Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 21

21
Ang Tabak ng Panginoon
1Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak ng tao, humarap ka sa dakong Jerusalem, mangaral ka laban sa mga santuwaryo, at magpropesiya ka laban sa lupain ng Israel.
3Sabihin mo sa lupain ng Israel, Ganito ang sabi ng Panginoon: Narito, ako'y laban sa iyo, aking bubunutin ang aking tabak sa kaluban, at tatanggalin ko sa iyo ang matuwid at ang masama.
4Sapagkat aking tatanggalin sa iyo ang matuwid at ang masama, aking bubunutin ang aking tabak sa kaluban laban sa lahat ng laman mula sa timog hanggang sa hilaga;
5at malalaman ng lahat ng laman na akong Panginoon ang bumunot ng aking tabak sa kaluban at iyon ay hindi na isusuksok pang muli.
6Ngunit, ikaw na anak ng tao, magbuntong-hininga ka na may pagkawasak ng puso at mapait na kalungkutan sa harapan ng kanilang mga paningin.
7Kapag kanilang sinabi sa iyo, ‘Bakit ka nagbubuntong-hininga?’ Iyong sasabihin, ‘Dahil sa mga balita. Kapag ito'y dumating, ang bawat puso ay manlulumo, at ang lahat na kamay ay manghihina. Ang bawat espiritu ay manghihina, at ang lahat na tuhod ay manlalambot na parang tubig. Tingnan mo, ito'y dumarating at mangyayari ito,’” sabi ng Panginoong Diyos.
8Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
9“Anak ng tao, magpahayag ka ng propesiya, at sabihin mo, Ganito ang sabi ng Panginoon, Sabihin mo:
Isang tabak, isang tabak ay hinasa
at kumikinang din ito.
10Ito'y hinasa para sa patayan,
pinakintab upang magliwanag na parang kidlat!
Paano tayo magsasaya?
Ang tungkod ng aking anak ay hinahamak natin
at ang lahat ng pagsupil.
11Ibinigay ang tabak upang pakinangin at upang hawakan; ito'y hinasa at pinakinang upang ibigay sa kamay ng mamamatay.
12Anak ng tao, sumigaw ka at manangis, sapagkat ito'y laban sa aking bayan. Ito'y laban sa lahat ng mga pinuno ng Israel at sila'y ibinigay sa tabak na kasama ng aking bayan. Hatawin mo ang hita!
13Sapagkat iyon ay magiging pagsubok—ano ang magagawa nito kapag hinamak mo ang pamalo?” sabi ng Panginoong Diyos.
14“Kaya't magpahayag ka ng propesiya, anak ng tao. Ipalakpak mo ang iyong mga kamay, at hayaan mong bumaba ang tabak ng dalawang ulit, oo, tatlong ulit, ang tabak para sa mga papatayin. Iyon ay tabak para sa malaking pagpatay na pumapalibot sa kanila,
15upang ang kanilang mga puso ay manlumo, at maraming bumagsak sa kanilang pintuan. Ibinigay ko ang kumikinang na tabak! Ginawa itong parang kidlat, ito'y hinasa upang gamitin sa pagpatay.
16Ipakita mong matalas ang iyong sarili, pumunta ka sa kanan; ihanda mo ang iyong sarili, pumunta ka sa kaliwa, na kung saan man mapaharap ang iyong mukha.
17Akin din namang ipapalakpak ang aking mga kamay, at aking bibigyang kasiyahan ang aking poot; akong Panginoon ang nagsalita.”
Ang Tabak ng Hari ng Babilonia
18Ang salita ng Panginoon ay muling dumating sa akin, na sinasabi,
19“Anak ng tao, magtakda ka ng dalawang daan na panggagalingan ng tabak ng hari ng Babilonia. Silang dalawa ay kapwa lalabas sa isang lupain. Gumawa ka ng daang palatandaan at gawin mo ito sa bukana ng daang patungo sa lunsod.
20Ikaw ay magtakda ng daan para sa tabak na tutungo sa Rabba ng mga anak ni Ammon, at sa Juda sa Jerusalem na may kuta.
21Sapagkat ang hari ng Babilonia ay nakatayo sa pinaghihiwalayan ng daan, sa bukana ng dalawang daan, upang gumamit ng panghuhula. Kanyang iwinawasiwas ang mga pana, siya'y sumasangguni sa mga terafim, kanyang siniyasat ang atay.
22Nasa kanang kamay niya ang kapalaran para sa Jerusalem upang mag-umang ng mga panaksak, upang ibuka ang bibig na may pag-iyak, upang itaas ang tinig sa pagsigaw, upang mag-umang ng mga panghampas sa mga pintuan, upang maglagay ng mga bunton, upang magtayo ng mga toreng pangkubkob.
23Ngunit sa kanila ito ay magiging huwad na panghuhula. Sila'y sumumpa ng may katapatan, ngunit ipinaalala niya sa kanila ang kanilang kasamaan, upang sila'y mahuli.
24“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat inyong ipinaalala ang inyong kasamaan, ang inyong mga pagsuway ay nalantad, at sa lahat ninyong gawa ay nagsilitaw ang inyong mga kasalanan; sapagkat kayo'y naalala, kayo'y huhulihin ng kamay.
25At ikaw, kasuklamsuklam at masamang pinuno ng Israel, na ang araw ay dumating, ang panahon ng iyong huling parusa,
26ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Alisin mo ang putong, at hubarin mo ang korona; hindi mananatiling gayon ang mga bagay. Itaas mo ang mababa at ibaba mo ang mataas.
27Aking wawasakin, wawasakin, wawasakin ko ito, walang maiiwang bakas nito hanggang sa dumating ang may karapatan, at aking ibibigay sa kanya.
Ang Hatol Laban sa mga Ammonita
28“At#Jer. 49:1-6; Ez. 25:1-7; Amos 1:3-15; Sef. 2:8-11 ikaw, anak ng tao, magpropesiya ka, at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos tungkol sa mga Ammonita, at tungkol sa kanilang kasiraan. Sabihin mo, Isang tabak, isang tabak ay binunot para sa pagpatay. Ito ay pinakintab upang kuminang at magliwanag na parang kidlat—
29samantalang sila'y nakakakita sa iyo ng huwad na pangitain, samantalang sila'y humuhula sa iyo ng mga kasinungalingan—upang ipasan sa mga leeg ng masama na ang araw ay dumating, ang panahon ng huling parusa.
30Isuksok mo iyan sa kanyang kaluban. Sa dakong pinaglalangan sa iyo, sa lupain ng kapanganakan mo, hahatulan kita.
31Aking ibubuhos ang aking galit sa iyo at hihipan ka sa pamamagitan ng apoy ng aking poot; at ibibigay kita sa kamay ng mga tampalasang tao na bihasang pumatay.
32Ikaw ay magiging panggatong para sa apoy, at ang iyong dugo ay mabubuhos sa gitna ng lupain. Ikaw ay hindi na maaalala, sapagkat akong Panginoon ang nagsalita.”

Kasalukuyang Napili:

EZEKIEL 21: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in