MGA GAWA 24
24
Ang Paratang ng mga Judio kay Pablo
1Pagkaraan ng limang araw, ang pinakapunong pari na si Ananias ay lumusong na kasama ang ilang matatanda, at ang isang Tertulio na tagapagsalita na siyang nagharap ng sakdal sa gobernador laban kay Pablo.
2Nang si Pablo#24:2 Sa Griyego ay siya. ay tawagin, sinimulan siyang paratangan ni Tertulio, na sinasabi,
“Kagalang-galang na Felix, yamang dahil sa iyo'y nagtamo kami ng matagal na kapayapaan, at dumating ang mga pagbabago sa bansang ito dahil sa iyong pagtanaw sa hinaharap.
3Kinikilala namin ito sa lahat ng mga paraan at sa lahat ng mga dako, na may lubos na pasasalamat.
4Ngunit upang hindi na kayo maabala pa, hinihiling ko sa iyo sa iyong kagandahang-loob na pakinggan mo kami ng ilang sandali.
5Natagpuan namin na ang taong ito'y mapanligalig at mapag-udyok ng kaguluhan sa lahat ng mga Judio sa buong daigdig, at isang pinuno sa sekta ng mga Nazareno.
6Nagtangka pa siya na lapastanganin ang templo ngunit dinakip namin siya.#24:6 Sa ibang mga kasulatan ay nakalagay ito: at ibig namin sanang hatulan siya alinsunod sa aming kautusan.
[7Ngunit dumating ang pangulong pinunong si Lisias at sapilitang inagaw siya sa aming mga kamay, at inutusan ang mga nagbintang sa kanya na humarap sa inyo.]
8Sa pamamagitan ng pagsisiyasat ninyo mismo sa kanya, ang lahat ng mga bagay na ito na isinasakdal namin laban sa kanya ay malalaman ninyo mula sa kanya.”
9At ang mga Judio ay nakisama rin sa pagsasakdal, na sinasabing ang lahat ng mga ito ay totoo.
Nagtanggol si Pablo sa Harapan ni Felix
10Nang siya'y hudyatan ng gobernador upang magsalita, si Pablo ay sumagot:
“Yamang nalalaman ko na ikaw ay naging hukom sa loob ng maraming mga taon sa bansang ito, ay masigla kong gagawin ang aking pagtatanggol.
11Tulad ng nalalaman mo, wala pang labindalawang araw buhat nang ako'y pumunta sa Jerusalem upang sumamba.
12Hindi nila ako natagpuang nakikipagtalo sa kanino o kaya'y nanggugulo sa maraming tao sa templo man o sa mga sinagoga, ni sa lunsod,
13ni hindi rin nila mapapatunayan sa iyo ang mga bagay na ngayo'y kanilang ibinibintang sa akin.
14Ngunit ito ang inaamin ko sa iyo, na ayon sa Daan, na kanilang tinatawag na sekta, ay sinasamba ko ang Diyos ng aming mga ninuno, na pinaniniwalaan ang lahat ng bagay na alinsunod sa kautusan o nasusulat sa mga propeta.
15Ako'y may pag-asa sa Diyos, na siya rin namang inaasahan nila, na magkakaroon ng muling pagkabuhay ng mga matuwid at ng mga hindi matuwid.
16Dahil dito'y lagi akong nagsisikap na magkaroon ng isang malinis na budhi sa Diyos at sa mga tao.
17Nang#Gw. 21:17-28 makaraan ang ilang taon ay naparito ako upang magdala sa aking bansa ng mga limos at mag-alay ng mga handog.
18Samantalang ginagawa ko ito, natagpuan nila ako sa templo na ginagawa ang rituwal ng paglilinis, na walang maraming tao ni kaguluhan.
19Ngunit may ilang Judio roon na galing sa Asia—na dapat naririto sa harapan mo at magsakdal, kung mayroon silang anumang laban sa akin.
20O kaya'y hayaan ang mga tao ring ito na magsabi kung anong masamang gawa ang natagpuan nila nang ako'y tumayo sa harapan ng Sanhedrin,
21maliban#Gw. 23:6 sa isang bagay na ito na aking isinigaw habang nakatayo sa gitna nila, ‘Tungkol sa pagkabuhay ng mga patay ako'y nililitis sa harapan mo sa araw na ito.’”
22Ngunit si Felix, na may wastong kaalaman tungkol sa Daan, ay ipinagpaliban ang pagdinig, na sinasabi, “Paglusong ni Lisias na punong kapitan, magpapasiya ako tungkol sa inyong usapin.”
23At iniutos niya sa senturion na siya'y bantayan at bigyan ng kaunting kalayaan at huwag pagbawalan ang kanyang mga kaibigan na tulungan siya sa kanyang mga pangangailangan.
Iniharap si Pablo kina Felix at Drusila
24Pagkaraan ng ilang mga araw, si Felix ay dumating na kasama si Drusila na kanyang asawa, na isang Judio, at ipinatawag si Pablo, at siya'y pinakinggang magsalita tungkol sa pananampalataya kay Cristo Jesus.
25Samantalang tinatalakay niya ang tungkol sa katuwiran, pagpipigil sa sarili, at sa paghuhukom na darating, nangilabot si Felix at sumagot, “Umalis ka muna ngayon at kapag nagkaroon ako ng pagkakataon ay ipatatawag kita.”
26Kanyang inaasahan din na siya'y bibigyan ni Pablo ng salapi. Kaya't madalas niyang ipinapatawag si Pablo,#24:26 Sa Griyego ay siya. at sa kanya'y nakikipag-usap.
27Ngunit nang matapos na ang dalawang taon, si Felix ay pinalitan ni Porcio Festo; at sa pagnanais na gumawa ng ikasisiya ng mga Judio, ay pinabayaan ni Felix si Pablo sa bilangguan.
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 24: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001