MGA GAWA 9
9
Tinawag si Saulo
(Gw. 22:6-16; 26:12-18)
1Samantala, si Saulo na may masidhing pagbabanta ng kamatayan laban sa mga alagad ng Panginoon ay pumunta sa pinakapunong pari.
2Humingi siya sa pinakapunong pari#9:2 Sa Griyego ay kanya. ng mga sulat para sa mga sinagoga sa Damasco upang kung siya'y makatagpo ng sinumang kabilang sa Daan, mga lalaki o mga babae, ay dadalhin niya silang nakagapos sa Jerusalem.
3Sa kanyang paglalakbay, dumating siya sa malapit sa Damasco, biglang kumislap sa palibot niya ang isang liwanag mula sa langit.
4Bumagsak siya sa lupa at nakarinig ng isang tinig na sa kanya'y nagsasabi, “Saulo, Saulo, bakit mo ako inuusig?”
5Sinabi niya, “Sino ka, Panginoon?” At siya'y sumagot, “Ako si Jesus na iyong inuusig.
6Tumindig ka at pumasok sa lunsod, at sasabihin sa iyo ang dapat mong gawin.”
7Ang mga taong naglalakbay na kasama niya ay hindi makapagsalita, sapagkat naririnig nila ang tinig ngunit walang nakikitang sinuman.
8Tumindig si Saulo mula sa lupa; at pagmulat ng kanyang mga mata, ay wala siyang makita; kaya't kanilang inakay siya sa kamay at ipinasok siya sa Damasco.
9Sa loob ng tatlong araw, siya'y walang paningin at hindi kumain ni uminom man.
10Noon ay may isang alagad sa Damasco na ang pangalan ay Ananias. Sinabi sa kanya ng Panginoon sa isang pangitain, “Ananias.” At sinabi niya, “Narito ako, Panginoon.”
11Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Tumindig ka at pumunta sa lansangang tinatawag na Tuwid. Ipagtanong mo sa bahay ni Judas ang isang lalaking taga-Tarso na ang pangalan ay Saulo. Sa sandaling ito'y nananalangin siya,
12at nakita niya sa pangitain ang isang lalaking ang pangalan ay Ananias na pumapasok, at ipinapatong ang kanyang mga kamay sa kanya upang muli niyang tanggapin ang kanyang paningin.”
13Ngunit sumagot si Ananias, “Panginoon, nabalitaan ko mula sa marami ang tungkol sa lalaking ito, kung gaano katindi ang kasamaang ginawa niya sa iyong mga banal sa Jerusalem;
14at siya'y may pahintulot mula sa mga punong pari na gapusin ang lahat ng mga tumatawag sa iyong pangalan.”
15Ngunit sinabi sa kanya ng Panginoon, “Pumunta ka sapagkat siya'y isang kasangkapang pinili ko upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Hentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel;
16sapagkat ipapakita ko sa kanya kung gaano karaming bagay ang dapat niyang tiisin alang-alang sa aking pangalan.”
17Kaya't umalis si Ananias at pumasok sa bahay. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay kay Saulo#9:17 Sa Griyego ay sa kanya. at sinabi niya, “Kapatid na Saulo, isinugo ako ng Panginoong Jesus na nagpakita sa iyo sa daan sa iyong pagpunta rito upang muli mong tanggapin ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.”
18Agad nalaglag mula sa kanyang mata ang bagay na parang mga kaliskis, at nakakita siyang muli. At siya'y tumayo at binautismuhan,
19at pagkatapos kumain ay muli siyang lumakas. Sa loob ng ilang araw ay kasama siya ng mga alagad na nasa Damasco.
Ang Pangangaral ni Saulo sa Damasco
20Agad niyang ipinangaral sa mga sinagoga si Jesus, na sinasabing siya ang Anak ng Diyos.
21Lahat nang nakarinig sa kanya ay namangha, at nagsabi, “Hindi ba ito ang lalaking pumuksa sa Jerusalem sa mga tumatawag sa pangalang ito? At naparito siya para sa layuning ito, upang sila'y dalhing nakagapos sa harap ng mga punong pari.”
22Ngunit lalo pang naging makapangyarihan sa pangangaral si Saulo, at kanyang nilito ang mga Judio na naninirahan sa Damasco sa pagpapatunay na si Jesus ang Cristo.
23Nang#2 Cor. 11:32, 33 makalipas ang maraming araw, nagbalak ang mga Judiong siya'y patayin.
24Ngunit ang kanilang balak ay nalaman ni Saulo. Kanilang binantayan ang mga pintuan araw at gabi upang siya'y patayin;
25ngunit nang gabi na, kinuha siya ng kanyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kabila ng pader; inihugos siya sa isang tiklis.
Si Saulo sa Jerusalem
26Nang siya'y dumating sa Jerusalem, pinagsikapan niyang makisama sa mga alagad. Silang lahat ay natakot sa kanya sapagkat hindi sila naniniwala na siya'y isang alagad.
27Subalit kinuha siya ni Bernabe, iniharap siya sa mga apostol, isinalaysay sa kanila kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, na nakipag-usap sa kanya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus.
28Kaya't siya'y naging kasa-kasama nila sa Jerusalem,
29na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon. Siya'y nagsalita at nakipagtalo sa mga Helenista at pinagsikapan nilang siya'y patayin.
30Nang malaman ito ng mga kapatid, kanilang inihatid siya sa Cesarea, at siya'y pinapunta sa Tarso.
31Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan at tumatag ang iglesya sa buong Judea, Galilea at Samaria, na namumuhay na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ito ay dumami.
Si Pedro sa Lidda at Joppa
32Sa pagdalaw ni Pedro sa lahat ng dako sa mga mananampalataya, pumunta rin siya sa mga banal na naninirahan sa Lidda.
33Doo'y natagpuan niya ang isang lalaki na ang pangalan ay Aeneas na lumpo at walong taon nang nakaratay.
34Sinabi sa kanya ni Pedro, “Aeneas, pinapagaling ka ni Jesu-Cristo; bumangon ka, at ayusin mo ang iyong higaan.” Agad naman siyang bumangon.
35Siya'y nakita ng lahat ng mga naninirahan sa Lidda at sa Sharon, at sila'y bumaling sa Panginoon.
36Noon ay may isang alagad sa Joppa na ang pangalan ay Tabita, na sa Griyego ay Dorcas.#9:36 Sa Griyego ay may kahulugang babaing usa. Siya'y puspos ng mabubuting gawa at ng pagkakawanggawa.
37Nang mga araw na iyon, siya'y nagkasakit at namatay. Nang siya'y mahugasan na nila, kanilang ibinurol siya sa isang silid sa itaas.
38Sapagkat malapit ang Lidda sa Joppa, nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay naroroon, nagsugo sila sa kanya ng dalawang tao at ipinakiusap sa kanya, “Pumarito ka sa amin sa lalong madaling panahon.”
39Kaagad tumayo si Pedro at sumama sa kanila. Pagdating niya, kanilang inihatid siya sa silid sa itaas. Lahat ng mga babaing balo ay nakatayo sa kanyang tabi at umiiyak, at ipinapakita ang mga kasuotan at iba pang mga damit na ginawa ni Dorcas, noong siya'y kasama pa nila.
40Pinalabas silang lahat ni Pedro, at pagkatapos ay lumuhod at nanalangin siya. Bumaling siya sa bangkay at kanyang sinabi, “Tabita, bumangon ka.” Iminulat niya ang kanyang mga mata, at nang makita niya si Pedro ay naupo siya.
41Iniabot ni Pedro sa kanya ang kanyang kamay at siya'y itinindig. Pagkatapos tawagin ang mga banal at ang mga babaing balo, siya'y iniharap niyang buháy.
42Ito'y napabalita sa buong Joppa at marami ang nanampalataya sa Panginoon.
43Si Pedro#9:43 Sa Griyego ay Siya. ay nanatili sa loob ng maraming araw sa Joppa, na kasama ni Simon na isang tagapagluto ng balat.
Kasalukuyang Napili:
MGA GAWA 9: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001