Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

MGA GAWA 9:1-19

MGA GAWA 9:1-19 ABTAG01

Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari. Humingi siya sa pinakapunong pari ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem. Sa kanyang paglalakbay, dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit. Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?” Sinabi niya, “Sino ka, Panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig. Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.” Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman. Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco. Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man. Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sinabi niya, “Narito ako, Panginoon.” Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya, at nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kanyang mga kamay sa kanya upang muli niyang tanggapin ang kanyang paningin.” Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, nabalitaan ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem; at siya'y may pahintulot mula sa mga punong pari na gapusin ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.” Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka sapagkat siya'y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel; sapagkat ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.” Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli mong tanggapin ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.” Agad nalaglag mula sa kanyang mata ang bagay na parang mga kaliskis, at nakakita siyang muli. At siya'y tumayo at binautismuhan, at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.