na siyang lunsod ni David.
8Sinabi ni David nang araw na iyon, “Sinumang sumalakay sa mga Jebuseo ay umakyat siya sa inaagusan ng tubig upang salakayin ang pilay at ang bulag, na kinapopootan ng kaluluwa ni David.” Kaya't kanilang sinasabi, “Ang mga bulag at pilay ay hindi makakapasok sa bahay.”
9Nanirahan si David sa kuta at tinawag itong lunsod ni David. At itinayo ni David ang lunsod sa palibot mula sa Milo hanggang sa loob.
10Si David ay dumakila ng dumakila, sapagkat ang Panginoon, ang Diyos ng mga hukbo ay kasama niya.
11Si Hiram na hari sa Tiro ay nagpadala kay David ng mga sugo, ng mga puno ng sedro, mga karpintero, at mga kantero at ipinagtayo ng bahay si David.
12Nabatid ni David na itinalaga siya ng Panginoon bilang hari ng Israel, at kanyang itinaas ang kanyang kaharian alang-alang sa kanyang bayang Israel.
13Kumuha pa si David ng mga asawang-lingkod at mga asawa sa Jerusalem, pagkagaling niya sa Hebron; at may mga ipinanganak pang mga lalaki at babae kay David.
14Ito ang mga pangalan ng mga ipinanganak sa kanya sa Jerusalem; sina Samua, Sobab, Natan, Solomon,
15Ibhar, Elisua; Nefeg, Jafia;
16Elisama, Eliada, at si Elifelet.
Tagumpay Laban sa Filisteo
(1 Cro. 14:8-17)
17Nang mabalitaan ng mga Filisteo na si David ay itinalagang hari sa Israel, ang lahat ng Filisteo ay umahon upang hanapin si David; ngunit ito ay nabalitaan ni David at siya'y pumunta sa kuta.
18Ang mga Filisteo ay dumating at kumalat sa libis ng Refaim.
19Sumangguni si David sa Panginoon, “Aahon ba ako laban sa mga Filisteo? Ibibigay mo ba sila sa aking kamay?” Sinabi ng Panginoon kay David, “Umahon ka sapagkat tunay na aking ibibigay ang mga Filisteo sa iyong kamay.”
20Dumating si David sa Baal-perazim at sila'y ginapi doon ni David. Kanyang sinabi, “Winasak ng Panginoon ang aking mga kaaway sa harap ko, gaya ng umaapaw na baha.” Kaya't ang pangalan ng dakong iyon ay tinawag na Baal-perazim.
21Doon ay iniwan ng mga Filisteo ang kanilang mga diyus-diyosan, at tinangay ni David at ng kanyang mga tauhan ang mga iyon.
22Muling umahon ang mga Filisteo, at kumalat sa libis ng Refaim.
23Nang sumangguni si David sa Panginoon ay kanyang sinabi, “Huwag kang aahon; liligid ka sa likuran nila, at ikaw ay sasalakay sa kanila sa tapat ng mga puno ng balsamo.
24Kapag iyong narinig ang yabag ng lakad sa mga dulo ng mga puno ng balsamo, lumusob ka agad sapagkat lumabas na ang Panginoon sa harap mo upang lupigin ang hukbo ng mga Filisteo.”
25Gayon ang ginawa ni David gaya ng iniutos ng Panginoon sa kanya; at tinalo niya ang mga Filisteo mula sa Geba hanggang sa dumating sa Gezer.

Kasalukuyang Napili:

II SAMUEL 5: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in