Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

DEUTERONOMIO 21:1-21

DEUTERONOMIO 21:1-21 ABTAG01

“Kung sa lupain na ibinibigay sa iyo ng PANGINOON mong Diyos upang angkinin ay may matagpuang pinatay na nakabulagta sa parang at hindi malaman kung sinong pumatay sa kanya, lalabas ang iyong matatanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinaslang; at ang matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok. Ang matatanda sa bayang iyon ay dadalhin ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa naaararo ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis. Ang mga pari na mga anak ni Levi ay lalapit sapagkat sila ang pinili ng PANGINOON mong Diyos na mangasiwa sa kanya at upang magbasbas sa pangalan ng PANGINOON; at sa pamamagitan ng kanilang salita ay pagpapasiyahan ang bawat pagtatalo at bawat pananakit. At lahat ng matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis; at sila'y sasagot at sasabihin, ‘Ang aming kamay ay hindi nagpadanak ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata na ito'y dumanak. Patawarin mo, O PANGINOON, ang iyong bayang Israel na iyong tinubos, at huwag mong ilagay ang dugong walang sala sa gitna ng iyong bayang Israel, at ang dugo'y ipatatawad sa kanila.’ Gayon mo aalisin ang pagkakasala ng dugong walang sala sa gitna mo, kapag gagawin mo ang matuwid sa paningin ng PANGINOON. “Kapag ikaw ay lumabas upang makipagdigma laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng PANGINOON mong Diyos sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag, at makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae at magkaroon ka ng pagnanais na kunin siya para sa iyo bilang asawa, dadalhin mo siya sa iyong bahay, kanyang aahitan ang kanyang ulo, at gugupitin ang kanyang mga kuko; at kanyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kanya at maninirahan sa iyong bahay. Iiyakan niya ang kanyang ama at ang kanyang ina sa loob ng isang buwan; at pagkatapos noo'y sisiping ka sa kanya. Ikaw ay magiging asawa niya, at siya'y magiging iyong asawa. Kung di mo siya magustuhan ay pababayaan mo siyang pumunta kung saan niya ibig. Ngunit huwag mo siyang ipagbibili para sa salapi, huwag mo siyang ituring na alipin, yamang ipinahiya mo siya. “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa na ang isa'y minamahal, at ang isa'y kinapopootan, at kapwa magkaanak sa kanya ang minamahal at ang kinapopootan, at kung ang naging panganay ay sa kinapopootan, kung gayon sa araw na kanyang itakda na ibigay ang kanyang mga ari-arian bilang pamana sa kanyang mga anak, siya ay hindi pinahihintulutang gawing panganay ang anak ng minamahal na higit sa anak ng kinapopootan na siyang panganay. Dapat niyang kilalaning panganay ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng dalawang bahagi sa lahat ng mayroon siya, sapagkat siya ang pasimula ng kanyang lakas at ang karapatan ng pagkapanganay ay kanya. “Kung ang isang tao ay may anak na matigas ang ulo at mapaghimagsik, at ayaw makinig sa tinig ng kanyang ama, o sa tinig ng kanyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila, hahawakan siya ng kanyang ama at ina at dadalhin sa matatanda sa kanyang bayan, sa pintuang-bayan sa lugar na kaniyang tinatahanan. Kanilang sasabihin sa matatanda sa kanyang bayan, ‘Itong aming anak ay matigas ang ulo at mapaghimagsik at ayaw niyang pakinggan ang aming tinig; siya'y matakaw at maglalasing.’ Kung gayon, ang lahat ng mga lalaki sa kanyang bayan ay babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. Ito'y maririnig ng buong Israel, at sila'y matatakot.