EZEKIEL 43
43
Ang Bahay ay Napuno ng Kaluwalhatian ng Panginoon
1Pagkatapos ay dinala niya ako sa pintuang-daan, ang pintuang-daang nakaharap sa dakong silangan.
2At#Ez. 10:3, 4, 18, 19; 11:22, 23; Apoc. 1:15 narito, ang kaluwalhatian ng Diyos ng Israel ay nanggagaling sa dakong silangan. Ang kanyang tinig ay gaya ng lagaslas ng maraming tubig, at ang lupa ay nagningning sa kanyang kaluwalhatian.
3Ang pangitain na aking nakita ay gaya ng pangitain na nakita ko nang ako'y dumating upang gibain ang lunsod, at gaya ng pangitain na aking nakita sa tabi ng Ilog Chebar; at ako'y nasubasob.
4At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay pumasok sa bahay sa pintuang-daang nakaharap sa silangan,
5itinaas ako ng Espiritu, at dinala ako sa pinakaloob na bulwagan; at narito, napuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang bahay.
6Habang ang lalaki ay nakatayo sa tabi ko, aking narinig ang isang nagsasalita sa akin mula sa bahay.
7At sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ito ang lugar ng aking trono, at lugar ng mga talampakan ng aking mga paa, na aking tinatahanan sa gitna ng mga anak ni Israel magpakailanman. Hindi na lalapastanganin pa ng sambahayan ni Israel ang aking banal na pangalan, nila man, o ng kanilang mga hari man, ng kanilang pagiging bayarang babae,#43:7 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. at ng mga bangkay man ng kanilang mga hari, kung sila'y mamatay,
8sa kanilang paglalagay ng kanilang pasukan sa tabi ng aking pasukan, at ng kanilang mga haligi ng pintuan sa tabi ng aking mga haligi ng pintuan, na mayroon lamang pader sa pagitan ko at nila. Kanilang nilapastangan ang aking banal na pangalan sa pamamagitan ng kanilang mga kasuklamsuklam na kanilang ginawa; kaya't aking tinupok sila sa aking galit.
9Ngayon nga'y iwan nila ang kanilang pagiging bayarang babae,#43:9 o babaing nagbibili ng panandaliang aliw. at ilayo sa akin ang mga bangkay ng kanilang mga hari, at ako'y tatahan sa gitna nila magpakailanman.
10“Ikaw, anak ng tao, ilarawan mo sa sambahayan ni Israel ang anyo at plano ng bahay, upang sila'y mapahiya sa kanilang mga kasamaan, at hayaang sukatin nila ang plano.
11Kung sila'y mapahiya sa lahat nilang ginawa, ilarawan mo ang anyo ng bahay, ang gusali, ang mga labasan at mga pasukan niyon, at ang buong anyo niyon. Ipaalam mo sa kanila ang lahat ng mga tuntunin niyon; at lahat ng kautusan niyon, at iyong isulat iyon sa kanilang paningin, upang kanilang maingatan ang buong anyo at ang lahat ng mga tuntunin ay maisagawa nila.
12Ito ang kautusan tungkol sa bahay: ang buong nasasakupan sa palibot ng taluktok ng bundok ay magiging kabanal-banalan. Narito, ito ang kautusan tungkol sa bahay.
Ang Dambana
13“Ang#Exo. 27:1, 2; 2 Cro. 4:1 mga ito ang sukat ng dambana ayon sa mga siko (ang siko ay isang siko at isang lapad ng kamay): ang patungan ay isang siko ang taas, at ang luwang ay isang siko, at ang gilid niyon sa palibot ay isang dangkal. At ito ang magiging taas ng dambana:
14mula sa patungan sa lupa hanggang sa mababang palapag ay dalawang siko at ang luwang ay isang siko; at mula sa mababang palapag hanggang sa higit na mataas na palapag ay apat na siko, at ang luwang ay isang siko.
15Ang apuyan ng dambana ay apat na siko; at mula sa apuyan ng dambana hanggang sa dakong itaas ay may apat na sungay.
16At ang apuyan ng dambana ay magiging parisukat, labindalawang siko ang haba at labindalawang siko ang luwang.
17Ang patungan niyon ay parisukat din, labing-apat na siko ang haba at labing-apat na siko ang luwang. Ang gilid sa palibot ay magiging kalahating siko, at ang patungan niyon ay magiging isang siko sa palibot. Ang mga baytang niyon ay paharap sa silangan.”
Ang Pagtatalaga sa Dambana
18 #
Exo. 29:35-37
Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ito ang mga tuntunin para sa dambana: Sa araw na ito'y kanilang itayo, upang paghandugan sa ibabaw ng mga handog na sinusunog, at upang pagwisikan ng dugo,
19iyong ibibigay sa mga paring Levita mula sa angkan ni Zadok na lumalapit sa akin upang maglingkod, ang isang guyang baka bilang handog pangkasalanan, sabi ng Panginoong Diyos.
20At kukuha ka ng dugo niyon, at ilalagay mo sa apat na sungay niyon, at sa apat na sulok ng patungan, at sa laylayan sa palibot: ganito mo lilinisin iyon at tutubusin ito.
21Iyo rin namang kukunin ang batang toro na handog pangkasalanan, at susunugin mo sa itinakdang lugar ng bahay, sa labas ng banal na lugar.
22At sa ikalawang araw ay maghahandog ka ng kambing na lalaki na walang kapintasan na bilang handog pangkasalanan; at ang dambana ay malilinis gaya ng kanilang pagkalinis sa pamamagitan ng guyang toro.
23Pagkatapos mong malinis ito, maghahandog ka ng isang batang toro na walang kapintasan, at isang lalaking tupa na mula sa kawan na walang kapintasan.
24Ihahandog mo ang mga yaon sa harapan ng Panginoon, at wiwisikan ng asin ang mga iyon ng mga pari, at kanilang ihahandog bilang handog na sinusunog sa Panginoon.
25Pitong araw na maghahanda ka sa bawat araw ng isang kambing bilang handog pangkasalanan. Maghahanda rin sila ng batang toro, at isang lalaking tupang mula sa kawan, na walang kapintasan.
26Pitong araw na kanilang tutubusin ang dambana at lilinisin; gayon din nila itatalaga.
27At kapag kanilang naganap ang mga araw na ito, mangyayari na sa ikawalong araw at sa haharapin, maghahandog sa dambana ang mga pari ng inyong mga handog na sinusunog at ang inyong mga handog pangkapayapaan; at aking tatanggapin kayo, sabi ng Panginoong Diyos.”
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 43: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001