MGA GAWA 21
21
Nagtungo si Pablo sa Jerusalem
1Nang kami'y humiwalay sa kanila at naglakbay, tuluy-tuloy na tinungo namin ang Cos at nang sumunod na araw ay ang Rodas, at buhat doon ay ang Patara.
2Nang aming matagpuan ang isang barko na daraan sa Fenicia, sumakay kami at naglakbay.
3Natanaw namin ang Cyprus sa dakong kaliwa; at naglakbay kami hanggang sa Siria at dumaong sa Tiro, sapagkat ibinaba roon ng barko ang mga karga nito.
4Hinanap namin doon ang mga alagad at tumigil kami roon ng pitong araw. Sa pamamagitan ng Espiritu ay sinabi nila kay Pablo na huwag siyang pumunta sa Jerusalem.
5At nang matapos na ang aming mga araw doon, umalis kami at nagpatuloy sa aming paglalakbay, at silang lahat, kasama ang mga asawa at mga anak, ay inihatid kami sa aming patutunguhan hanggang sa labas ng bayan. Pagkatapos naming lumuhod sa baybayin at nanalangin,
6kami ay nagpaalam sa isa't isa. Pagkatapos, lumulan na kami sa barko at sila'y umuwi na sa kanilang mga bahay.
7Nang aming matapos na ang paglalakbay buhat sa Tiro, dumating kami sa Tolemaida; at binati namin ang mga kapatid at kami'y nanatiling kasama nila ng isang araw.
8Kinabukasan,#Gw. 6:5; 8:5 lumabas kami at dumating sa Cesarea; at pumasok kami sa bahay ni Felipe na ebanghelista, na isa sa pito, at nanatili kaming kasama niya.
9Siya ay may apat na anak na dalaga#21:9 o birhen. na nagsasalita ng propesiya.
10Habang#Gw. 11:28 naroon kami ng ilang araw, isang propeta na ang pangalan ay Agabo ang dumating mula sa Judea.
11Paglapit sa amin, kinuha niya ang sinturon ni Pablo, at ginapos niya ang kanyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, “Ganito ang sinasabi ng Espiritu Santo, ‘Ganito gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng sinturong ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Hentil.’”
12Nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at pati ang mga tagaroon ay nakiusap sa kanya na huwag nang umahon patungo sa Jerusalem.
13Kaya't sumagot si Pablo, “Anong ginagawa ninyo, nag-iiyakan kayo at dinudurog ang aking puso? Handa ako na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.”
14Nang hindi siya mahimok, tumigil kami, na nagsasabi, “Hayaang mangyari ang kalooban ng Panginoon.”
15At pagkaraan ng mga araw na ito, naghanda kami at umahon patungo sa Jerusalem.
16Sumama sa amin ang ilang alagad mula sa Cesarea at dinala kami sa bahay ni Mnason, na taga-Cyprus, isa sa mga naunang alagad, na sa kanya kami manunuluyan.
Ang Pagdalaw ni Pablo kay Santiago
17Nang makarating kami sa Jerusalem, masaya kaming tinanggap ng mga kapatid.
18Nang sumunod na araw, sumama si Pablo sa amin kay Santiago; at ang lahat ng matatanda ay naroroon.
19Pagkatapos niyang batiin sila, isa-isang isinalaysay niya sa kanila ang mga bagay na ginawa ng Diyos sa mga Hentil sa pamamagitan ng kanyang ministeryo.
20Nang kanilang marinig iyon, pinuri nila ang Diyos. At sinabi nila sa kanya, “Nakikita mo, kapatid, kung ilang libo sa mga Judio ang sumampalataya; at silang lahat ay pawang masisigasig sa kautusan.
21Nabalitaan nila ang tungkol sa iyo na itinuturo mo raw sa lahat ng mga Judio na kasama ng mga Hentil na talikdan si Moises, at sinasabi sa kanila na huwag tuliin ang kanilang mga anak ni sumunod sa mga kaugalian.
22Ano nga ba ang dapat gawin? Tiyak na kanilang mababalitaang dumating ka.
23Kaya't#Bil. 6:13-21 gawin mo ang sinasabi namin sa iyo. Mayroon kaming apat na lalaki na may panata sa kanilang sarili.
24Sumama ka sa mga lalaking ito, isagawa ninyo ang seremonya ng paglilinis at ipagbayad mo sila para maahit ang kanilang mga ulo. At malalaman ng lahat na walang katotohanan ang mga bagay na kanilang nabalitaan tungkol sa iyo kundi ikaw mismo ay sumasang-ayon sa pagtupad sa kautusan.
25Ngunit#Gw. 15:29 tungkol sa mga Hentil na naging mga mananampalataya na, kami ay nagpadala na ng liham na aming ipinasiyang umiwas sila sa mga inihandog sa mga diyus-diyosan, sa dugo, sa hayop na binigti,#21:25 Sa ibang mga kasulatan ay walang sa hayop na binigti. at sa pakikiapid.”
26Nang magkagayo'y isinama ni Pablo ang mga lalaking iyon. Nang sumunod na araw, pagkatapos malinis ang kanyang sarili, pumasok siya sa templo upang ipahayag kung kailan magaganap ang mga araw ng paglilinis, at ang pag-aalay ng handog para sa bawat isa sa kanila.
Dinakip si Pablo
27Nang halos matapos na ang pitong araw, ang mga Judiong taga-Asia, nang makita siya sa templo, ay inudyukan ang maraming tao at siya'y kanilang dinakip,
28na isinisigaw, “Mga lalaking taga-Israel, tumulong kayo! Ito ang taong nagtuturo sa mga tao sa lahat ng dako laban sa sambayanan, sa kautusan, at sa dakong ito; at bukod pa rito'y nagdala rin siya ng mga Griyego sa templo, at dinungisan ang banal na lugar na ito.”
29Sapagkat#Gw. 20:4 nakita nila noong una na kasama niya sa lunsod si Trofimo na taga-Efeso, at iniisip nilang ipinasok siya ni Pablo sa templo.
30At ang buong lunsod ay nagkagulo at ang mga tao'y sama-samang nagtakbuhan. Kanilang hinuli si Pablo, siya'y kinaladkad palabas sa templo at agad isinara ang mga pinto.
31Samantalang sinisikap nilang patayin siya, dumating ang balita sa pinunong kapitan ng mga kawal na ang buong Jerusalem ay nagkakagulo.
32Nagsama siya kaagad ng mga kawal at mga senturion, at tumakbo sa kanila. Nang kanilang makita ang pinunong kapitan at ang mga kawal ay tumigil sila sa pagbugbog kay Pablo.
33Pagkatapos nito, lumapit ang pinunong kapitan, dinakip siya at ipinagapos ng dalawang tanikala. Itinanong kung sino siya, at kung ano ang ginawa niya.
34Ang ilan sa maraming tao ay sumigaw ng isang bagay, ang ilan ay iba naman; at nang hindi niya maunawaan ang totoong nangyari dahil sa kaguluhan, ay iniutos niyang dalhin siya sa himpilan.
35Nang dumating si Pablo#21:35 Sa Griyego ay siya. sa hagdanan, siya'y binuhat na ng mga kawal dahil sa karahasan ng napakaraming tao.
36Ang maraming tao na sumunod sa kanya ay patuloy na sumisigaw, “Alisin siya!”
Ipinagtanggol ni Pablo ang Sarili
37Nang ipapasok na si Pablo sa himpilan, ay sinabi niya sa pinunong kapitan, “Maaari ba akong makipag-usap sa iyo?”
At sinabi ng pinunong kapitan,#21:37 Sa Griyego ay niya. “Marunong ka ba ng Griyego?
38Kung gayon, hindi ikaw ang Ehipcio, na nag-udyok ng paghihimagsik nang mga nakaraang araw at nagdala sa apat na libong mamamatay-tao sa ilang?”
39Sumagot si Pablo, “Ako'y Judio, na taga-Tarso sa Cilicia, isang mamamayan ng isang hindi karaniwang lunsod. Nakikiusap ako, pahintulutan mo akong magsalita sa mga taong-bayan.”
40Nang siya'y mapahintulutan na niya, si Pablo ay tumayo sa mga baytang at isinenyas ang kamay sa mga tao, at nang magkaroon ng malaking katahimikan, nagsalita siya sa wikang Hebreo, na sinasabi:
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 21: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001