EFESO 6
6
Mga Anak at mga Magulang
1Mga#Co. 3:20 anak, sundin ninyo ang inyong mga magulang sa Panginoon, sapagkat ito'y matuwid.
2“Igalang#Exo. 20:12; Deut. 5:16 mo ang iyong ama at ina”—ito ang unang utos na may pangako,
3“upang maging mabuti ang inyong kalagayan at ikaw ay mabuhay nang matagal sa ibabaw ng lupa.”
4At#Co. 3:21 mga ama, huwag ninyong ibunsod sa galit ang inyong mga anak, kundi akayin ninyo sila sa pagsasanay at pangaral ng Panginoon.
Mga Alipin at mga Panginoon
5Mga#Co. 3:22-25 alipin, sundin ninyo ang inyong mga panginoon sa laman na may takot at panginginig, sa katapatan ng inyong puso, na gaya ng kay Cristo,
6hindi ang paglilingkod sa paningin, na gaya ng pagbibigay-lugod sa mga tao, kundi gaya ng mga alipin ni Cristo, na ginagawa ang kalooban ng Diyos mula sa puso,
7naglilingkod na may mabuting kalooban, na gaya ng paglilingkod sa Panginoon, at hindi sa mga tao,
8yamang nalalaman na anumang mabuting bagay na gawin ng bawat tao, ito ay kanyang muling tatanggapin mula sa Panginoon, maging alipin o malaya.
9At#Co. 4:1; Deut. 10:17; Co. 3:25 mga panginoon, gayundin ang inyong gawin sa kanila, iwasan ang pananakot yamang nalalaman ninyo na kayo ay may iisang Panginoon sa langit, at siya'y walang itinatanging tao.
Ang Buong Kasuotang Pandigma
10Sa kahuli-hulihan, patuloy kayong magpakalakas sa Panginoon, at sa kapangyarihan ng kanyang lakas.
11Isuot ninyo ang buong kasuotang pandigma ng Diyos upang kayo'y makatagal laban sa mga pakana ng diyablo.
12Sapagkat ang ating pakikipaglaban ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pinuno, laban sa mga may kapangyarihan, laban sa mga kapangyarihang di-nakikita na naghahari sa sanlibutan sa kadilimang ito, laban sa hukbong espirituwal ng kasamaan sa kalangitan.
13Kaya't kunin ninyo ang buong baluti ng Diyos, upang kayo'y makatagal sa araw na masama, at kung magawa na ninyo ang lahat ay tumayong matatag.
14Kaya't#Isa. 11:5; Isa. 59:17 tumindig kayo, na ang inyong mga baywang ay nabibigkisan ng katotohanan na suot ang baluti ng katuwiran,
15at#Isa. 52:7 nakasuot sa inyong mga paa ang pagiging handa para sa ebanghelyo ng kapayapaan.
16Kasama ng lahat ng mga ito, taglayin ninyo ang kalasag ng pananampalataya, na sa pamamagitan nito ay inyong masusugpo ang mga nag-aapoy na palaso ng masama.
17At#Isa. 59:17 taglayin ninyo ang helmet ng kaligtasan, at ang tabak ng Espiritu, na siyang salita ng Diyos.
18Manalangin kayo sa Espiritu sa lahat ng panahon sa bawat panalangin at pagsamo. At sa bagay na ito ay maging handa na may buong pagtitiyaga at pagsusumamo para sa lahat ng mga banal.
19Idalangin din ninyo ako upang ako'y pagkalooban ng pananalita sa pagbubukas ng aking bibig, upang ipahayag na may katapangan ang hiwaga ng ebanghelyo,
20na dahil dito ako'y isang sugong may tanikala; upang ito'y aking maipahayag na may katapangan gaya ng nararapat na aking sabihin.
Pangwakas na Pagbati
21At#Gw. 20:4; 2 Tim. 4:12 #Co. 4:7, 8 upang malaman din ninyo ang mga bagay tungkol sa akin at ang aking kalagayan, si Tiquico ang siyang magsasalaysay sa inyo ng lahat ng mga bagay. Siya na aking minamahal na kapatid at tapat na lingkod sa Panginoon.
22Isinusugo ko siya sa inyo para sa bagay na ito, upang malaman ninyo ang mga bagay tungkol sa amin, at upang kanyang pasiglahin ang inyong mga puso.
23Kapayapaan nawa sa mga kapatid, at pag-ibig na may pananampalataya mula sa Diyos Ama at sa Panginoong Jesu-Cristo.
24Ang biyaya nawa'y sumakanilang lahat na mayroong pag-ibig na di-kumukupas sa ating Panginoong Jesu-Cristo.#6:24 Sa ibang mga kasulatan ay mayroong Amen.
Kasalukuyang Napili:
EFESO 6: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001