Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 12:1-17

MGA GAWA 12:1-17 ABTAG01

Nang panahong iyon, inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya. Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan. Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa. Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa. Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya. Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan. At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, “Bumangon kang madali.” At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay. Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, “Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin.” Si Pedro ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain. Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel. Nang matauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio.” Nang kanyang mabatid ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag na Marcos, na kinaroroonan ng maraming nagkakatipon at nananalangin. Nang siya'y kumatok sa tarangkahan ay isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin kung sino ang kumakatok. Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan. Kanilang sinabi sa kanya, “Nasisiraan ka na.” Ngunit ipinilit niya na gayon nga. Ngunit kanilang sinabi, “Iyon ay kanyang anghel.” Ngunit nagpatuloy si Pedro ng pagkatok at nang kanilang buksan, siya'y kanilang nakita at sila'y namangha. Sila'y sinenyasan niya ng kanyang kamay upang tumahimik at isinalaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, “Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid.” At siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.