Pagkatapos ay sinabi ng isang anghel ng Panginoon kay Felipe, “Tumindig ka at pumunta patungong timog, sa daang pababa mula sa Jerusalem patungong Gaza.” Ito'y isang ilang na daan. At tumindig nga siya at umalis. May isang lalaking taga-Etiopia, isang eunuko at tagapamahala ni Candace na reyna ng mga taga-Etiopia. Siya ang namamahala ng buong kayamanan ng reyna. Ang eunuko ay nagpunta sa Jerusalem upang sumamba. Siya'y pabalik na at nakaupo sa kanyang karwahe, binabasa niya ang propeta Isaias. Sinabi ng Espiritu kay Felipe, “Lumapit ka at makisakay sa karwaheng ito.” Kaya't tumakbo si Felipe doon, at kanyang narinig na binabasa niya si Isaias na propeta, at sinabi niya, “Nauunawaan mo ba ang binabasa mo?” Sumagot naman ito, “Paano nga ba, malibang may tumulong sa akin?” At kanyang inanyayahan si Felipe na umakyat at maupong kasama niya. Ang bahagi ng kasulatan na binabasa niya ay ito: “Tulad ng tupa na dinala sa katayan; at sa isang kordero na hindi umiimik sa harap ng kanyang manggugupit, gayundin hindi niya ibinubuka ang kanyang bibig. Sa kanyang pagpapakababa ay ipinagkait sa kanya ang katarungan. Sino ang makapaglalarawan sa kanyang lahi? Sapagkat inalis sa lupa ang kanyang buhay.” Sinabi ng eunuko kay Felipe, “Ipinapakiusap ko, tungkol kanino sinasabi ito ng propeta, sa kanya bang sarili, o sa iba?” Nagpasimulang magsalita si Felipe, at simula sa kasulatang ito ay ipinangaral niya sa kanya ang magandang balita ni Jesus. Sa kanilang pagpapatuloy sa daan, nakarating sila sa may tubig, at sinabi ng eunuko, “Tingnan mo, narito ang tubig! Ano ang nakakahadlang upang akoy mabautismuhan?” [At sinabi ni Felipe: Kung nananampalataya ka ng buong puso ay mangyayari. Sumagot siya at sinabi: Sumasampalataya ako na si Jesu-Cristo ay Anak ng Diyos.] Iniutos niyang itigil ang karwahe at lumusong si Felipe at ang eunuko sa tubig. At binautismuhan siya ni Felipe. Nang umahon sila sa tubig, inagaw ng Espiritu ng Panginoon si Felipe; at hindi na siya nakita ng eunuko at nagagalak na nagpatuloy siya sa kanyang lakad. Ngunit natagpuan si Felipe sa Azotus. Sa pagdaraan ay ipinangaral niya ang ebanghelyo sa lahat ng mga bayan hanggang sa makarating siya sa Cesarea.
Basahin MGA GAWA 8
Ibahagi
Ikumpara Lahat ng mga Bersyon: MGA GAWA 8:26-40
Mag-save ng mga taludtod, magbasa offline, manood ng mga clip sa pagtuturo, at higit pa!
Home
Biblia
Mga Gabay
Mga Palabas