GENESIS 44
44
Ang Nawawalang Kopa
1Iniutos niya sa katiwala ng kanyang bahay, “Punuin mo ng mga pagkain ang mga sako ng mga lalaking ito, hangga't madadala nila, at ilagay ang salapi ng bawat isa sa ibabaw ng kanyang sako.
2Ilagay mo ang aking kopang pilak sa ibabaw ng sako ng bunso, at ang kanyang salapi para sa trigo.” Ginawa niya ang ayon sa sinabi ni Jose.
3Nang nagliliwanag na ang umaga, isinugo na ang mga lalaki, kasama ang kanilang mga asno.
4Nang sila'y makalabas na sa bayan, at hindi pa sila nakakalayo, sinabi ni Jose sa katiwala ng kanyang bahay, “Bumangon ka, habulin mo ang mga lalaki, at kapag sila'y inabutan mo, ay sabihin mo sa kanila, ‘Bakit ginantihan ninyo ng kasamaan ang kabutihan? Bakit ninyo ninakaw ang aking kopang pilak?#44:4 Sa ibang mga kasulatan ay walang Bakit ninyo ninakaw ang aking kopang pilak?
5Hindi ba ito ang kopang iniinuman ng aking panginoon, at sa pamamagitan nito siya ay nanghuhula? Kayo'y gumawa ng masama sa paggawa ng ganyan.’”
6Nang kanyang abutan sila, kanyang sinabi sa kanila ang mga salitang ito.
7Kanilang sinabi sa kanya, “Bakit sinabi ng aking panginoon ang mga salitang ito? Malayong gagawa ang iyong mga lingkod ng ganyang bagay.
8Tingnan mo, ang salapi na aming natagpuan sa ibabaw ng aming mga sako ay aming isinauli sa iyo mula sa lupain ng Canaan. Paano naming mananakaw ang pilak at ginto sa bahay ng iyong panginoon?
9Maging kanino man ito matagpuan sa iyong mga lingkod, siya ay mamatay, at pati kami ay magiging alipin ng aming panginoon.”
10Kanyang sinabi, “Mangyari ayon sa inyong mga salita; maging kanino man ito matagpuan ay magiging aking alipin; at kayo'y pawawalang-sala.”
11Nang magkagayo'y nagmadali sila, ibinaba ng bawat isa ang kanyang sako sa lupa, at binuksan ng bawat isa ang kanyang sako.
12Kanyang sinaliksik, simula sa panganay hanggang sa bunso, at natagpuan ang kopa sa sako ni Benjamin.
13Kaya't kanilang pinunit ang kanilang mga suot, at kinargahan ng bawat isa ang kanyang asno, at bumalik sa bayan.
14Nang si Juda at ang kanyang mga kapatid ay dumating sa bahay ni Jose, siya'y nandoon pa, at sila'y nagpatirapa sa lupa sa harapan niya.
15Sinabi ni Jose sa kanila, “Ano itong ginawa ninyo? Hindi ba ninyo nalalaman na ang isang taong gaya ko ay makapanghuhula?”
16Sinabi ni Juda, “Anong aming sasabihin sa aming panginoon? Anong aming sasalitain? O paanong kami ay makakapangatuwiran? Natagpuan ng Diyos ang kasamaan ng iyong mga lingkod. Narito, kami ay mga alipin ng aming panginoon, kami pati na ang kinatagpuan ng kopa.”
17At kanyang sinabi, “Malayo nawa sa akin ang gumawa nito; ang taong kinatagpuan ng kopa ay siyang magiging aking alipin, at kayo ay umuwing may kapayapaan sa inyong ama.”
Nakiusap si Juda para kay Benjamin
18Nang magkagayo'y lumapit si Juda sa kanya, at sinabi, “O panginoon ko, pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita sa pandinig ng aking panginoon, at huwag nawang magningas ang iyong galit laban sa iyong lingkod, sapagkat ikaw ay kagaya ng Faraon.
19Tinanong ng aking panginoon ang kanyang mga lingkod, na sinasabi, ‘Kayo ba'y mayroong ama o kapatid?’
20At aming sinabi sa aking panginoon, ‘Kami ay may ama, isang matanda, at isang anak sa kanyang katandaan, at ang kanyang kapatid ay patay na, at siya lamang ang naiwan ng kanyang ina, at minamahal siya ng kanyang ama.’
21Sinabi mo sa iyong mga lingkod, ‘Dalhin ninyo siya sa akin, upang makita ko siya.’
22Aming sinabi sa aking panginoon, ‘Hindi maiiwan ng bata ang kanyang ama, at kung iiwan niya ang kanyang ama, ang kanyang ama ay mamamatay.’
23At sinabi mo sa iyong mga lingkod, ‘Kapag ang bunso ninyong kapatid ay hindi bumabang kasama ninyo, hindi na ninyo ako makikitang muli.’
24Nang kami'y bumalik sa iyong lingkod na aking ama, aming sinabi sa kanya ang mga salita ng aking panginoon.
25Nang sinabi ng aming ama, ‘Pumaroon kayong muli; bumili kayo ng kaunting pagkain para sa atin,’
26ay aming sinabi, ‘Hindi kami makakababa. Kung ang aming bunsong kapatid ay kasama namin, ay bababa kami. Sapagkat hindi namin makikita ang mukha ng lalaking iyon, malibang ang aming bunsong kapatid ay kasama namin.’
27Sinabi ng iyong lingkod na aming ama sa amin, ‘Nalalaman ninyo na ang aking asawa ay nagkaanak sa akin ng dalawang lalaki;
28ang isa'y umalis sa akin, at aking sinabi, tiyak na siya'y nilapa; at hindi ko na siya nakita mula noon.
29Kung inyong kukunin pa ang isang ito sa akin, at may mangyaring sakuna sa kanya, ay inyong ibababa ang aking uban sa Sheol na may kapanglawan.’
30Kaya't ngayon, kung ako'y dumating sa iyong lingkod na aking ama, at ang bata ay hindi namin kasama, yamang ang kanyang buhay ay nakatali sa buhay ng batang iyan;
31kapag kanyang nakitang ang bata ay di kasama, siya ay mamamatay at ibababa ng inyong mga lingkod ang mga uban ng iyong lingkod na aming ama sa Sheol na may kapanglawan.
32Sapagkat ang iyong lingkod ang siyang naging panagot sa bata sa aking ama, na nagsasabi, ‘Kapag hindi ko siya dinala sa iyo, papasanin ko ang sisi ng aking ama magpakailanman.’
33Kaya't ngayon, hinihiling ko na ipahintulot mo na ang iyong lingkod ang maiwan bilang isang alipin sa aking panginoon sa halip na ang bata at iyong ipahintulot na ang bata ay umahong kasama ng kanyang mga kapatid.
34Sapagkat paano ako makakapunta sa aking ama kung ang bata'y hindi kasama? Takot akong makita ang kasamaang darating sa aking ama.”
Kasalukuyang Napili:
GENESIS 44: ABTAG01
Haylayt
Ibahagi
Kopyahin
Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in
©Philippine Bible Society, 2001