EZEKIEL 38
38
Ang Pahayag Laban sa Gog
1Ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi,
2“Anak#Apoc. 20:8 ng tao, humarap ka sa dako ni Gog, sa lupain ng Magog, na pangunahing pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal, at magsalita ka ng propesiya laban sa kanya,
3at iyong sabihin, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Narito, ako'y laban sa iyo, O Gog, na pinuno ng Rosh, Meshec at Tubal.
4Paiikutin kita at kakawitan ko ng mga pangbingwit ang iyong mga panga. Ilalabas kita kasama ng iyong buong hukbo, mga kabayo at mga mangangabayo, silang lahat na may sandata na napakalaking pulutong, na may sinturon, kalasag, at mga tabak.
5Ang Persia, Etiopia, at Put ay kasama nila; silang lahat ay may kalasag at helmet;
6ang Gomer at ang lahat niyang mga pulutong; ang Bet-togarmah mula sa mga pinakadulong bahagi ng hilaga, at lahat niyang mga pulutong—maraming bayan ang kasama mo.
7“Humanda ka at manatiling handa, ikaw at ang buong hukbo na natipon sa palibot mo, at maging bantay ka nila.
8Pagkatapos ng maraming araw ay tatawagin ka. Sa mga huling taon ay hahayo ka laban sa lupain na ibinalik mula sa digmaan, ang lupain na ang mga bayan ay natipon mula sa mga bundok ng Israel, na naging laging giba. Ang mga bayan nito ay kinuha mula sa mga bansa at silang lahat ay naninirahan ngayong tiwasay.
9Ikaw ay sasampa, ikaw ay darating na parang bagyo; ikaw ay magiging parang ulap na tatakip sa lupain, ikaw at ang lahat mong mga pulutong, at ang maraming tao na kasama mo.
10“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na iyon, may mga bagay na darating sa iyong kaisipan, at ikaw ay magbabalak ng masamang panukala.
11At iyong sasabihin, ‘Ako'y aahon laban sa lupaing may mga nayong walang pader. Ako'y darating sa isang tahimik na bayan na naninirahang tiwasay, silang lahat na naninirahang walang pader, at wala kahit mga halang o mga pintuan man;’
12upang kumuha ng samsam at magdala ng nakaw, upang wasakin ang mga gibang dako na tinatahanan ngayon, at ang bayan na tinipon mula sa mga bansa, na nagkaroon ng mga hayop at mga ari-arian, na nagsisitahan sa gitna ng daigdig.
13Ang Seba, Dedan, ang mga mangangalakal sa Tarsis at ang lahat nitong mga nayon, ay magsasabi sa iyo, ‘Naparito ka ba upang kumuha ng samsam? Tinipon mo ba ang iyong pulutong upang kumuha ng samsam, upang magdala ng pilak at ginto, upang magdala ng mga hayop at mga ari-arian, upang kumuha ng malaking samsam?’
14“Kaya't anak ng tao, ikaw ay magsalita ng propesiya, at sabihin mo kay Gog, Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Sa araw na ang aking bayang Israel ay naninirahang tiwasay, di mo ba malalaman?
15Ikaw ay darating mula sa iyong dako, mula sa mga kadulu-duluhang bahagi ng hilaga, ikaw at ang maraming tao na kasama mo, silang lahat na nakasakay sa mga kabayo, isang malaking pulutong at makapangyarihang hukbo.
16Ikaw ay aahon laban sa aking bayang Israel, gaya ng ulap na tumatakip sa lupain. Sa mga huling araw, dadalhin kita laban sa aking lupain, upang makilala ako ng mga bansa, kapag sa pamamagitan mo, O Gog, ay pinatunayan ko ang aking kabanalan sa harapan ng kanilang mga mata.
17“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ikaw ba ang aking kinausap noong una sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta ng Israel, na nagsalita ng propesiya nang mga araw na iyon sa loob ng maraming taon na aking dadalhin ka laban sa kanila?
18Ngunit sa araw na iyon, kapag si Gog ay pumaroon laban sa lupain ng Israel, ang aking poot ay mag-aalab, sabi ng Panginoong Diyos.
19Sapagkat sa aking paninibugho at sa aking nag-aalab na poot ay nagpahayag ako, tunay na sa araw na iyon ay magkakaroon ng malaking panginginig sa lupain ng Israel.
20Ang mga isda sa dagat, ang mga ibon sa himpapawid, ang mga hayop sa parang, at lahat ng gumagapang na bagay sa ibabaw ng lupa, at lahat ng tao na nasa ibabaw ng lupa, ay manginginig sa aking harapan. Ang mga bundok ay maguguho at ang matatarik na dako ay guguho, at bawat pader ay babagsak sa lupa.
21Aking ipatatawag sa lahat ng aking mga bundok ang tabak laban sa kanya, sabi ng Panginoong Diyos; ang tabak ng bawat lalaki ay magiging laban sa kanyang kapatid.
22Hahatulan ko siya sa pamamagitan ng salot at pagdanak ng dugo. Pauulanan ko siya, ang kanyang mga pulutong, at ang maraming bayan na kasama niya ng napakalakas na ulan at ng malalaking yelo, ng apoy, at ng asupre.
23Kaya't aking ipapakita ang aking kadakilaan at kabanalan at ipapakilala ang aking sarili sa paningin ng maraming bansa. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 38: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001