Aming ipinag-uutos ngayon sa inyo, mga kapatid, sa pangalan ng ating Panginoong Jesu-Cristo, na kayo'y lumayo sa bawat kapatid na namumuhay sa katamaran, at hindi ayon sa tradisyon na tinanggap nila sa amin. Sapagkat kayo rin ang nakakaalam kung paano ninyo kami dapat tularan; hindi kami tamad noong kami'y kasama ninyo. Hindi kami kumain ng tinapay ng sinuman nang walang bayad, kundi sa pagpapagal at hirap ay gumagawa gabi't araw, upang kami ay huwag maging pasanin sa kanino man sa inyo. Hindi dahil sa kami ay walang karapatan, kundi upang maibigay namin ang aming mga sarili sa inyo bilang huwaran na dapat tularan. Sapagkat noon pa mang kami ay kasama ninyo ay aming iniutos ito sa inyo: “Kung ang sinuman ay ayaw magtrabaho ay huwag din namang kumain.” Sapagkat aming nababalitaan na ang ilan sa inyo ay namumuhay sa katamaran, hindi man lamang gumagawa, sa halip ay mga mapanghimasok. Ngayon, ang mga taong iyon ay inaatasan namin at pinapakiusapan namin sa Panginoong Jesu-Cristo na gumawa nang may katahimikan, upang makakain sila ng sarili nilang pagkain.
Basahin II MGA TAGA TESALONICA 3
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: II MGA TAGA TESALONICA 3:6-12
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas