DANIEL 3:1-18
DANIEL 3:1-18 ABTAG01
Ang haring si Nebukadnezar ay gumawa ng isang rebultong ginto na ang taas ay siyamnapung talampakan, at ang lapad ay siyam na talampakan. Itinayo niya ito sa kapatagan ng Dura, sa lalawigan ng Babilonia. At nagsugo si Haring Nebukadnezar upang tipunin ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga hukom, at ang lahat ng mga pinuno ng mga lalawigan upang pumunta sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar. At nagtipon ang mga tagapangasiwa ng lalawigan, mga kinatawan, mga gobernador, mga hukom, ang mga ingat-yaman, mga tagapayo, mga pinuno at lahat ng pinuno ng mga lalawigan sa pagtatalaga ng rebultong itinayo ng haring si Nebukadnezar. Sila'y tumayo sa harapan ng rebultong itinayo ni Nebukadnezar. At malakas na ipinahayag ng tagapagbalita, “Sa inyo'y ipinag-uutos, O mga bayan, mga bansa, at mga wika, na kapag inyong narinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol at ng iba pang mga panugtog, kayo'y magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto na ipinatayo ng haring si Nebukadnezar. Sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy.” Kaya't sa oras na iyon, nang marinig ng lahat ng mga bayan ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, at ng iba pang mga panugtog, ang lahat ng bayan, mga bansa, at mga wika, ay nagpatirapa at nagsisamba sa rebultong ginto na itinayo ng haring si Nebukadnezar. Kaya't nang panahong iyon ay nagsilapit ang ilang Caldeo, at nagbigay ng mga paratang laban sa mga Judio. Sila'y sumagot at sinabi sa haring si Nebukadnezar, “O hari, mabuhay ka magpakailanman! Ikaw, O hari, ay gumawa ng utos na bawat taong makarinig sa tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog, ay magpapatirapa at sasamba sa rebultong ginto. At sinumang hindi magpatirapa at sumamba ay ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy. May ilang mga Judio na iyong itinalaga sa pamamahala sa lalawigan ng Babilonia na sina Shadrac, Meshac, at Abednego. O hari, ang mga lalaking ito ay hindi nakinig sa iyo. Sila'y hindi naglilingkod sa iyong mga diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na iyong itinayo.” Kaya't sa poot at galit ay ipinag-utos ni Nebukadnezar na dalhin sa kanya sina Shadrac, Meshac, at Abednego. Dinala nga nila ang mga lalaking ito sa harapan ng hari. Sumagot si Nebukadnezar at sinabi sa kanila, “O Shadrac, Meshac, at Abednego, totoo ba na kayo'y hindi naglilingkod sa aking diyos, ni nagsisisamba man sa rebultong ginto na aking itinayo? Mabuti kung kayo'y handa ngayon na magpatirapa at sumamba sa rebultong ginawa ko sa sandaling inyong marinig ang tunog ng tambuli, plauta, alpa, sambuko, salterio, tambol, at ng iba pang mga panugtog. Ngunit kapag kayo'y hindi sasamba, kayo'y kaagad na ihahagis sa gitna ng hurno ng nagniningas na apoy; at sinong diyos ang magliligtas sa inyo sa aking mga kamay?” Sina Shadrac, Meshac, at Abednego ay sumagot sa hari, “O Nebukadnezar, hindi namin kailangang sagutin ka sa bagay na ito. Kung mangyayari na ang aming Diyos na pinaglilingkuran namin ay makapagliligtas sa amin sa hurno ng nagniningas na apoy; ay hayaang iligtas niya kami sa iyong kamay, O hari. Ngunit kung sakali mang hindi, dapat mong malaman, O hari, na hindi kami maglilingkod sa iyong mga diyos, ni sasamba man sa rebultong ginto na iyong ipinatayo.”

