EZEKIEL 31
31
Inihambing ang Ehipto sa Sedro
1Nang unang araw ng ikatlong buwan ng ikalabing-isang taon, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak ng tao, sabihin mo kay Faraon na hari ng Ehipto, at sa kanyang karamihan:
“Sino ang iyong kawangis sa iyong kadakilaan?
3Narito, tingnan mo, ikaw ay ihahambing ko sa sedro sa Lebanon,
na may magagandang sanga, at may mayabong na lilim,
at napakataas,
at ang kanyang dulo ay nasa gitna ng mayayabong na sanga.
4Dinidilig siya ng tubig,
pinalalaki siya ng kalaliman,
ang kanyang mga ilog ay umaagos
sa palibot ng kanyang kinatataniman;
at kanyang pinaaagos ang kanyang mga tubig
sa lahat ng punungkahoy sa kagubatan.
5Kaya't ito ay naging napakataas
at higit kaysa lahat ng punungkahoy sa gubat;
at ang kanyang mga sanga ay dumami,
at ang kanyang mga sanga ay humaba,
dahil sa saganang tubig nang kanyang pabugsuan.
6Lahat ng ibon sa himpapawid
ay gumawa ng kanilang mga pugad sa kanyang mga sanga;
at sa ilalim ng kanyang mga sanga
ay nanganak ang lahat ng mga hayop sa parang;
at sa kanyang lilim ay nanirahan
ang lahat ng malalaking bansa.
7Ito ay maganda sa kanyang kadakilaan,
sa haba ng kanyang mga sanga;
sapagkat ang kanyang ugat ay bumaba
hanggang sa saganang tubig.
8Ang#Gen. 2:9 mga sedro sa halamanan ng Diyos ay hindi makapantay sa kanya;
ni ang mga puno ng abeto ay hindi gaya ng kanyang mga sanga,
at ang mga puno ng kastano ay walang halaga
kapag inihambing sa kanyang mga sanga;
walang anumang punungkahoy sa halamanan ng Diyos
na kagaya niya sa kanyang kagandahan.
9Pinaganda ko siya
sa karamihan ng kanyang mga sanga,
kaya't lahat ng punungkahoy sa Eden,
na nasa halamanan ng Diyos, ay nainggit sa kanya.
10Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sapagkat ikaw ay nagpakataas at inilagay niya ang kanyang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at ang kanyang puso ay nagmataas sa kanyang kataasan,
11aking ibibigay siya sa kamay ng makapangyarihan sa mga bansa. Kanyang haharapin siya na gaya ng nararapat sa kanyang kasamaan. Aking pinalayas siya.
12Ang mga dayuhan na siyang kakilakilabot sa mga bansa ang puputol sa kanya at siya'y iiwan. Sa ibabaw ng mga bundok at sa lahat ng mga libis ay malalaglag ang kanyang mga sanga, at ang kanyang mga sanga ay mababali sa tabi ng lahat ng mga ilog ng lupain; ang lahat ng tao sa lupa ay lalayo mula sa kanyang lilim at iiwan siya.
13Sa ibabaw ng kanyang guho ay maninirahan ang lahat ng mga ibon sa himpapawid, at lahat ng mga hayop sa parang ay maninirahan sa ibabaw ng kanyang mga sanga.
14Ito ay upang walang punungkahoy na nasa tabi ng mga tubig ang lumago ng napakataas, o maglagay man ng kanilang dulo sa gitna ng mayayabong na sanga, at walang puno na umiinom ng tubig ang makaabot sa kanilang kataasan, sapagkat silang lahat ay ibinigay na sa kamatayan, sa pinakamalalim na bahagi ng lupa, sa gitna ng mga taong may kamatayan, na kasama ng nagsibaba sa hukay.
15“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapag siya'y bumaba sa Sheol ay patatangisin ko ang kalaliman dahil sa kanya, at pipigilin ko ang mga ilog niya; at ang mga malalaking ilog ay titigil. Aking daramtan ng panangis ang Lebanon dahil sa kanya at ang lahat na punungkahoy sa parang ay manlulupaypay dahil sa kanya.
16Aking yayanigin ang mga bansa sa ugong ng kanyang pagkabuwal, aking ihahagis siya sa Sheol na kasama ng nagsibaba sa hukay; at ang lahat ng punungkahoy sa Eden, ang pili at pinakamahusay ng Lebanon, lahat ng nagsisiinom ng tubig ay maaaliw sa pinakamalalim na bahagi ng lupa.
17Sila rin nama'y magsisibaba sa Sheol na kasama niya, sa kanila na napatay ng tabak; oo, silang naninirahan sa kanyang lilim sa gitna ng mga bansa ay mamamatay.
18Sino sa inyo ang gaya ng punungkahoy sa Eden sa kaluwalhatian at sa kadakilaan? Ibababa ka na kasama ng mga punungkahoy sa Eden sa pinakamalalim na bahagi ng lupa. Ikaw ay hihigang kasama ng mga di-tuli, na kasama nila na napatay ng tabak.
“Ito'y si Faraon at ang lahat niyang karamihan, sabi ng Panginoong Diyos.”
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 31: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001