Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EXODO 33:7-23

EXODO 33:7-23 ABTAG01

Kinaugalian na ni Moises na dalhin ang tolda at itayo sa labas ng kampo, na malayo sa kampo; kanyang tinawag iyon na toldang tipanan. At bawat maghanap sa PANGINOON ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, na nasa labas ng kampo. Kapag si Moises ay lumalabas patungo sa toldang tipanan, ang buong bayan ay tumatayo, bawat lalaki sa pintuan ng kanyang tolda at pinanonood si Moises hanggang sa makapasok siya sa tolda. At kapag si Moises ay pumapasok sa tolda, bumababa ang haliging ulap at tumitigil sa pintuan ng tolda, at ang PANGINOON ay nakikipag-usap kay Moises. Kapag nakikita ng buong bayan na ang haliging ulap ay tumitigil sa pintuan ng tolda, ang buong bayan ay tumitindig at sumasamba, bawat isa sa pintuan ng kanyang tolda. Sa gayon nakikipag-usap ang PANGINOON kay Moises nang mukhaan, gaya ng pakikipag-usap ng isang tao sa kanyang kaibigan. Kapag siya'y bumabalik uli sa kampo, ang kanyang lingkod na si Josue, anak ni Nun, na may kabataan pa, ay hindi umaalis sa tolda. PANGINOON Sinabi ni Moises sa PANGINOON, “Tingnan mo, iyong sinasabi sa akin, ‘Dalhin mo ang bayang ito,’ ngunit hindi mo ipinakilala sa akin kung sino ang susuguin mo na kasama ko. Gayunma'y iyong sinabi, ‘Aking nakikilala ka sa pangalan, at ikaw rin naman ay nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.’ Ngayon, kung ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin ay ituro mo sa akin ngayon ang iyong mga daan, upang ikaw ay aking makilala, at ako'y makatagpo ng biyaya sa iyong paningin. Alalahanin mo rin na ang bansang ito ay iyong bayan.” Kanyang sinabi, “Ako'y sasaiyo, at ikaw ay aking bibigyan ng kapahingahan.” At sinabi niya sa kanya, “Kung ikaw ay hindi sasaakin, huwag mo na kaming paahunin mula rito. Sapagkat paano ngayon malalaman na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, ako at ang iyong bayan? Hindi ba dahil sa ikaw ay lumalakad na kasama namin, kaya't kami ay naiiba, ako at ang iyong bayan, sa lahat ng bayan sa balat ng lupa?” Sinabi ng PANGINOON kay Moises, “Gagawin ko ang bagay na ito na iyong sinabi, sapagkat ikaw ay nakatagpo ng biyaya sa aking paningin, at ikaw ay aking nakikilala sa pangalan.” Sinabi ni Moises, “Hinihiling ko sa iyo na ipakita mo sa akin ang iyong kaluwalhatian.” At kanyang sinabi, “Aking pararaanin ang lahat kong kabutihan sa harapan mo, at aking ipahahayag ang aking pangalang ‘Ang PANGINOON’ sa harapan mo. Ako'y magkakaloob ng biyaya sa kaninumang aking ibig pagkalooban, at ako'y magpapakita ng habag sa kaninumang aking ibig kahabagan. Ngunit, kanyang sinabi, “Hindi mo maaaring makita ang aking mukha; sapagkat hindi ako maaaring makita ng tao at siya'y mabubuhay.” At sinabi ng PANGINOON, “Masdan mo, may isang dako sa tabi ko, at ikaw ay tatayo sa ibabaw ng bato; at samantalang ang aking kaluwalhatian ay dumaraan, aking ilalagay ka sa isang bitak ng bato, at tatakpan kita ng aking kamay hanggang sa ako'y makaraan. Pagkatapos, aking aalisin ang aking kamay, at iyong makikita ang aking likod; subalit ang aking mukha ay hindi makikita.”