Ito ang mga salitang sinabi ni Moises sa buong Israel sa kabila ng Jordan sa ilang, sa Araba na katapat ng Suf, sa pagitan ng Paran at ng Tofel, Laban, Haserot, at Di-zahab.
Iyon ay labing-isang araw na lakbayin mula sa Horeb kung daraan sa bundok ng Seir hanggang sa Kadesh-barnea.
Nang unang araw ng ikalabing-isang buwan ng ikaapatnapung taon, nagsalita si Moises sa mga anak ni Israel ayon sa lahat ng iniutos ng PANGINOON sa kanya para sa kanila.
Ito ay pagkatapos niyang talunin si Sihon na hari ng mga Amoreo, na naninirahan sa Hesbon, at si Og na hari ng Basan, na naninirahan sa Astarot at sa Edrei.
Sa kabila ng Jordan sa lupain ng Moab, pinasimulan ni Moises na ipaliwanag ang kautusang ito gaya ng sumusunod:
“Ang PANGINOON nating Diyos ay nagsalita sa atin sa Horeb, na nagsasabi, ‘Kayo'y matagal nang naninirahan sa bundok na ito.
Ipagpatuloy ninyo ang inyong paglalakbay at pumunta kayo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, at sa lahat nitong kalapit na lugar, sa Araba na lupaing maburol at sa kapatagan, sa Negeb, at sa baybayin ng dagat, sa lupain ng mga Cananeo, sa Lebanon, hanggang sa malaking ilog ng Eufrates.
Tingnan ninyo, inilagay ko na ang lupain sa harapan ninyo. Pasukin ninyo at angkinin ang lupain na ipinangako ng PANGINOON sa inyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, na ibibigay sa kanila at sa kanilang mga anak pagkamatay nila.’
“At ako'y nagsalita sa inyo nang panahong iyon na sinasabi, ‘Hindi ko kayo kayang dalhing mag-isa.
Pinarami kayo ng PANGINOON ninyong Diyos, at kayo ngayon ay gaya ng mga bituin sa langit sa dami.
Ang PANGINOON na Diyos ng inyong mga ninuno, nawa'y paramihin kayo ng makalibong ulit kaysa ngayon, at kayo nawa'y pagpalain ng gaya ng ipinangako niya sa inyo!
Paano ko madadalang mag-isa ang mabigat na pasan ninyo at ng inyong mga alitan?
Pumili kayo ng mga lalaking matatalino, may pang-unawa at may karanasan mula sa inyong mga lipi, at sila'y aking itatalaga bilang mga pinuno ninyo.’
At kayo'y sumagot sa akin at nagsabi, ‘Ang bagay na iyong sinabi ay mabuting gawin natin.’
Kaya't kinuha ko ang mga pinuno ng inyong mga lipi, mga taong matatalino at may karanasan, at inilagay sila bilang mga pinuno ninyo, na mga pinuno ng libu-libo, mga pinuno ng daan-daan, mga pinuno ng lima-limampu, mga pinuno ng sampu-sampu, at mga pinuno sa inyong mga lipi.
Inutusan ko ang inyong mga hukom nang panahong iyon: ‘Pakinggan ninyo ang mga usapin ng inyong mga kapatid, at hatulan ng matuwid ang tao at ang kanyang kapatid, at ang dayuhan na kasama niya.
Huwag kayong magtatangi ng tao sa paghatol; inyong parehong papakinggan ang hamak at ang dakila; huwag kayong matatakot sa mukha ng tao; sapagkat ang paghatol ay sa Diyos, at ang bagay na napakahirap sa inyo ay inyong dadalhin sa akin, at aking papakinggan.’
Kaya't nang panahong iyon, aking iniutos sa inyo ang lahat ng mga bagay na inyong gagawin.
“Pagkatapos, tayo ay naglakbay mula sa Horeb at ating tinahak ang malawak at nakakatakot na ilang na inyong nakita, sa daang patungo sa lupaing maburol ng mga Amoreo, na gaya ng iniutos ng PANGINOON nating Diyos sa atin, at tayo'y dumating sa Kadesh-barnea.
Aking sinabi sa inyo, ‘Inyong narating ang lupaing maburol ng mga Amoreo na ibinibigay sa atin ng PANGINOON nating Diyos.
Tingnan mo, ibinibigay ng PANGINOON mong Diyos ang lupain sa harapan mo. Akyatin mo, angkinin mo, na gaya ng sinabi sa iyo ng PANGINOONG Diyos ng iyong mga ninuno; huwag kang matakot, o mangamba.’
At lahat kayo'y lumapit sa akin, bawat isa sa inyo, at nagsabi, ‘Tayo'y magsugo ng mga lalaki upang mauna sa atin, upang lihim nilang siyasatin ang lupain, at ibalita sa atin ang daang dapat nating tahakin, at ang mga lunsod na ating daratnan!’
Ang panukala ay minabuti ko at ako'y kumuha ng labindalawang lalaki sa inyo, isang lalaki sa bawat lipi.
Sila'y pumihit at umahon sa lupaing maburol at dumating sa libis ng Escol, at kanilang lihim na siniyasat.
At sila'y kumuha ng bunga ng lupain at ibinaba iyon sa atin, at ibinalita, ‘Ang lupaing ibinibigay sa atin ng PANGINOON ay mabuti.’
“Gayunma'y hindi kayo umakyat, kundi naghimagsik kayo laban sa utos ng PANGINOON ninyong Diyos,
at kayo'y nagbulung-bulungan sa inyong mga tolda, at sinabi, ‘Dahil kinapootan tayo ng PANGINOON, kanyang inilabas tayo sa lupain ng Ehipto upang tayo'y ibigay sa kamay ng mga Amoreo upang tayo'y lipulin.
Saan tayo aahon? Pinapanghina ng ating mga kapatid ang ating puso, na sinasabi, “Nakita namin doon ang mga taong malalaki at matataas kaysa atin. Ang mga bayan ay malalaki at may pader hanggang sa langit, gayundin nakita namin ang mga anak ng Anakim roon.”’
Nang magkagayo'y sinabi ko sa inyo, ‘Huwag kayong mangilabot ni matakot sa kanila.
Ang PANGINOON ninyong Diyos, na nangunguna sa inyo ay siyang makikipaglaban para sa inyo, gaya ng kanyang ginawa para sa inyo sa Ehipto sa inyong harapan,
at sa ilang, na doon ay inyong nakita kung paanong dinala kayo ng PANGINOON ninyong Diyos, na gaya ng pagdadala ng tao sa kanyang anak, sa lahat ng daang inyong nilakaran hanggang sa makarating kayo sa dakong ito.’
Gayunma'y sa kabila ng bagay na ito ay hindi kayo sumampalataya sa PANGINOON ninyong Diyos,
na nanguna sa inyo sa daan, upang ihanap kayo ng dakong mapagtatayuan ng inyong mga tolda na nasa apoy kapag gabi, at nasa ulap kapag araw, upang ituro sa inyo ang daang dapat ninyong lakaran.
PANGINOON
“Nang marinig ng PANGINOON ang inyong mga salita, siya ay nagalit at sumumpa na sinasabi,
‘Wala ni isa man sa mga taong mula sa masamang salinlahing ito ang makakakita ng mabuting lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno