EXODO 10
10
1Pagkatapos ay sinabi ng Panginoon kay Moises, “Puntahan mo ang Faraon, sapagkat aking pinatigas ang puso niya at ng kanyang mga lingkod, upang aking maipakita itong aking mga tanda sa gitna nila,
2at upang iyong maisalaysay sa mga pandinig ng iyong anak, at sa anak ng iyong anak, kung anong mga bagay ang ginawa ko sa Ehipto, at ang aking mga tandang ginawa sa gitna nila, upang inyong malaman na ako ang Panginoon.”
3Kaya't pinuntahan nina Moises at Aaron ang Faraon at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng mga Hebreo, ‘Hanggang kailan ka tatangging magpakumbaba sa harap ko? Payagan mo nang umalis ang aking bayan, upang sila'y makasamba sa akin.
4Sapagkat kung tatanggihan mong paalisin ang aking bayan, bukas ay magdadala ako ng mga balang sa iyong lupain.
5Kanilang tatakpan ang ibabaw ng lupain, kaya't walang makakakita ng lupa. Kanilang kakainin ang naiwan sa inyo pagkaraan ng yelong ulan at kanilang kakainin ang bawat punungkahoy mo sa parang.
6Ang inyong mga bahay ay mapupuno, ang mga bahay ng lahat mong lingkod, at ang mga bahay ng mga Ehipcio, na hindi nakita ng inyong mga magulang ni ng inyong mga ninuno, mula nang araw na sila'y mapasa daigdig hanggang sa araw na ito.’” At siya'y tumalikod at nilisan ang Faraon.
7Sinabi ng mga lingkod ng Faraon sa kanya, “Hanggang kailan magiging isang bitag sa atin ang taong ito? Hayaan mo nang umalis ang mga taong iyan upang sila'y makapaglingkod sa Panginoon nilang Diyos; hindi mo pa ba nauunawaan na ang Ehipto ay wasak na?”
8Kaya't sina Moises at Aaron ay pinabalik sa Faraon at kanyang sinabi sa kanila, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa Panginoon ninyong Diyos; subalit sinu-sino ang aalis?”
9Sinabi ni Moises, “Kami ay aalis kasama ang aming mga bata at matatanda, kasama ang aming mga anak na lalaki at babae, mga kawan at mga baka, sapagkat kami ay kailangang magdiwang ng isang pista sa Panginoon.”
10Kanyang sinabi sa kanila, “Sumainyo nawa ang Panginoon, kung kayo'y aking papayagan, at ang inyong maliliit na umalis! Tingnan ninyo, mayroon kayong masamang binabalak.
11Hindi, hindi kailanman! Maaaring umalis ang inyong mga kalalakihan at sumamba sa Panginoon, sapagkat iyan ang inyong hinihingi.” At sila'y ipinagtabuyan mula sa harap ng Faraon.
Ang Salot ng mga Balang
12Pagkatapos, sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay sa lupain ng Ehipto, upang dumating dito ang mga balang at kainin ang lahat ng halaman sa lupain, maging ang lahat ng iniwan ng yelong ulan.”
13Kaya't iniunat ni Moises ang kanyang tungkod sa lupain ng Ehipto, at ang Panginoon ay nagpahihip ng hanging amihan sa lupain ng buong araw na iyon at ng buong gabi; at nang mag-umaga ay dinala ng hanging amihan ang mga balang.
14Ang#Apoc. 9:2, 3 mga balang ay lumapag sa buong lupain ng Ehipto at dumagsa sa lahat ng hangganan ng Ehipto; totoong napakakapal ng mga balang na hindi nangyari noon at hindi na mangyayari pa.
15Sapagkat tinakpan ng mga iyon ang ibabaw ng buong lupain, kaya't ang lupain ay nagdilim. Kinain nila ang lahat ng halaman sa lupain at ang lahat na bunga ng mga punungkahoy na iniwan ng yelong ulan at walang natirang anumang sariwang bagay, maging sa punungkahoy o sa halaman sa parang, sa buong lupain ng Ehipto.
16Pagkatapos ay nagmamadaling ipinatawag ng Faraon sina Moises at Aaron at kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos at laban sa inyo.
17Ipatawad mo ang aking kasalanan, ngayon na lamang at hilingin ninyo sa Panginoon ninyong Diyos, ilayo man lamang sa akin ang nakakamatay na bagay na ito.”
18Kaya't iniwan niya ang Faraon at nakiusap sa Panginoon.
19Pinabalik ng Panginoon ang isang napakalakas na hanging habagat na siyang tumangay sa mga balang, at itinaboy ang mga ito sa Dagat na Pula; walang natira kahit isang balang sa buong nasasakupan ng Ehipto.
20Subalit pinatigas ng Panginoon ang puso ni Faraon at hindi niya pinayagang umalis ang mga anak ni Israel.
Ang Salot na Kadiliman
21Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Iunat mo ang iyong kamay paharap sa langit, upang magdilim sa lupain ng Ehipto ng isang kadilimang mararamdaman.”
22Kaya't#Awit 105:28; Apoc. 16:10 iniunat ni Moises ang kanyang kamay paharap sa langit, at nagkaroon ng makapal na kadiliman sa buong lupain ng Ehipto ng tatlong araw.
23Sila'y hindi magkakitaan, at walang tumindig na sinuman sa kinaroroonan niya sa loob ng tatlong araw; ngunit lahat ng mga anak ni Israel ay may liwanag sa kanilang tirahan.
24Ipinatawag ng Faraon si Moises at sinabi, “Humayo kayo, maglingkod kayo sa Panginoon; iwan lamang ninyo ang inyong mga kawan at ang inyong mga baka. Isama na rin ninyo ang inyong mga anak.”
25Ngunit sinabi ni Moises, “Dapat ding magbigay ka sa aming kamay ng mga alay at mga handog na sinusunog upang aming maihandog sa Panginoon naming Diyos.
26Ang aming hayop ay isasama rin namin; wala kahit isang paa na maiiwan, sapagkat kailangang pumili kami ng ilan sa mga iyon para sa pagsamba sa Panginoon naming Diyos. Hindi namin nalalaman kung ano ang aming gagamitin sa pagsamba sa Panginoon, hanggang sa kami ay dumating doon.”
27Subalit pinatigas ng Panginoon ang puso ng Faraon at hindi niya pinayagang umalis sila.
28Sinabi ng Faraon sa kanya, “Umalis ka sa harap ko! Tiyakin mong huwag nang makitang muli ang aking mukha, sapagkat sa araw na iyong makita ang aking mukha ay mamamatay ka.”
29Sinabi ni Moises, “Gaya ng sinabi mo! Hindi ko na muling makikita ang iyong mukha.”
Kasalukuyang Napili:
EXODO 10: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001