Logo ng YouVersion
Hanapin ang Icon

HEBREO 13

13
Paglilingkod na Kaaya-aya sa Diyos
1Ipagpatuloy ninyo ang pag-iibigang magkakapatid.
2Huwag#Gen. 18:1-8; 19:1-3 ninyong kalimutan ang magpatulóy ng mga dayuhan, sapagkat sa paggawa nito ang iba ay nakapagpatulóy na ng mga anghel nang hindi nila namamalayan.
3Alalahanin ninyo ang mga bilanggo na parang kayo'y nakabilanggong kasama nila; ang mga inaapi na parang kayo na rin sa katawan.
4Maging marangal sa lahat ang pag-aasawa, at huwag dungisan ang higaan, sapagkat ang mga nakikiapid at ang mga mangangalunya ay hahatulan ng Diyos.
5Umiwas#Deut. 31:6, 8; Jos. 1:5 kayo sa pag-ibig sa salapi at kayo'y masiyahan na kung anong mayroon kayo, sapagkat sinabi niya, “Sa anumang paraan ay hindi kita iiwan, o pababayaan man.”
6Kaya't#Awit 118:6 (LXX) panatag nating masasabi,
“Ang Panginoon ang aking katulong; hindi ako matatakot:
Anong magagawa sa akin ng tao?”
7Alalahanin ninyo ang mga namumuno sa inyo, silang nagsalita sa inyo ng salita ng Diyos; tingnan ninyo ang kinalabasan ng kanilang pamumuhay, tularan ninyo ang kanilang pananampalataya.
8Si Jesu-Cristo ay siya ring kahapon, ngayon, at magpakailanman.
9Huwag kayong padala sa sari-sari at kakaibang mga turo, sapagkat mabuti na ang puso ay patibayin ng biyaya; hindi sa pamamagitan ng mga pagkain, na di pinakinabangan ng mga tumupad ng mga iyon.
10Tayo ay may isang dambana, na kung saan ang mga naglilingkod sa tabernakulo ay walang karapatang kumain.
11Sapagkat#Lev. 16:27 ang katawan ng mga hayop na ang mga dugo'y dinadala ng pinakapunong pari sa santuwaryo para sa kasalanan ay sinusunog sa labas ng kampo.
12Kaya si Jesus man ay nagdusa sa labas ng pintuan ng lunsod upang gawing banal ang mga tao sa pamamagitan ng kanyang sariling dugo.
13Kaya't puntahan natin siya sa labas ng kampo na dala ang kanyang kahihiyan.
14Sapagkat dito'y wala tayong lunsod na magtatagal, ngunit hinahanap natin ang lunsod na darating.
15Kaya't sa pamamagitan niya ay maghandog tayong patuloy ng alay ng pagpupuri sa Diyos, samakatuwid ay ng bunga ng mga labi na nagpapahayag ng kanyang pangalan.
16Huwag ninyong kaliligtaan ang paggawa ng mabuti at ang pamamahagi, sapagkat ang Diyos ay nalulugod sa mga gayong handog.
17Sumunod kayo at pasakop sa mga namumuno sa inyo, sapagkat sila'y matamang nagbabantay alang-alang sa inyong mga kaluluwa bilang mga mananagot. Hayaang gampanan nila ito na may kagalakan at hindi nang may hapis, sapagkat kung ganito'y hindi ito magiging kapaki-pakinabang sa inyo.
18Idalangin ninyo kami, sapagkat kami'y naniniwalang kami ay may mabuting budhi, na nagnanais na mabuhay na marangal sa lahat ng mga bagay.
19At ako'y lalo pang nakikiusap sa inyo na inyong gawin ito, upang ako'y madaling maibalik sa inyo.
Basbas
20Ngayon, ang Diyos ng kapayapaan na bumuhay mula sa mga patay sa ating Panginoong Jesus, ang dakilang pastol ng mga tupa, sa pamamagitan ng dugo ng walang hanggang tipan,
21nawa'y gawin niya kayong ganap sa bawat mabuting bagay upang magawa ninyo ang kanyang kalooban, at gawin sa atin ang nakakalugod sa paningin niya, sa pamamagitan ni Jesu-Cristo, na sa kanya ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.
Pangaral at Pagbati
22Mga kapatid, ngayon ay nananawagan ako sa inyo na inyong pagtiisan ang aking salita ng pangaral, sapagkat sa pamamagitan ng iilang mga salita ay sumulat ako sa inyo.
23Nais kong malaman ninyo na ang ating kapatid na si Timoteo ay pinalaya na; at kung siya'y dumating agad, kasama ko siyang makikita kayo.
24Batiin ninyo ang lahat ng mga namumuno sa inyo at ang lahat ng mga banal. Kayo'y binabati ng mga nasa Italia.
25Ang biyaya'y sumainyo nawang lahat. Amen.

Kasalukuyang Napili:

HEBREO 13: ABTAG01

Haylayt

Ibahagi

Kopyahin

None

Gusto mo bang ma-save ang iyong mga hinaylayt sa lahat ng iyong device? Mag-sign up o mag-sign in