Ang salita ng PANGINOON ay muling dumating sa akin, na sinasabi,
“Anak ng tao, ipaalam mo sa Jerusalem ang kanyang mga kasuklamsuklam.
At sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoong DIYOS sa Jerusalem: Ang iyong pinagmulan at ang iyong kapanganakan ay ang lupain ng Cananeo; ang iyong ama ay Amoreo at ang iyong ina ay Hetea.
Tungkol sa iyong kapanganakan, nang araw na ikaw ay ipanganak ay hindi pinutol ang iyong pusod, o pinaliguan ka man sa tubig upang linisin ka. Ikaw ay hindi pinahiran ng asin o nabalot man.
Walang matang nahabag sa iyo upang gawin ang alinman sa mga bagay na ito bilang pagkahabag sa iyo, kundi ikaw ay inihagis sa kaparangan sapagkat ang iyong pagkatao ay itinakuwil nang araw na ikaw ay ipanganak.
“Nang ako'y dumaan sa tabi mo, nakita kita na tigmak ng sariling dugo. Sa iyong pagkakahiga sa iyong dugo ay sinabi ko sa iyo, ‘Mabuhay ka!
At lumaki ka na parang halaman sa parang.’ Ikaw ay lumaki at tumangkad at naging ganap na babae. Ang iyong dibdib ay nahubog at ang iyong buhok ay lumago; gayunman, ikaw ay hubo at hubad.
“Nang ako'y muling dumaan sa tabi mo, at tumingin sa iyo, ikaw ay nasa panahon na upang umibig. Iniladlad ko ang aking balabal sa iyo, at tinakpan ko ang iyong kahubaran. Oo, ako'y sumumpa at nakipagtipan sa iyo, sabi ng Panginoong DIYOS, at ikaw ay naging akin.
Nang magkagayo'y pinaliguan kita ng tubig at aking nilinis ang dugo na nasa iyo, at pinahiran kita ng langis.
Binihisan din kita ng telang may burda, at sinuotan ng sandalyas na pinong balat, at binigkisan kita ng pinong lino, at binalot kita ng magandang damit.
Ginayakan kita ng mga hiyas, at nilagyan ko ng mga pulseras ang iyong mga kamay, at ng isang kuwintas ang iyong leeg.
At nilagyan ko ng singsing ang iyong ilong, ng mga hikaw ang iyong mga tainga, at ng isang magandang korona ang iyong ulo.
Ikaw ay ginayakan ng ginto at pilak, samantalang ang iyong damit ay yari sa pinong lino, at magandang tela na may burda. Ikaw ay kumain ng mainam na harina, ng pulot, at ng langis. Ikaw ay lumaking napakaganda, at bagay na maging reyna.
Ang iyong kabantugan ay kumalat sa gitna ng mga bansa dahil sa iyong kagandahan; sapagkat naging sakdal ka sa pamamagitan ng kamahalan na aking inilagay sa iyo, sabi ng Panginoong DIYOS.