EZEKIEL 7
7
Dumating na ang Wakas
1Bukod dito'y, ang salita ng Panginoon ay dumating sa akin, na sinasabi:
2“O anak ng tao, ganito ang sabi ng Panginoong Diyos sa lupain ng Israel: Wakas na! Ang wakas ay dumating na sa apat na sulok ng lupain.
3Ngayon ang wakas ay sumasaiyo, at aking pararatingin ang aking galit sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad; at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
4Hindi ka patatawarin ng aking mata, o kahahabagan man kita, kundi aking parurusahan ka dahil sa iyong mga ginagawa, habang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa iyong kalagitnaan. At iyong malalaman na ako ang Panginoon.
5“Ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Kapahamakan, tanging kapahamakan: Narito, ito'y dumarating.
6Ang wakas ay dumating na, ang wakas ay dumating na; ito'y gumigising laban sa iyo. Narito, ito'y dumarating.
7Ang iyong kapahamakan ay dumating na sa iyo, O naninirahan sa lupain. Ang panahon ay dumating na, ang araw ay malapit na, araw ng pagkakagulo, at hindi ng kagalakang may sigawan sa ibabaw ng mga bundok.
8Malapit ko na ngayong ibuhos sa iyo ang aking poot, at aking uubusin ang aking galit laban sa iyo, at hahatulan kita ayon sa iyong mga lakad, at dadalhin ko sa iyo ang lahat ng iyong kasuklamsuklam.
9Ang aking mata ay hindi magpapatawad, o mahahabag man ako. Parurusahan kita ayon sa iyong mga lakad; samantalang ang iyong mga kasuklamsuklam ay nasa kalagitnaan mo. At inyong malalaman na ako ang Panginoon na nananakit.
10“Narito ang araw! Narito, dumarating ito. Ang iyong kapahamakan ay dumating na, ang tungkod#7:10 o ang kawalan ng katarungan. ay namulaklak, ang kapalaluan ay sumibol.
11Ang karahasan ay tumubo na naging pamalo ng kasamaan. Walang malalabi sa kanila, wala kahit sa mga tao, ni kayamanan man, at hindi magkakaroon ng karangalan sa kanila.
12Ang panahon ay dumating na, ang araw ay nalalapit. Huwag magalak ang mamimili, o tumangis man ang nagtitinda, sapagkat ang poot ay nasa lahat nilang karamihan.
13Gayon nga hindi na babalikan ng nagtitinda ang kanyang ipinagbili, habang sila'y buháy pa. Sapagkat ang pangitain ay nasa lahat nilang karamihan. Hindi iyon babalik; at dahil sa kanyang kasamaan, walang makapagpapanatili ng kanyang buhay.
14“Hinipan na nila ang trumpeta at naihanda na ang lahat. Ngunit walang pumaroon sa labanan sapagkat ang aking poot ay laban sa lahat nilang karamihan.
15Ang tabak ay nasa labas, ang salot at ang taggutom ay nasa loob. Siyang nasa parang ay namatay sa tabak; at siyang nasa lunsod ay nilamon ng taggutom at salot.
16At kung makatakas ang sinumang nakaligtas, sila'y mapupunta sa mga bundok, na parang mga kalapati sa mga libis. Silang lahat ay tumatangis, bawat isa dahil sa kanyang kasamaan.
17Lahat ng mga kamay ay manghihina, at lahat ng mga tuhod ay manlalata gaya ng tubig.
18Sila'y nagbigkis ng damit-sako at sinakluban sila ng pagkatakot. Ang pagkahiya ay nasa lahat ng mukha, at ang pagkakalbo sa lahat nilang ulo.
19Kanilang inihahagis ang kanilang pilak sa mga lansangan, at ang kanilang ginto ay magiging parang isang maruming bagay. Ang kanilang pilak at ginto ay hindi makapagliligtas sa kanila sa araw ng poot ng Panginoon. Hindi nila mapapawi ang kanilang pagkagutom o mabubusog man ang kanilang mga tiyan, sapagkat iyon ay katitisuran ng kanilang kasamaan.
20Ang kanilang magandang panggayak ay ginamit nila sa kahambugan, at ang mga ito'y ginawa nilang mga larawang kasuklamsuklam at karumaldumal na mga bagay. Kaya't gagawin ko ito na maruming bagay para sa kanila.
21At aking ibibigay ito sa mga kamay ng mga dayuhan bilang biktima, at sa masasama sa lupa bilang samsam; at kanilang lalapastanganin ito.
22Tatalikuran ko sila, at kanilang lalapastanganin ang aking lihim na dako. Ang mga magnanakaw ay magsisipasok doon at lalapastanganin.
23Gumawa ka ng tanikala! “Sapagkat ang lupain ay punô ng madudugong krimen, at ang lunsod ay punô ng karahasan.
24Kaya't aking dadalhin ang pinakamasasama sa mga bansa upang angkinin ang kanilang mga bahay. Aking wawakasan ang kanilang palalong kalakasan, at ang kanilang mga dakong banal ay lalapastanganin.
25Kapag dumating ang kapighatian, sila'y maghahanap ng kapayapaan, ngunit hindi magkakaroon.
26Sunud-sunod na darating ang kapahamakan at bulung-bulungan. Maghahanap sila ng pangitain mula sa propeta; ngunit ang kautusa'y nawawala mula sa pari, at ang payo mula sa matatanda.
27Ang hari ay tatangis, at ang pinuno ay madadamitan ng pagkatakot, at ang mga kamay ng mga tao ng lupain ay manginginig.#7:27 Sa Hebreo ay malulumpo sa takot. Aking gagawin sa kanila ang ayon sa kanilang lakad, at ayon sa kanilang kahatulan ay hahatulan ko sila. At kanilang malalaman na ako ang Panginoon.”
Kasalukuyang Napili:
EZEKIEL 7: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001