ECLESIASTES 4
4
Ang Kasamaan ng Tao at ang Pagkakatulad sa Hayop
1Muli kong nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw. Masdan ninyo, ang mga luha ng mga inaapi at walang umaaliw sa kanila! Sa panig ng kanilang maniniil ay may kapangyarihan, at walang umaaliw sa kanila.
2Kaya't aking inisip na ang patay na namatay na, ay higit na mapalad kaysa mga buháy na nabubuhay pa;
3ngunit higit na mabuti kaysa kanila ang hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakita ng masasamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw.
4Nang magkagayo'y nakita ko na lahat ng pagpapagod, at lahat ng kakayahan sa paggawa ay nagmumula sa pagkainggit ng tao sa kanyang kapwa. Ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
5Inihahalukipkip ng hangal ang kanyang mga kamay, at kinakain ang kanyang sariling laman.
6Mas mabuti pa ang isang dakot na katahimikan, kaysa dalawang dakot na punô ng pagpapagod at pakikipaghabulan lamang sa hangin.
7Muli kong nakita ang walang kabuluhan sa ilalim ng araw:
8isang taong nag-iisa, walang anak o kapatid man; gayunma'y walang wakas ang lahat niyang pagpapagod, at ang kanyang mga mata ay hindi nasisiyahan sa mga kayamanan. Kaya't hindi niya itinatanong, “Para kanino ako nagpapagod at pinagkakaitan ko ang aking sarili ng kasiyahan?” Ito man ay walang kabuluhan at malungkot na bagay.
Ang Kahalagahan ng Kaibigan
9Ang dalawa ay mas mabuti kaysa isa; sapagkat sila'y may mabuting gantimpala sa kanilang pagpapagod.
10Sapagkat kung sila'y bumagsak, ibabangon ng isa ang kanyang kasama; ngunit kahabag-habag siya na nag-iisa kapag siya'y bumagsak; at walang iba na magbabangon sa kanya.
11Muli, kung ang dalawa ay mahigang magkasama, may init nga sila; ngunit paanong maiinitan ang nag-iisa?
12At bagaman ang isang tao ay maaaring magtagumpay laban sa iba, ang dalawa ay magtatagumpay laban sa isa. Ang panaling may tatlong pisi ay hindi agad napapatid.
13Mas mabuti ang dukha at pantas na kabataan kaysa matanda at hangal na hari, na hindi na tatanggap pa ng payo,
14bagaman mula sa bilangguan ay makapaghahari siya, o siya'y ipinanganak na dukha sa kanyang sariling kaharian.
15Aking nakita ang lahat ng may buhay na nagsisilakad sa ilalim ng araw, maging ang kabataang tatayo na kapalit niya;
16walang wakas sa lahat ng mga tao na kanyang pinapangunahan. Gayunman, silang darating pagkatapos ay hindi magagalak sa kanya. Tunay na ito man ay walang kabuluhan at pakikipaghabulan sa hangin.
Kasalukuyang Napili:
ECLESIASTES 4: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001