Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

EZEKIEL 24

24
Ang Talinghaga ng Kumukulong Palayok
1Nang ikasampung araw ng ikasampung buwan ng ikasiyam na taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak#2 Ha. 25:1; Jer. 52:4 ng tao, isulat mo ang pangalan ng araw na ito, ang araw ding ito. Kinubkob ng hari ng Babilonia ang Jerusalem sa araw ding ito.
3At magsalita ka ng isang talinghaga sa mapaghimagsik na sambahayan, at sabihin mo sa kanila, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos:
Magsalang ka ng palayok, isalang mo,
at buhusan mo rin ng tubig;
4ilagay mo rito ang mga piraso ng laman,
lahat ng mabubuting putol, ang hita at ang balikat;
punuin mo ng mga piling buto.
5Kumuha ka ng piling-pili mula sa kawan,
at ibunton mo ang mga kahoy#24:5 Sa Hebreo ay ang mga buto. sa ilalim niyon;
pakuluan mong mabuti;
lutuin mo rin ang mga buto sa loob niyon.
6“Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang madugong lunsod, ang kaldero na may kalawang, at ang kalawang ay hindi naalis doon! Ilabas mo mula roon ang pira-piraso, na walang pamimiling#24:6 o palabunutang. ginawa roon.
7Sapagkat ang dugo na kanyang pinadanak ay nasa gitna pa rin niya. Inilagay niya ito sa lantad na bato; hindi niya ito ibinuhos sa lupa upang tabunan ng alabok.
8Upang pukawin ang aking poot, upang maghiganti, inilagay ko sa lantad na bato ang dugo na kanyang pinadanak upang hindi ito matakpan.
9Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kahabag-habag ang madugong lunsod! Akin ding patataasin ang bunton.
10Ibunton ang kahoy, paningasin ang apoy, pakuluang mabuti ang laman, ihalo ang mga pampalasa, at sunugin ang mga buto.
11Pagkatapos ay ilagay itong walang laman sa mga baga upang ito ay uminit, at ang tanso niyo'y masunog, upang ang dumi niyon ay matunaw roon, upang mawala ang kalawang niyon.
12Ako'y nagpakapagod sa walang kabuluhan, ang makapal nitong kalawang ay hindi naaalis sa pamamagitan ng apoy.
13Ang kalawang niyon ay ang iyong maruming kahalayan. Sapagkat ikaw ay nilinis ko sana at hindi ka nalinis sa iyong karumihan, hindi ka na malilinis pa hanggang sa aking malubos ang aking poot sa iyo.
14Akong Panginoon ang nagsalita, ito'y mangyayari, ito'y aking gagawin. Hindi ako magpipigil, ni magpapatawad, ni magsisisi man. Ayon sa iyong mga lakad at mga gawa ay hahatulan kita, sabi ng Panginoong Diyos.”
Ang Kamatayan ng Asawa ni Ezekiel
15Ang salita ng Panginoon ay dumating din sa akin, na sinasabi,
16“Anak ng tao, narito, malapit ko nang alisin sa iyo sa pamamagitan ng kamatayan ang kaluguran ng iyong mga mata. Gayunma'y hindi ka tatangis, ni iiyak man, ni aagos man ang iyong mga luha.
17Magbuntong-hininga ka, ngunit huwag malakas; huwag mong tangisan ang patay. Itali mo ang iyong putong, at isuot mo ang iyong mga sandalyas sa iyong mga paa. Huwag mong takpan ang iyong mga bigote, at huwag kang kumain ng tinapay ng mga tao.”
18Kinaumagahan, nagsalita ako sa taong-bayan, at kinagabihan ay namatay ang aking asawa. Aking ginawa nang sumunod na umaga ang gaya ng iniutos sa akin.
19At sinabi ng taong-bayan sa akin, “Hindi mo ba sasabihin sa amin kung ano ang kahulugan ng mga bagay na ito sa amin, kung bakit ikaw ay kumikilos ng ganyan?”
20Nang magkagayo'y sinabi ko sa kanila, “Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
21‘Sabihin mo sa sambahayan ni Israel, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, aking lalapastanganin ang aking santuwaryo, ang kapalaluan ng inyong kapangyarihan, ang kaluguran ng inyong mga mata, at naisin ng inyong kaluluwa. Ang inyong mga anak na lalaki at babae na inyong iniwan sa hulihan ay mabubuwal sa pamamagitan ng tabak.
22Inyong gagawin ang gaya ng aking ginawa; hindi ninyo tatakpan ang inyong mga bigote, o kakain man ng tinapay ng mga tao.
23Ang inyong putong ay malalagay sa inyong mga ulo, at ang inyong mga sandalyas sa inyong mga paa. Kayo'y hindi tatangis o iiyak man, kundi kayo'y manlulupaypay sa inyong mga kasamaan, at dadaing sa isa't isa.
24Ganito magiging isang tanda sa inyo si Ezekiel; ayon sa lahat niyang ginawa ay inyong gagawin. Kapag ito'y nangyari, inyong malalaman na ako ang Panginoong Diyos.’
25“At ikaw, anak ng tao, sa araw na iyon nang aking alisin sa kanila ang kanilang lakas, ang kanilang kagalakan at kaluwalhatian, ang kaluguran ng kanilang mga mata, at ang ninanais ng kanilang puso, maging ang kanilang mga anak na lalaki at babae,
26na sa araw na iyon ay darating sa inyo ang isang takas upang iulat sa inyo ang balita.
27Sa araw na iyon ay bubuka ang iyong bibig sa kanya na nakatakas, at ikaw ay magsasalita, at hindi na mapipipi pa. Kaya't ikaw ay magiging isang tanda sa kanila; at kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”

Kasalukuyang Napili:

EZEKIEL 24: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in