DEUTERONOMIO 3
3
Nilupig ng Israel si Haring Og
(Bil. 21:31-35)
1“Pagkatapos, tayo'y pumihit at umahon sa daang patungo sa Basan, at si Og na hari ng Basan at ang kanyang buong lunsod ay lumabas upang tayo ay harapin, upang makipaglaban sa Edrei.
2Ngunit sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag kang matakot sa kanya, sapagkat ibinigay ko na siya sa iyong kamay, at ang kanyang buong bayan, at ang kanyang lupain. At gagawin mo sa kanya ang gaya ng ginawa mo kay Sihon na hari ng mga Amoreo, na nanirahan sa Hesbon.’
3Ibinigay din ng Panginoon nating Diyos sa ating kamay si Og, na hari ng Basan, at ang buong lunsod niya; at ating pinuksa siya hanggang sa walang natira sa kanya.
4Ating sinakop ang lahat ng kanyang mga lunsod nang panahong iyon; walang lunsod na hindi natin inagaw sa kanila; animnapung lunsod ang buong lupain ng Argob na kaharian ni Og sa Basan.
5Ang lahat ng mga lunsod nito'y napapaligiran ng matataas na pader, mga pintuang-lunsod at mga halang; bukod pa ang napakaraming mga nayong walang pader.
6Pinuksa natin silang lahat, na gaya ng ating ginawa kay Sihon na hari ng Hesbon, ating pinuksa ang bawat lunsod, ang mga lalaki, mga babae, at mga bata.
7Sinamsam natin ang mga hayupan at ang nasamsam sa mga lunsod ay ating dinala.
8Ating sinakop ang lupaing nasa kabila ng Jordan mula sa libis ng Arnon hanggang sa bundok ng Hermon mula sa kamay ng dalawang hari ng mga Amoreo
9(tinatawag ng mga taga-Sidon ang Hermon na Sirion, at ito ay tinatawag ng mga Amoreo na Senir),
10lahat ng mga lunsod sa kapatagan, at ang buong Gilead, at ang buong Basan, hanggang Saleca at Edrei, ang mga lunsod ng kaharian ni Og sa Basan.
11(Sapagkat tanging si Og na hari ng Basan ang natira sa nalabi sa mga Refaim. Ang kanyang higaan ay higaang bakal; hindi ba't ito'y nasa Rabba sa mga anak ni Ammon? Siyam na siko ang haba at apat na siko ang luwang nito, ayon sa karaniwang siko.#3:11 Sa Hebreo ay siko ng isang lalaki.)
Mga Lipi na Nanirahan sa Silangan ng Jordan
(Bil. 32:1-42)
12“Ito ang mga lupaing ating sinakop nang panahong iyon; mula sa Aroer, na nasa gilid ng libis ng Arnon, at kalahati ng lupaing maburol ng Gilead, at ang mga lunsod nito, ay aking ibinigay sa mga Rubenita at sa mga Gadita;
13ang ibang bahagi ng Gilead, at ang buong Basan na kaharian ni Og, ang buong lupain ng Argob, ay aking ibinigay sa kalahating lipi ni Manases. (Ang buong Basan ay tinatawag na lupain ng mga Refaim.
14Sinakop ni Jair na anak ni Manases ang buong lupain ng Argob na ito ng Basan, hanggang sa hangganan ng mga Geshureo at ng mga Macatita; tinawag niya ang mga nayon ayon sa kanyang pangalang Havot-jair hanggang sa araw na ito.)
15At aking ibinigay ang Gilead kay Makir.
16Sa mga Rubenita at sa mga Gadita ay aking ibinigay ang mula sa Gilead hanggang sa libis ng Arnon, na siyang kalahatian ng libis, bilang hangganan niyon hanggang sa ilog Jaboc, na siyang hangganan ng mga anak ni Ammon;
17pati ng Araba at ng Jordan at ng hangganan niyon, mula sa Cineret hanggang sa Dagat ng Araba na Dagat ng Asin, sa ibaba ng gulod ng Pisga sa dakong silangan.
18“At#Jos. 1:12-15 kayo'y aking inutusan nang panahong iyon, na sinasabi, ‘Ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos ang lupaing ito upang angkinin; kayong lahat na mandirigma ay daraang may sandata sa harapan ng inyong mga kapatid na mga anak ni Israel.
19Tanging ang inyong mga asawa at ang inyong mga bata, at ang inyong mga hayop (alam ko na kayo'y mayroong maraming hayop) ang mananatili sa inyong mga lunsod na aking ibinigay sa inyo,
20hanggang sa bigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, na gaya ninyo, at kanilang angkinin din ang lupain na ibinigay sa kanila ng Panginoon ninyong Diyos sa kabila ng Jordan. Pagkatapos ay babalik ang bawat lalaki sa inyo sa kanyang pag-aari na aking ibinigay sa inyo.’
21At aking iniutos kay Josue nang panahong iyon, na sinasabi, ‘Nakita ng iyong mga mata ang lahat ng ginawa ng Panginoon mong Diyos sa dalawang haring ito; gayon ang gagawin ng Panginoon sa lahat ng mga kahariang iyong daraanan.
22Huwag kayong matakot sa kanila sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ang makikipaglaban para sa inyo.’
Hindi Pinapasok si Moises sa Canaan
23“Ako'y#Bil. 27:12-14; Deut. 32:48-52 nanalangin sa Panginoon nang panahon ding iyon, na sinasabi,
24‘O Panginoong Diyos, pinasimulan mong ipakita sa iyong lingkod ang iyong kadakilaan at ang iyong kamay na makapangyarihan: sino ang diyos sa langit o sa lupa ang makakagawa ng tulad sa iyong mga gawa ng iyong kapangyarihan?
25Hinihiling ko sa iyo, patawirin mo ako at nang aking makita ang mabuting lupaing nasa kabila ng Jordan, ang mainam na lupaing maburol at ang Lebanon.’
26Ngunit ang Panginoon ay nagalit sa akin dahil sa inyo, at hindi ako pinakinggan. At sinabi sa akin ng Panginoon, ‘Huwag ka nang magsalita pa sa akin ng tungkol sa bagay na ito.
27Umahon ka sa taluktok ng Pisga at igala mo ang iyong paningin sa dakong kanluran, sa hilaga, sa timog, at sa silangan, at masdan mo sapagkat hindi ka makatatawid sa Jordang ito.
28Ngunit utusan mo si Josue, at palakasin mo ang kanyang loob at patatagin mo siya sapagkat siya'y tatawid na nangunguna sa bayang ito, at kanyang ipapamana sa kanila ang lupain na iyong makikita.’
29Kaya't nanatili tayo sa libis na nasa tapat ng Bet-peor.
Kasalukuyang Napili:
DEUTERONOMIO 3: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001