Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 12

12
Muling Inusig ang Iglesya
1Nang panahong iyon, inilapat ni Herodes ang kanyang mga kamay upang pagmalupitan ang ilan sa mga kaanib ng iglesya.
2Pinatay niya sa pamamagitan ng tabak si Santiago na kapatid ni Juan.
3Nang makita niya na ito'y ikinasiya ng mga Judio, kanya namang isinunod na dakpin si Pedro. Ito ay nang panahon ng pista ng Tinapay na Walang Pampaalsa.
4 # Exo. 12:1-27 Nang siya'y mahuli na niya, kanyang inilagay siya sa bilangguan at siya'y ibinigay sa apat na pangkat na mga kawal upang siya'y bantayan at binabalak na siya'y iharap sa taong-bayan pagkatapos ng Paskuwa.
5Habang si Pedro ay nasa bilangguan, ang iglesya ay taimtim na nanalangin sa Diyos para sa kanya.
Pinalaya ng Anghel si Pedro
6Nang gabing si Pedro ay malapit nang ilabas ni Herodes, natutulog siya sa pagitan ng dalawang kawal na nakagapos ng dalawang tanikala at ang mga bantay sa harap ng pintuan ay nagbabantay sa bilangguan.
7At biglang nagpakita ang isang anghel ng Panginoon at tumanglaw ang isang liwanag sa kulungan. Tinapik niya si Pedro sa tagiliran at siya'y ginising, na sinasabi, “Bumangon kang madali.” At nalaglag ang mga tanikala sa kanyang mga kamay.
8Sinabi sa kanya ng anghel, “Magbihis ka at isuot mo ang iyong mga sandalyas.” At iyon nga ang ginawa niya. At sinabi niya sa kanya, “Ibalot mo sa iyong sarili ang iyong balabal at sumunod ka sa akin.”
9Si Pedro#12:9 Sa Griyego ay siya. ay lumabas, at sumunod sa kanya. Hindi niya alam na tunay ang nangyayari sa pamamagitan ng anghel, ang akala niya'y nakakakita siya ng isang pangitain.
10Nang sila'y makaraan sa una at sa pangalawang bantay, dumating sila sa pintuang-bakal na patungo sa lunsod. Ito'y kusang nabuksan sa kanila, sila'y lumabas at dumaan sa isang lansangan at agad siyang iniwan ng anghel.
11Nang matauhan si Pedro, ay kanyang sinabi, “Ngayo'y natitiyak ko na sinugo ng Panginoon ang kanyang anghel at iniligtas ako sa kamay ni Herodes at sa lahat ng inaasahan ng mga Judio.”
12Nang kanyang mabatid ito, pumunta siya sa bahay ni Maria, ang ina ni Juan na tinatawag na Marcos, na kinaroroonan ng maraming nagkakatipon at nananalangin.
13Nang siya'y kumatok sa tarangkahan ay isang babaing katulong na ang pangalan ay Roda ang lumapit upang alamin#12:13 Sa Griyego ay pakinggan. kung sino ang kumakatok.
14Nang makilala niya ang tinig ni Pedro, sa tuwa'y hindi niya binuksan ang pintuan, kundi tumakbo sa loob at ipinagbigay-alam na nakatayo si Pedro sa harap ng pintuan.
15Kanilang sinabi sa kanya, “Nasisiraan ka na.” Ngunit ipinilit niya na gayon nga. Ngunit kanilang sinabi, “Iyon ay kanyang anghel.”
16Ngunit nagpatuloy si Pedro ng pagkatok at nang kanilang buksan, siya'y kanilang nakita at sila'y namangha.
17Sila'y sinenyasan niya ng kanyang kamay upang tumahimik at isinalaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, “Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid.” At siya'y umalis at pumunta sa ibang dako.
18Nang mag-umaga na, malaki ang kaguluhang nangyari sa mga kawal tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro.
19Nang siya'y maipahanap na ni Herodes at hindi siya natagpuan, siniyasat niya ang mga tanod at ipinag-utos na sila'y patayin.
At buhat sa Judea si Pedro#12:19 Sa Griyego ay siya. ay pumunta sa Cesarea, at doon nanirahan.
Namatay si Herodes
20Noon ay galit na galit si Herodes sa mga taga-Tiro at taga-Sidon. Kaya't sila'y nagkaisang pumaroon sa kanya, at nang mahikayat na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinakiusap ang pagkakasundo, sapagkat ang lupain nila'y umaasa sa lupain ng hari para sa pagkain.
21Sa isang takdang araw ay isinuot ni Herodes ang damit-hari at naupo sa trono, at sa kanila'y nagtalumpati.
22Ang taong-bayan ay nagsisigaw, “Tinig ng diyos at hindi ng tao!”
23Agad siyang sinaktan ng isang anghel ng Panginoon sapagkat hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Diyos. Siya'y kinain ng mga uod at namatay.
24Ngunit ang salita ng Diyos ay patuloy na lumago at lumaganap.
25At nagbalik galing sa Jerusalem sina Bernabe at Saulo nang magampanan na nila ang kanilang paglilingkod at kanilang isinama si Juan na tinatawag ding Marcos.

Kasalukuyang Napili:

MGA GAWA 12: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in